Hindi maikakaila na maraming bata ang gumagamit ng mga tablet at smart phone upang maglaro at maglibang. Marami din namang mga kid-friendly na apps na talagang ginawa para sa mga bata. Ngunit isa sa mga app na ito, ang “Santa Call New 2018”, ay may tinatagong sikreto.
Santa Call New 2018: Hindi ito pambatang app
Nagulat ang inang si Kersty Taylor nang makarinig siya ng nakakatakot na babala mula sa “Santa Call New 2018” app sa tablet ng anak niya.
Ang app raw na ito ay kunwaring tumatawag kay Santa Claus, at magbibigay ng masasaya at positibong mensahe sa mga bata. Ngunit bigla na lang daw may magsasalita at magsasabi ng babala na ito:
“Hello there. Can you hear me?
“In five nights, if you’re free, I will look for you, I will find you, and I will kill you.”
Ayon kay Kersty, ginagamit daw ng anak niyang si Evie-Elizabeth ang app, nang marinig niya ang nakakatakot na mensahe. Dahil sa nangyari, nag-post siya sa Facebook ng babala sa ibang mga magulang na huwag i-download ang app.
Ito ay dahil posibleng maging sanhi ng trauma sa bata ang marinig nila sa app. Dagdag pa ni Kersty, iyak daw ng iyak ang anak niya sa takot matapos marinig ang app.
Ni-report na niya ang app, at umaasang tatanggalin na ito mula sa Amazon store. Inuudyok din niya ang ibang mga magulang na mag-report at maging mapagmatyag pagdating sa mga ganitong apps.
Bantayan ang paggamit ng bata sa mga gadgets
Malaki ang naitutulong ng mga gadgets pagdating sa pag-aalaga ng bata. Ginagamit ito ng mga magulang upang mapakalma ang kanilang mga anak, o kaya para makuha ang kanilang atensyon.
Ngunit importante pa rin na huwag hayaang masyadong mahumaling sa mga gadgets ang mga bata. Ito ay dahil mayroon ding masamang epekto ang paggamit nito, tulad ng pagiging addicted sa gadget, o kaya ay naeexpose sila sa mga bagay na hindi nila dapat makita o marinig.
Kaya’t heto ang ilang dapat tandaan ng mga magulang pagdating sa gadgets:
- Huwag hayaang gumamit ng gadget mag-isa ang iyong anak. Bantayan sila palagi at gabayan sila.
- Subukan muna sa sarili ninyo ang mga apps na dinodownload upang masiguradong pambata talaga ito.
- Gamitin ang parental safety settings ng mga gadgets upang makaiwas sa hindi tamang content ang mga bata.
- Huwag hayaang gamitin ng matagal ang mga gadgets. Maglaan ng oras para maglaro sa labas, o iba pang mga gawain.
- Magsilbing mabuting halimbawa para sa iyong anak. Huwag masyadong nakatutok sa cellphone, o palaging nagtitingin sa Facebook.
Source: The Sun
Basahin: Do you know what your kids are watching on YouTube? Mom shares horror story
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!