Adik sa gadgets? Narito ang ilang senyales ng screen dependency disorder sa mga bata na dapat bantayan ng mga magulang.
Mababasa sa artikulong ito:
- Masamang epekto ng gadgets sa kabataan
- Epekto ng gadgets sa kalusugan ng bata
- Adik sa cellphone? Mga senyales ng screen dependency disorder
Mga mommy at daddy, lagi na lang ba nakatutok ang anak ninyo sa smartphones? Siyempre, ang phone at tablet ay nakakatulong para aliwin—at panatiliing tahimik—si chikiting. Pero alam niyo ba na kapag sumobra ay maaari itong magkaroon ng masamang epekto sa kalusuan ng iyong anak?
Hindi ka nag-iisa. Sa dami ng kailangan nating gawin sa buong araw – sa mga gawaing-bahay at sa trabaho, minsan ay hindi natin maiwasang ibigay ang ating cellphone o iPad sa ating anak para lang mapirmi sila sa isang tabi at hindi nila tayo abalahin.
Subalit pansinin mo ang iyong anak. Nag-iiba ba ang ugali niya kapag gumagamit siya ng gadget at lalo na kapag kinukuha mo na ito sa kaniya? Maaring mayroon siyang screen dependency disorder.
Ano nga ba ang screen dependency disorder?
Ayon sa pag-aaral, ang screen dependency disorder (SDD) ay isang kondisyon sa mga bata kung saan nakakaranas sila ng addiction o labis na pagkahumaling sa screen time o sa paggamit ng gadgets.
Maari itong magkaroon ng masamang epekto sa pag-iisip ng bata at maging mga problema sa kanilang kalusugan at nutrisyon. Ani Dr. Aric Sigman, isa sa mga sumulat ng research paper tungkol rito,
“Associations are emerging between screen dependency disorders (SDD) such as Internet Addiction Disorder and specific neurogenetic polymorphisms, abnormal neural tissue and neural function.”
Dahil sila ay nasa edad kung saan nagde-develop pa lamang ang kanilang brain function, maaring maapektuhan ang pag-iisip ng bata dahil sa labis na paggamit ng gadgets. Posible rin raw ang brain damage bilang epekto nito.
“It is possible that intensive routine exposure to certain screen activities during critical stages of neural development may alter gene expression resulting in structural, synaptic and functional changes in the developing brain,” dagdag ng doktor.
Masamang epekto ng gadgets sa mga bata
Larawan mula sa Shutterstock
Napakaraming pag-aaral na ang nagtala ng masamang epekto ng labis na screen time sa mga bata, hindi lang sa kanilang pag-iisip, kundi pati na rin sa kanilang kalusugan at pag-uugali. Narito ang ilan sa kanila:
-
Nakaka-apekto ito sa kanilang brain development
Ayon sa mga eksperto mula sa Cincinnati Children’s Hospital, ang paglagpas ng isang batang may edad 3-5 taong gulang sa recommended one hour a day na screen time ay nakakapagpabagal ng kanilang brain development. Napag-alaman na nagdudulot ito ng pagliit ng utak o kaya pagkasira ng mga tissue sa iba’t ibang bahagi ng brain.
Sa isang pag-aaral mula sa National Institutes of Health, natuklasan na ang mga batang gumagamit ng gadgets ng mahigit 7 oras sa isang araw ay nakakaranas ng pagnipis ng cortex, ang bahagi ng brain na may kinalaman sa critical thinking at reasoning.
-
Nakaka-antala ito sa kanilang kakayahang matuto
Ang mga bata ay natututo sa pamamagitan ng pagmamasid at pag-oobserba sa mga tao sa kanilang paligid. Subalit kung lagi silang nakatutok sa kanilang screens o gadgets, maaring mabawasan ang oportunidad para matuto sila.
“Excessive screen time may inhibit a child’s ability to observe and experience the typical everyday activities they need to engage with in order to learn about the world, leading to a kind of ‘tunnel vision,’ which can be detrimental to overall development,” ayon kay Dr. Jennifer Cross, isang pediatrician at developmental and behavioral pediatrics expert mula sa NewYork-Presbyterian Komansky Children’s Hospital.
Inaakala natin na sa pamamagitan ng pagpapanood sa kanila ng mga educational videos sa YouTube, ay natututo ang ating mga anak. Pero pinabulaanan ito ni Dr. Cross.
