Isang 10-taong gulang na batang babae ang hinihilang ginahasa at pagkatapos ay pinatay. Paano kaya ito nangyari, at ano ang magagawa ng mga magulang upang kanilang mapanatili ang seguridad ng mga bata?
Lumabas lang daw siya para bumili sa tindahan
Nangyari daw ang insidente sa Barangay Panaga sa Laoac, Pangasinan noong Sabado ng gabi, January 19.
Ayon sa ina ng bata, inutusan lang daw niya itong bumili ng diaper sa kalapit na tindahan. Pagbalik raw ay nagpaalam daw ito na lalabas muli, dahil mayroong gustong bilhin sa tindahan. Hinayaan lang ito ng ina, ngunit nang hindi agad bumalik ang bata, nagsimula na silang mag-alala.
Labis na lamang ang pagdadalamhati ng pamilya nang mabalitaan nilang natagpuan ang bangkay ng bata sa isang maisan. Pinaghihinalaan din na ginahasa raw muna ito bago patayin. Nakababa raw ang pang-ibaba ng bata, at duguan ang mukha nito. Ayon pa sa medico legal, mukha raw sinakal ang bata na ikinamatay nito.
Kapitbahay daw nila ang suspek
Ayon sa kapatid ng biktima, ang 40-anyos na kapitbahay raw nila ang huling kasama ng bata bago ito mawala. Dahil dito, dinakip siya ng mga pulis at sa kasalukuyan ay pinaghihinalaang suspek sa panggagahasa at pagpatay.
Ayon naman sa pinaghihinalaang suspek, hindi raw siya ang nanggahasa at pumatay sa bata.
Paano mapapanatili ang seguridad ng mga bata?
Para sa mga magulang, napakaimportante ang kaligtasan at seguridad ng kanilang mga anak. Ngunit paano nga ba masisigurado ng mga magulang ang seguridad ng mga bata lalo na sa rape? Heto ang ilang mga tips na dapat tandaan ng mga magulang:
- Turuan ang mga bata na mag-ingat kapag mag-isa, at umiwas sa mga taong hindi kakilala.
- Kapag pinilit silang kunin o isama ng hindi nila kakilala, mag-ingay sila at humingi ng tulong.
- Mas maganda kung palagi mong bantayan ang iyong mga anak, lalo na kung maliit pa lang sila.
- Turuan din silang magsabi sa iyo kung may nangyari sa kanila, o may nanakit sa kanila.
- Hindi kasalanan ng rape victim ang nangyari. Mahalagang tanggalin ang stigma ng rape, at ituro ito sa iyong mga anak.
- Ituro din sa iyong mga anak na lalaki ang rumespeto sa kababaihan.
- Kung may kakilala kang biktima ng rape, bigyan mo siya ng suporta at pag-unawa.
Source: ABS-CBN News
Basahin: Ama, nagsimulang gahasain ang anak noong 6-taong gulang pa lamang ito