Isang 8-buwang sanggol sa Oregon, USA ang binawian ng buhay. Ito ay matapos siyang pisilin, yugyugin at ihagis ng kaniyang sariling ama sa kama. Alamin ang panganib ng shaken baby syndrome.
Sanggol na napatay ng sarili niyang ama
Base sa mga report, ang pangalan ng nasawing sanggol ay si Milo Hill. Ang kaniyang mga magulang umano na pawang teenagers pa lamang ay naghiwalay na. Si Baby Milo ng mangyari ang insidente ay nasa pangangalaga ng kaniyang ama na si Isaiah Hill, 19-anyos.
Kuwento ng ina ni Baby Milo na piniling huwag magpakilala, nitong nagdaang summer lang sila naghiwalay ng ex-boyfriend nitong si Isaiah. Ngunit sa kabila nito ay pantay parin nilang ginagampanan ang kanilang responsibilidad sa anak. Sa katunayan ay nasa poder o pangangalaga nga daw ni Isaiah si Baby Milo tatlong araw sa isang linggo.
At nito nga lang Sabado, October 17, papunta na sana ang ina ni Baby Milo sa bahay ng kaniyang ex-boyfriend na si Isaiah para kunin ang anak. Ngunit bigla itong nakatanggap ng tawag mula rito na sinasabing nalaglag daw si Baby Milo. Agad itong nagmadali at tumawag sa 911 upang humingi ng tulong.
Pag-alala ng ina ni Baby Milo ng makita niya ang anak ay tirik na ang mata nito at nangingitim na ang kaniyang labi. Gumagalaw ito ngunit hindi tulad ng paggalaw ng normal na sanggol. Habang gumagawa ng malakas na hindi niya maintindihang tunog.
“His eyes were rolled back to his head, lips were already purple. He was moving but it wasn’t normal baby movement and he was making a very loud grunting noise.”
Ito ang pahayag ng ina ni Baby Milo sa isang panayam.
Dahil sa labis na pagyugyog at paghagis dito
Kuwento ng ama ni Baby Milo na si Isaiah ay aksidente daw itong natumba sa aso habang karga ang kaniyang anak. Dahilan upang siya ay matumba ng pahiga at madaganan ang anak niya.
Ngunit ang pahayag na ito ni Isaiah ay binawi niya rin. Ayon parin sa mga report, umamin din daw ito kalaunan na pinagpipisil niya daw ang anak at niyugyog bago ito tuluyang ihagis sa kama.
Lumabas naman sa isinagawang imbestigasyon na hindi tugma ang natamong injury ng sanggol sa unang sinabing dahilan ng pagkasawi nito ng kaniyang ama. Dahil ayon sa mga duktor na tumingin kay Baby Milo ito ay nagtamo ng profuse brain injury. (Sa ibang mga kaso dulot ito ng shaken baby syndrome.)
Dagdag pa ng ina ni Baby Milo ito ay nakaranas rin ng stroke na nagdulot sa ¾ na bahagi ng utak nito na maging brain dead. Sasailalim sana ito sa invasive procedure para malagyan ng tubo ang utak nito at maalis ang excess fluid. Ngunit nito lamang Lunes ay tinuluyan ng inalis ang life-support nito at ito ay idineklara ng ganap na patay.
Samantala, sa ngayon ay hindi pa tukoy kung anong kaso ang isasampa sa ama ni Baby Milo na naging dahilan ng pagkasawi niya.
Ano ang shaken baby syndrome?
Ayon sa American Association of Neurological Surgeons, ang shaken baby syndrome o shaken impact syndrome ay isa sa mga uri ng pang-aabuso na nararanasan ng mga sanggol. Madalas na nagaganap ito kapag ang isang magulang o caregiver ay na-frufrustrate na sa pagpapatigil sa umiiyak o nagwawalang sanggol. Ang frustration na ito ay nagiging dahilan para yugyugin ng malakas ang sanggol sa kagustuhang ito ay mapatahan.
Ngunit, ito ay mali. Dahil imbis na mapatahan ang sanggol, ang pagyugyog ay maaring magdulot ng nakakamatay na epekto sa kaniya. Ang dalawa sa pinaka-nakakatakot na epekto nito sa sanggol ay pagkaka-coma o kaya naman ay ang makaranas ito ng pagdurugo ng utak o brain hemorrhage.
Kaya naman laging ipinapaalala lalo na ng mga doktor na iwasang yugyugin ang sanggol. Dahil ang pwersang dulot nito ay maaring maka-damage sa mga internal organs ng kanilang mahina at sensitive pang katawan. Hindi pa din kayang suportahan ng malambot pa nilang leeg ang malakas na pwersang maaring maka-damage sa kanilang ulo.
Sintomas ng shaken baby syndrome
Ilan sa maaring maging paunang sintomas o epekto ng shaken baby syndrome sa isang sanggol ay ang sumusunod:
- Altered level of consciousness
- Pagiging antukin na sasabayan ng pagiging irritable
- Coma
- Kombulsyon
- Dilated pupils na hindi nag-rereact o nag-rerespond sa ilaw
- Pagsusuka
- Bumabalikwas ang ulo patalikod at naka-baluktot ang likod
- Hirap sa paghinga o hindi normal na paghinga
- Cardiac arrest
- Pagkamatay
Paano maiiwasan ang shaken baby syndrome
Ang shaken baby syndrome ay maiiwasan. Dapat lang ay paalalahanan ang mga magulang lalo na ang mga first time parents na huwag aalugin o yuyugyugin ang kanilang sanggol. Ang mga sumusunod na tips ay makakatulong rin upang maiwasan ito sa tuwing na-frufrustrate na sa pag-aalaga kay baby.
- Huminga ng malalim at magbilang ng hanggang sampu.
- Mag-timeout at hayaang umiyak muna si baby.
- Tumawag sa kaibigan o kapamilya para sa emotional support.
- Tumawag sa iyong doktor upang malaman ang dahilan kung bakit umiiyak si baby.
- Huwag iiwan si baby sa caregiver,kapamilya o kaibigan na hindi mo pinagkakatiwalaan.
Photo: Freepik
BASAHIN:
Baby ‘nalunod’ sa gatas; Doktor ito ang paalala sa mga magulang
Shaken Baby Syndrome: Kung bakit hindi dapat inaalog nang marahas ang baby
Shaken Baby Syndrome a real and legitimate diagnosis, doctors say