Ang kondisyon na shaken baby syndrome ay kakaiba kumpara sa mga karaniwang sakit ng mga bata. Ito ay dahil hindi ito epekto ng nakakahawang virus o bacterial infection, ngunit epekto ito ng child abuse.
Ating alamin ang nakakalungkot na kuwento ng isang ina tungkol sa anak niyang naging biktima ng ganitong karamdaman.
Huwag na huwag aalugin ang iyong baby
Ayon kay Angie Setlak, isang ina mula sa Seattle, Washington sa US, nais niyang ibahagi ang kuwento para magbigay ng awareness sa sakit na shaken baby syndrome.
Sabi ni Angie na sa pagbubuntis pa lang ay nagsimula na ang kalbaryo niya. Ito ay dahil hindi daw naging tapat sa kaniya ang ama ng anak na si Xavier. Naapektuhan ng stress ang kaniyang pagbubuntis, at ipinanganak si Xavier na 4 weeks premature.
Bagama’t 16 na araw si Xavier sa loob ng NICU, naging maayos naman ang kaniyang paglaki, at sa unang 3 buwan ng buhay niya, walang kahit anong naging problema.
Ngunit nang matapos na ang kaniyang maternity leave, at ang ama na ni Xavier ang nag-aalaga sa bata, doon na nagsimula ang problema.
Parang ayaw alagaan si Xavier ng kaniyang ama
Nakakuha raw si Angie ng sunod-sunod na mga text messages mula sa ama ni Xavier na nagsabing ang hirap daw alagaan ng bata. Dahil dito, sinabi niya sa tatay ni Xavier na maghahanap siya ng paraan para iba na lang ang magbabantay sa bata.
Natakot si Angie nang mag-text sa kaniya ang ama ni Xavier at sinabing mapapatay na daw niya ang bata. Kinabahan na siya dito, pero umaasa siyang baka pabiro lang ang mensahe.
Ngunit tumigil daw ang kaniyang mundo nang makakuha pa ng isang text, at sinabi ng ama na tumigil daw sa paghinga ang bata. Ayon sa text, nabulunan daw ang bata sa gatas, kaya’t dadalhin ng ama sa ospital.
Dahil dito, dali-daling nag-ayos ng gamit si Angie at umalis nang maaga sa trabaho. Pagdating niya sa ospital, narinig niyang umiiyak si Xavier, kaya akala niya na walang problema. Ngunit mali ang akala niya.
Nagdudugo daw ang utak ni Xavier, at siya ay nasa medically-induced na coma. Dahil daw sa galit ng ama, inalog nito ang bata at nagdugo ang utak. Posible daw na hindi na makakita, makasalita, o makalakad si Xavier. Pero umaasa pa rin si Angie na gagaling ang kaniyang anak.
Dahan-dahang nakaka-recover si Xavier sa nangyari
Matapos ang 17 na araw sa ospital, pinauwi na rin ang sanggol. Ang kaniyang ama naman ay inaresto dahil sa pang-aabuso sa bata.
Ngayon daw ay masaya siya at hindi namatay si Xavier. Pumupunta raw sa therapy ang anak upang dahan-dahang maka-recover ang kaniyang utak. Suwerte pa nga daw si Xavier dahil sobrang bata pa niya nang mangyari ang insidente. Ito raw ay dahil mas may posibilidad na gumaling ang kaniyang utak dahil hindi pa tapos ang development nito.
Bagama’t nakakabawi na si Xavier, may posibilidad daw na magkaroon siya ng cerebral palsy paglaki. Hindi pa rin daw nila alam kung ano ang mismong naging epekto sa kaniya ng pangyayari, dahil hindi pa tapos ang development niya. Kaya’t natatakot pa rin ang kaniyang pamilya na baka magkaroon pa ng problema balang araw.
Pero sa ngayon daw ay iniisa-isa ni Angie ang bawat araw. Mas mahalaga daw sa kaniya na palaging nasa tabi ng anak. Masaya siya na kahit ipinanganak ng premature si Xavier, at naging biktima ng pang-aabuso ay buhay pa rin daw siya.
Sana daw ay sa pamamagitan ng kaniyang kuwento ay maging mas maingat ang mga magulang, at hindi hayaang manalo ang init ng ulo.
Sana raw ay habaan pa nila ang kanilang pasensiya at huwag na huwag aalugin ang kanilang sanggol. Kapag nahihirapan daw sila sa pag-aalaga, mabuting ibaba muna ang bata at lumayo at magpakalma. Mas mabuti na raw iyon kaysa alugin ang bata na posibleng magdulot pa ng shaken baby syndrome.
Shaken baby syndrome symptoms
Ang shaken baby syndrome ay ang nangyayari kapag naaalog ang baby ng marahas. Nagiging sanhi ito ng brain injury na pumapatay sa brain cells ng baby at hinahadlangan ang pagdaloy ng sapat na oxygen sa utak ng bata. Maaaring mag-resulta ito sa brain damage o kamatayan.
Narito ang shaken baby syndrome symptoms na dapat bantayan:
- iritable o hindi mapatahan
- antukin
- hindi makahinga ng maayos
- mahina dumede o kumain
- nagsusuka
- namumutla o medyo blue ang kulay
- seizures
- paralysis
- coma
Hindi parating madaling makita ang shaken baby syndrome symptoms, mas lalo na’t hindi ito makikita sa katawan ng baby. Minsan, mayroong pasa ang muha.
Ang mga nasabing shaken baby syndrome symptoms ay maaaring magbigay ng clue sa pinsalang natamo ng baby. Maaari itong magkaroon ng pagdurugo sa utak. pagdurugo sa mata, pinsala sa spinal cord, at fracture sa ribs, bungo, legs o ibang buto.
Karamihan sa mga bata na may shaken baby syndrome symptoms ay nakaranas na dati ng child abuse.
Mayroong mga kaso ng shaken baby syndrome ngunit mild lang ito. Ibig sabihin, maaaring mukhang normal ang bata matapos itong maalog ng marahas ngunit kapag lumaon ay magde-develop ito ng health o behavioral problems.
Tandaan: kung sa tingin niyo ay may shaken baby syndrome symptoms ang inyong anak, huwag mag-atubiling kumonsulta sa duktor.
Source: Health
Basahin: Baby nagkaroon ng brain injury matapos maalog nang marahas