“Studies have shown that children under 2 learn less from a video than when learning from another person, and it appears that although children will watch the TV screen by 6 months, understanding the content does not generally occur until after age 2.
It’s not that they won’t be captivated by what’s on the screen, but they’re not learning from it,” aniya.
Larawan mula sa iStock
-
Humihina ang kanilang attention span
Mabilis bang mainip ang iyong anak? Ayon sa mga pag-aaral, ang bawat oras ng panonood sa TV o screens ay nakakadagdag ng 10 porsyentong posibilidad na magkaroon ng attention problems ang bata kapag nagsimula na siyang pumasok sa eskwelahan.
-
Nagkakaroon sila ng behavioral problems
Mapapansin mo na sa ilan sa mga senyales ng screen dependency disorder ay may kinalaman sa pagbabago ng ugali ng iyong anak, kung saan posibleng siyang maging mas agresibo at mas madaling magalit o magkaroon ng matinding tantrums. Nahihirapan silang kontrolin ang kanilang mga emosyon at naaapektuhan rin ang kanilang pakikitungo sa iba.
-
Naaantala ang kanilang pagsasalita
Natututo ang bata na magsalita sa pamamagitan ng pakikinig at pakikipag-usap sa mga tao sa kanilang paligid. Subalit dahil sa oras na nauubos nila sa panonood sa kanilang gadget, maaring mabawasan ang face-to-face interaction, dahilan para bumagal ang development ng kanilang language at communication skills.
“Research shows that talking with children in a reciprocal dialogue is extremely important for language development and social interaction.
It’s that back-and-forth “conversation,” sharing facial expressions and reacting to the other person — in real life, rather than “passive” listening or one-way interaction with a screen — that improves language and communication skills in young children,” ani Dr. Cross.
-
Nakakasira ito sa kanilang mata
Ayon naman sa isang pag-aaral na isinagawa ng American Optometric Association (AOA) ang labis paggamit ng gadget o screen time ng higit sa dalawarang oras sa isang araw ay nagdudulot ng mga vision problems gaya ng digital eye strain at myopia.
Ang blue light mula sa mga gadgets na ito ay nakakasira ng ating retinal cells at nagpapabilis rin posibilidad ng macular degeneration.
-
Nahihirapan silang makatulog
Adik na ba sa cellphone ang iyong anak? Maaring ito ang isang dahilan kung bakit nahihirapan siyang matulog. Ayon sa pag-aaral, nakaka-apekto ang labis na screen time sa circadian rhythm o body clock ng katawan.
Ito ay dahil sa blue light na nilalabas ng mga gadget na nagbibigay ng maling mensahe sa katawan at nagpapahirap sa mga batang makatulog lalo na sa gabi.
-
Nagkakaroon ng problema sa kanilang katawan
Ang posisyon ng iyong anak kapag gumagamit ng smartphones or tablets ng mahabang panahon ay maaring maka-apekto sa kaniyang posture at spine na nagdedevelop pa lamang. Maari rin itong makapagdulot ng pananakit ng likod, at pananakit ng ulo.
-
Nagkakaroon ng problema sa kanilang timbang
Gayundin, maraming pag-aaral ang nagsabing ang paggamit ng screens, lalo na sa hapagkainan ay nakaka-impluwensya para magkaroon ng unhealthy diet ang isang bata, dahilan para magkaroon siya ng problema sa kaniyang nutrisyon at pati na rin ang pagiging overweight, dahil sa kakulangan ng pag-eehersisyo.
Larawan mula sa Shutterstock
BASAHIN:
STUDY: Mga batang mahilig sa gadgets, maaaring magkaroon ng eating disorder
Study: Too much screen time leads to underdeveloped language and literacy skills
7 na masamang epekto kapag pinagamit ng gadget ang mga batang below 2 years old
Senyales ng screen dependency disorder sa mga bata
Ang screen dependency disorder ay inihahalantulad sa mga ibang bisyo o addiction kaya nakakabahala talaga ito. Wala namang magulang na magnanais na ma-adik ang anak nila sa anumang bagay na makakasama sa kanila. Pero paano mo nga ba malalaman kung adik na sa gadgets ang iyong anak? Narito ang ilang senyales na dapat bantayan:
1. Nahihirapan silang itigil ang kanilang panonood
Tila ayaw na bang tumigil sa panonood ng iyong anak sa panonood kapag nasimulan na niya? Kapag nagbigay ka ng mga patakaran o screen time sa iyong anak at nahihirapan siyang sumunod rito, maaring mayroon na siyang problema sa paggamit ng gadgets.
