Scalded Skin Syndrome, ito ang sakit sa balat na naging dahilan upang mabulok at mabawasan ang daliri sa paa ng isang tatlong buwang sanggol.
Baby na nabulok ang daliri sa paa
Upang magsilbing warning sa iba, isang inang netizen ang nagbahagi ng naging karanasan ng kaniyang anak. Siya ay si Mommy Jancele, ang 20-anyos na ina ni Baby A.J.
Sa pamamagitan ng isang Facebook post ay ipinaliwanag ni Mommy Jancele, kung paano ang isang akala niyang kati-kati lang ay naging sanhi ng pagkabulok at pagkaputol ng daliri sa paa ng kaniyang 3-months old na baby girl noon na si A.J.
Kwento ni Mommy Jancele, noong una sa hindi nila maipaliwanag na dahilan ay nagkaroon daw ng kati-kati sa katawan ang kanilang pamilya. Kabilang nga dito si Baby A.J. na napansin niyang kakaiba ang kati-kati sa balat kumpara sa kanilang mga nakakatanda.
“Before po ang lahat lahat eh nagkaron kame ng kati kati lahat buong pamilya kasama si baby. Sobrang stressed po dahil di ko alam gagawin ko that time para mawala na yung meron sa balat namin. And ang pinaka apektado yung lo ko.”
“Napansin ko po nung una sa lo ko parang meron syang butlig butlig na mejo nagtutubig maliliit lang. akala ko po nung una wala lang pero as days goes by padami sya ng padami tapos mejo namumula na rin po balat nya.”
Ito ang pagkuwento ni Mommy Jancele sa kaniyang Facebook post.
Kakaibang kati-kati sa katawan
Dahil nga sa napansin sa balat ng kaniyang baby ay napagdesisyunan na nilang dalhin at ipacheck-up ito sa doktor. Ngunit nagreseta lang daw ang doktor ng sabon na mas parang lalo lang nagpasama sa kondisyon ng balat ng kaniyang anak. Kaya naman minabuting niyang dalhin ito sa isang pedia sa pag-asang malulunasan na nito ang sakit sa balat ng anak. Ngunit, ayon sa pedia malala na daw ang sakit sa balat ng kanyang anak at kailangan na nito ng espesyalista.
Dinala nila agad ang anak sa isang derma na niresetahan naman ito ng gamot. Ngunit matapos ang ilang araw ay may napansin siya sa anak na mas lalo niyang pinag-alala.
“Niresetahan si baby ng derma PERO ILANG DAYS PALANG NAG GAGAMOT SI BABY SA BALAT NYA NAPANSIN KO NA PARANG MAY NAMUONG DUGO SA HINLILIIT NYA. 🙁 wala na kameng pera that time kase nagpaderma nga si baby. Aug17 kame nagpaderna at nagpapedia non pero aug 19 ko napansin yung sa hinliliit ni lo. So ako kinakabahan na. August 20, namamaga paa ni lo pero hinot compress ko lang muna kase walang wala talaga kame pera, aug 21 apektado na pangalawang daliri ni lo sa paa kaya ipinangutang talaga namin ng pera para maisugod sa ospital at namamaga na nga sya.”
Dahil sa maduming paligid
Nang dalhin nga sa ospital, doon na nalaman ni Mommy Jancele na malala na ang kondisyon ng anak. At kailangang dalhin na ito sa Research Institute of Tropical Medicine o RITM upang masuri. Sa punto nga lang na iyon siya nalinawan sa tunay na kalagayan ng kaniyang anak.
“Yung kati kati pala namin is nanggaling mismo sa tinitirahan namin. Which is yung ilalim non is parang krik/kanal malinis naman po bahay pero yung ilalim hinde. And kaya nabulok yung paa ni baby is dahil bumaba yung bacteria sa paa niya kaya naging apektado.”
Ayon sa mga doktor, ang naging sakit daw n Baby A.J. ay Scalded Skin Syndrome na nakakahawa. Kaya naman habang ito noon ay ginagamot ay kinailangan itong i-isolate o ihiwalay sa iba.
Unti-unting gumaling si Baby A.J. Ngunit hindi na nailigtas ang apat daliri niya sa kaliwang paa.
Ang mga ito ay tuluyang nabulok at kailangang operahan para maisaayos.
Image from Facebook
Paalaala at payo sa mga magulang
Kaya naman dahil sa nangyari ay may mga natutunan at paalala si Mommy Jancele sa ibang mga magulang.
“Di masamang magselan pagdating sa anak natin. And hanggat maari ilayo natin sya sa lahat ng bagay na marumi at makakapagbigay ng kahit anong sakit sa mga anak natin. Palaging linisan si lo 2-3x a day natin sila paliguan dipende sayo mommy.”
“And most especially, wag natin patagalin pa kung kay ma-notice tayong kakaiba sa lo natin better consult a professional than to ask other people. Mas lamang po ang kay alam kesa maniwala sa sabe sabe. Late ko na po narealize yang mga yan kaya sobrang sinisi ko po sarili ko sa nangyare sa anak ko but still lumaban ako hanggang dulo.”
