Hindi madali ang pagiging isang magulang. Bukod sa pag-aalaga sa iyong mga anak, ay kailangan mo ring alalahanin kung ano ang iyong mapagkakakitaan para sila ay masustentuhan. Kaya’t hindi na bago ang makakita ng mga magulang na pinagsasabay ang iba’t-ibang mga trabaho upang masustentuhan ang kanilang pamilya.
Kaya’t nakakalungkot kapag nakakarinig tayo ng balita ng mga magulang na kumakapit sa patalim para masustentuhan ang kanilang pamilya. Tulad na lamang ng isang ina na piniling maging shoplifter para matustusan ang pangangailangan ng kaniyang 6 na anak.
Shoplifter na ina, nagawa raw magnakaw para sa mga anak
Nasa kustodiya ngayon ng mga pulis ang shoplifter na si Ana Miniz, na nahuling nagnanakaw sa isang supermarket sa Makati.
Base sa kuha ng CCTV footage, sinubukang tumakas ni Ana habang dala-dala ang mahigit 20,000 pesos na halaga ng mga grocery. Ngunit hinarang siya ng mga security guard.
Ayon kay Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati police, “Kung makikita kasi natin ‘yung oras medyo rush hour, maraming tao sa grocery. Nag-observe muna siya bago niya kinuha ‘yung cart at unti-unting inilabas… Nakalusot siya dati kaya medyo kampante siya, at alam na niya ‘yung mga pasikot-sikot.”
Matapos nito, nalaman rin na hindi pala ito ang unang pagkakataon na sinubukan niyang magnakaw. Noong nakaraang taon ay nahuli rin daw siya na nagnanakaw sa parehas na supermarket.
Ayon kay Ana, nagawa lang daw niya ito dahil kailangan niyang sustentuhan ang kaniyang 6 na mga anak. Ito ay dahil siya lang raw mag-isa ang sumusuporta sa mga ito.
Ngunit ngayong nasa kulungan siya, nag-aalala siya kung sino ang mag-aalaga sa mga bata.
Kakasuhan si Ana ng theft dahil sa kaniyang pagnanakaw.
Hindi dahilan ang kahirapan upang magnakaw
Hindi natin maikakaila na mahirap ang buhay sa ating bansa. Kailangan ay doble-kayod tayong lahat upang kumita ng sapat na pera para mastustentuhan ang ating mga sarili. Lalong-lalo na para sa mga magulang na kinakailangan rin buhayin ang kanilang mga anak.
Bagama’t mahirap, hindi dapat ito maging dahilan upang humantong sa pagnanakaw, o kaya sa paggawa ng masama. Para sa ilan, ang pagnanakaw ay madaling paraan upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya. Ngunit ang katotohanan ay nagdudulot pa ito ng mas maraming kasamaan.
Ito ay dahil posibleng gayahin ng mga bata ang ganitong klaseng gawain. Paglaon ay baka ang mga bata na mismo ang magsimulang gumawa ng krimen at magnakaw, at ikakasira ito ng kanilang buhay.
Kaya’t importanteng maging matatag at matutong magtiis ang mga magulang. Hindi naman mahalaga ang pagiging mayaman, basta’t may kabutihan at katapatan ang isang tao.
Source: ABS-CBN News
Basahin: This dad punished his small, 5-year-old son for stealing. Why?
Image: ABS-CBN News
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!