Ang usapin ng sex education sa Pilipinas ay isang bagay na mahirap ipaliwanag sa mga anak. Bukod sa mas konserbatibong paniniwala ng mga Pilipino, mahirap rin talaga ipaliwanag ang mga konsepto ng sex sa mga bata.
Ngunit hindi maitatanggi na ang sex education ay importanteng usapin, at mahalagang malaman ito ng mga anak mula mismo sa kanilang mga magulang.
Sex education sa Pilipinas: Paano ito dapat tinuturo ng mga magulang?
Ang pinakamahalagang dapat tandaan ng mga magulang pagdating sa sex education ay maging consistent, at maging open-minded pagdating sa usapin ng sex.
Heto ang 5 bagay na dapat mong tandaan:
1. Magandang simulan ang usapin habang bata pa
Maraming magulang ang nag-aalala na baka masyado pang bata ang kanilang mga anak para sa sex education. Ngunit ang madalas na nangyayari ay dahil sa paghihintay, natututunan ng mga bata ang sex education mula sa ibang tao.
Hindi naman kailangan na sabihin agad lahat ng konsepto ng sex para sa iyong anak. Kapag bata pa ang iyong anak ay puwedeng simulan muna ang usapin sa mga body parts, at kung ano ang tama at hindi tama na uri ng paghawak etc.
Pag medyo tumanda na ang iyong anak ay puwede nang pag-usapan ang sex mismo, at kung paano magiging responsible tungkol dito.
Ang usapin ng sex ay hindi dapat matatapos sa isang usapan lamang. Dapat ay habang lumalaki ang iyong anak, ay itinuturo mo sa kaniya ng dahan-dahan ang mga konsepto upang maging komportable sya, at maging komportable ka rin na pag-usapan ito.
2. Alamin kung ano ang tinuturo ng paaralan tungkol sa sex
Maganda ring kausapin ang teacher ng iyong anak kung sakaling tuturuan sila sa paaralan tungkol sa sex. Ito ay para malaman mo kung anu-ano ang mga ituturo sa kaniya, at kung anu-ano pa ang mga topics na baka hindi nila mapag-usapan.
Image from Freepik
May mga pagkakataon na pinapasadahan lang sa paaralan ang sex education, kaya’t kahit na itinuro na ito sa school, ay marami pa ring tanong ang mga bata. Responsibilidad ng mga magulang na sagutin ang mga katanungan na ito, at ipaliwanag ang mga konsepto na hindi gaanong naunawaan ng kanilang mga anak.
3. Sadyang ‘nakakahiya’ minsan ang usapin ng sex
Hindi maikakaila na makaramdam ng awkwardness o kaya ay mahiya ang mga magulang, pati na rin ang kanilang mga anak pagdating sa usapin ng sex. Lalong-lalo na at ang sex education sa Pilipinas ay madalas may kahalong biro, at hindi gaanong sineseryoso ng karamihan.
Ngunit mahalaga na hindi dapat hayaan ng mga magulang na pangunahan sila ng hiya. Mahalaga na sa magulang mismo manggaling ang kaalaman ng mga bata tungkol sa sex. Dahil sa ganitong paraan ay mas malinaw ang pagpapaliwanag. At mas makakapagbigay ang mga magulang ng tamang impormasyon sa kanilang mga anak.
Mas mabuti nang manggaling sa iyo mismo ang alam ng iyong anak tungkol sa sex. Kaysa malaman pa niya ang tungkol dito sa ibang tao, o kaya ay mabasa ito sa internet.
4. Pag-usapan ang mga mahirap at komplikadong mga paksa
Bukod sa mga biological na kaalaman tungkol sa sex ay dapat pag-usapan rin ang mga mas komplikadong mga paksa tulad ng mga STD, paano makakaiwas sa pagbubuntis, masturbation, sexual orientation, atbp.
Sa ganitong paraan, maituturo mo ang sex sa iyong anak na kasama ang mga values at pangaral na gusto mong ipamana sa kaniya.
5. Mahalaga rin ang usapin ng sexuality at gender
Sa panahon ngayon, sensitibo ang issue ng sexuality at gender. Ito ay dahil mas nauunawaan at natatanggap na ng mga tao ang iba’t-ibang gender identity at sexual orientation. Kailangan rin na maging bukas ang ating pananaw tungkol sa mga bagay na ito.
Ituro sa iyong anak ang pagiging compassionate, understanding, at mapagmahal ng kapwa. Kahit ano pa ang kanilang gender o sexual orientation. Bilang magulang, responsibilidad rin natin na tanggapin kung ano man ang gender o sexual orientation ng ating mga anak.
Mahalaga ang pagiging open-minded, at ang pag-iwas sa panghuhusga sa ibang tao. Dahil wala naman naidudulot na mabuti ang paninira sa iba.
Source: Psychology Today
Basahin: Coed or Single-sex Education: Which is better for your child?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!