Dagdag pa ni Mommy Jancele ay kinailangan nilang lumipat ng bahay para hindi na ulit magkaroon ng Scalded Skin Syndrome ang anak.
Pinalitan at itinapon rin nila ang mga gamit, damit at bedsheet mula sa kanilang dating bahay para makasigurado. Dahil ayon umano sa doktor na tumingin sa kaniyang anak ay maaring sumiksik at pamahayan ito ng mga bacteria.
Sa ngayon si Baby A.J ay 7-months old na. Malusog at masigla narin daw ito kahit na hindi maitatago ng mga nawalang daliri sa paa ang kaniyang pinagdaanan.
Image from Facebook
Scalded Skin Syndrome
Ayon sa Rarediseases.org, ang staphylococcal scalded skin syndrome o SSSS ay isang disorder na nagdedevelop dahil sa toxin na nagpo-produce ng staphylococcal infection.
Ang toxin daw na ito ay mapanganib na unang naililipat sa balat na kumakalat hanggang sa dugo.
Inaatake nito ang outer layer ng balat na nagdudulot ng pamumula, pamamalat at pamamaltos ng balat na tila napaso.
Mas prone daw ang mga limang taong gulang na bata pababa sa pagkakaroon nito. Dahil wala pa silang antibodies para labanan ang nasabing toxin. At masyado pang immature ang kanilang kidneys para tulungan silang maalis ito ng mabilis sa kanilang katawan. Ngunit ang staphylococcal scalded skin syndrome ay maari ring maranasan ng mga matatanda.
Sakit na nakakahawa
Ayon naman sa Dermnet.org, ang staphylococcus aureus ang bacteria na nagdudulot ng staphylococcal scalded skin syndrome. Ito ay naidadala ng isang adult carrier sa isang bata o baby na mahina pa ang immune system na labanan ang sakit. Wala daw makikitang sintomas ang SSSS sa matandang mayroon nito. Ngunit mapanganib naman ang maaring maidulot nito sa bata o baby na mahahawaan niya ng sakit.
Ang staphylococcus aureus bacterium ay madalas na sumisiksik sa ating ilong. Kaya naman maihahawa o maililipat ito sa ibang tao sa pamamagitan ng pagbahing. O kaya naman ay sa kahit anong direct contact na pinapasok ang balat sa pamamagitan sugat, rashes, o galos.
Maliban sa ilong ay madalas ring nananahan ang bacteriang ito sa mata, daluyan ng ihi, pusod, mababaw na gasgas sa balat at sa dugo.
Sintomas at lunas ng staphylococcal scalded skin syndrome
Ang SSSS ay madalas na nagsisimula sa isang lagnat. Sasabayan din ito ng irritability at pamumula ng balat ng taong mayroon nito. Sa loob ng 24-48 hours ay magsisimula ng mamaltos ang balat. At ito ay mabilis na mag-iitsurang lapnos o paso.
Ilan sa parte ng katawan na agad na mapapansin ito ay sa mukha, braso, ilong at tenga. Mabilis na kumakalat ito na maari ring mapansin sa kili-kili, legs at puwetan. Habang sa mga baby ay makikita ito sa kanilang diaper area at sa paligid ng kanilang umbilical cord.
Ang staphylococcal scalded skin syndrome ay nadidiagnose sa pamamagitan ng skin biopsy, Tzanck smear at pagkuha ng bacterial culture sa balat.
Nalulunasan naman ito sa tulong ng intravenous antibiotics na nangangailangan ng hospitalization.
Ang SSSS ay hindi naman delikado kung agad na malulunasan. Ngunit kung hindi, ito ay maaring magdulot ng severe infections tulad ng sepsis, cellulitis at pneumonia na nakakamatay.
Paano ito maiiwasan
Sa isang pahayag ay una ng ibinahagi ng pediatrician na si Dr. Nikki James Francisco na upang ito ay maiwasan ay may ilang bagay na dapat tandaan ang mga magulang. Ito ay ang sumusunod:
- Ugaliing mag-hugas ng kamay at panatilihing malinis ang katawan.
- Siguraduhing ang mga taong lumalapit sa iyong anak lalo na kung siya ay limang taong gulang pababa ay malinis ang pangangatawan.
- Huwag basta pahahalikan ang iyong anak.
- Sa oras na makapansin ng kakaibang rash o sugat sa balat ng anak ay dalhin agad ito sa doktor at ipa-konsulta.
- Kung hindi gumaling ang isang sugat o rash sa kabila ng pag-inom ng gamot na reseta ng doktor ay ibalik ang anak sa doktor at muling patingnan.
Sources: NCBI, Rarediseases.org, DermNet NZ, Medscape, Healthline
Basahin: 8-buwang sanggol, nagsugat at nalapnos ang balat dahil sa isang bibihirang sakit
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!