2. Kawalan ng interes sa paglalaro at iba pang gawain
Maaring hindi na siya interesado sa ibang bagay gaya ng pag-aaral, pagbabasa at maging paglalaro, dahil ang gusto na lamang niya ay manood sa kaniyang tablet.
3. Wala silang ibang bukambibig kundi ang gadgets
Puro na lang ba games na kaniyang nilalaro o kaya ang palabas na kaniyang pinapanood ang gustong pag-usapan ng iyong anak? O kaya naman gusto niyang ipabili lahat ng laruan na nakikita niya sa YouTube, maaring senyales ito na dapat bawasan ang kaniyang screen time at bigyan ng oras ang ibang makabuluhang bagay.
4. Apektado ang pakikitungo nila sa ibang tao
Ayaw na ba niyang makipaglaro sa kaniyang mga kalaro, at umiiwas na rin sa pakikipag-usap? Maaring naaapektuhan na ang communication skills ng bata dahil sa screen dependency disorder.
5. Pagmamaktol o pagkakaroon ng problema sa ibang miyembro ng pamilya
Nagagalit ba ang anak mo sa’yo kapag binabawi mo na ang iyong cellphone? O kaya naman ang paggamit ba ng tablet ay pinagmumulan ng away ng magkapatid? Maaring nagiging unhealthy na ang relasyon ng iyong anak sa kaniyang gadget.
6. Lalong tumatagal ang kaniyang pagbababad sa gadgets
Kung noon ay sapat na sa kaniya ang 30 minutong panonood, ngayon ay kahit isang oras na siyang nakababad sa tablet ay ayaw pa rin niyang tumigil.
7. Natututo silang magtago para lang makagamit ng gadgets
Kapag hinanap mo ang iyong anak, magugulat ka na lang na nasa isang sulok lang pala siya ng bahay at gumagamit ng cellphone. O kaya naman ay kung hindi mo ipapahiram ang iyong tablet ay hihiramin niya ang kay Daddy. Naranasan niyo na ba ito, mommies? Kung gayon, talagang nakakasama na ang labis na screen time sa iyong anak.
8. Labis ang tuwa nila kapag binibigyan sila ng screen time
Iba ba ang kislap sa mata ng bata kapag nagkakaroon ng oras para gumamit ng gadget? Kung nakadepende ang kasiyahan ng iyong anak sa screen time, posibleng na-adik na nga siya rito.
Larawan mula sa Shutterstock
Mga importantent tips tungkol sa screen time ng inyong anak:
Narito ang mga importanteng bagay na dapat tandaan pagdating sa screen time ng inyong anak para maiwasan ang screen dependency disorder:
- Huwag hayaang maging sobrang dependent sila sa screentime para lang hindi sila mainip. Hikayatin silang magbasa, maglaro sa labas o gamit ang mga tunay na laruan. Hayaan silang maging bored at umisip ng ibang paraan para aliwin ang sarili.
- Ang mga sanggol edad 18 months pababa, hindi dapat pinapagamit ng smartphone o kahit anumang gadgets maliban na lang kung makikipag-video chat kausap ang mga kapamilya.
- Siguruhing pumili ng high-quality na palabas sa TV para sa iyong anak. Tabihan sila lagi kapag nanonood ng mga video, lalo na kapag online sila.
- Limitahan ang screen time ng iyong anak, at magiging consistent sa pagpapatupad nito. Huwag sosobra sa isa o dalawang oras kapag ang anak mo ay mahigit dalawang taong gulang na.
- Gayundin, ipagbawal ang gadgets sa ibang parte ng bahay at importanteng oras kasama ang pamilya tulad ng oras ng pagkain. Iwasan rin ang pagbibigay ng gadget time sa gabi at malapit sa bedtime ng bata.
- Maging mabuting halimbawa at magkaroon rin ng limitasyon sa gadgets para sa iyong sarili. Sa ganitong paraan, maipapakita mo sa bata na may iba pang mas mahalagang bagay kaysa sa manood sa gadgets.
Hindi naman masama ang gadgets, pero ang kailangan lang ay magkaroon ng limitasyon at mga patakaran sa tahanan upang maiwasan ang screen dependency disorder at ang mga masasamang epekto nito sa development ng iyong anak.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!