Nakakapag-alala talaga kapag mainit ang temperatura ng ating anak. Pero huwag magpanic, mommy. Narito ang dapat mong tandaan tungkol sa sinat ng bata.
Mahirap magkasakit sa panahon ngayon. Kaya naman kapag may napapansin tayong kakaiba sa ating anak, mabilis tayong nag-aalala at humahanap ng lunas para hindi na lumala ang kaniyang pakiramdam.
Sinat sa bata
Isa sa mga karaniwang sintomas na binabantayan natin kapag parang matamlay o may sakit ang ating anak ay ang lagnat o kapag tumataas ang temperatura nila.
Kadalasan papakiramdaman natin kung mainit ang kanilang leeg at saka natin kukunin ang thermometer para malaman ang kanilang temperatura. Pero paano kung ayon sa kaniyang temperature, wala naman siyang lagnat?
Maaaring ilarawan na may sinat ang bata, o feverish in English. Bago natin talakayin ang tungkol rito, alamin muna natin kung paano malalaman kung ang iyong anak ay lagnat o sinat lang.
Mainit ang bata – lagnat ba, o sinat lang?
Nakasanayan na nating mga magulang na ilagay ang ating palad sa leeg o noo ng bata para malaman kung mainit siya. Pero ayon kay Dr. Nicole Perreras, isang pediatrician at eksperto sa infectious diseases mula sa Makati Medical Center, hindi maaasahan ang ganitong paraan para matukoy kung may lagnat ang isang tao.
“‘Yong tactile kasi, it’s not reliable because it depends on the skin of the person touching the child.” aniya.
Subalit pwede itong magsilbing babala na maaring mayroong lagnat ang iyong anak. “Kung feeling mo mainit siya, that’s the time to really check it with a thermometer.” dagdag niya.
Sinat temperature
Napapaisip ka rin ba kung ano ang sinat temperature at kailan masasabing nilalagnat ang bata?
Ayon sa doktora, kung ang gagamiting paraan ng pagkuha ng lagnat ay ang axillary method (o iyong iniipit sa kilikili ang thermometer), na siyang pinakakaraniwan at kinasanayan natin. Masasabing may lagnat ang bata kapag umabot sa 37.8 o higit pa ang kaniyang temperature. Kung mababa rito ang kaniyang temperature, masasabing sinat lamang ito.
Subalit paalala ni Dr. Perreras, tingnang maigi kung ayos o gumagana ba ang thermometer na ginagamit sa pagkuha ng temperature ng bata.
Payo niya, para makasiguro kung mayroong lagnat ang iyong anak, dalawang beses kunin ang kaniyang temperature mula sa magkaibang bahagi ng katawan.
“If in doubt, you can check the temperature in two different areas.”
Kapag walang lagnat ang bata subalit mainit pa rin ang kaniyang balat at tila matamlay, maaari mo na ring simulang i-monitor ang kaniyang temperature (i-check sa pagitan ng 4 na oras) para makumpirma kung mayroon nga siyang sakit.
Pero kung gumagana naman nang maayos ang inyong thermometer, pero ganoon pa rin ang sinasabi, maaaring may ibang dahilan ang sinat ng bata of pakiramdan na feverish in English.
Mga posibleng dahilan ng sinat sa mga bata
Kung mainit ang pakiramdam kapag hinahawakan mo ang iyong anak subalit wala naman siyang lagnat, maaaring may mga bagay o pangyayari na nakakapagdulot nito:
- Init ng panahon
- Trangkaso (hindi lahat ng oras, ang sakit na ito ay may kasamang lagnat)
- Pananamit
- Nagngingipin
- Pisikal na gawain
- Anxiety
Bagama’t hindi ka naman dapat mag-alala kung may sinat ang iyong anak, maaaring senyales na rin ito na dapat mo siyang bantayan at obserbahan.
BASAHIN:
Kailan dapat dalhin sa doktor kapag may sinat ang bata
Maaaring wala nga siyang lagnat, pero kung may sinat ang iyong anak na sinasamahan ng mga sumusunod na sintomas, dapat pa ring kumonsulta agad sa kaniyang pediatrician:
- Matamlay ang bata
- Siya ay parang nababalisa at hindi mapakali
- Mayroong senyales ng dehydration (tuyo ang bibig, hindi masyadong umiihi, walang luha kapag umiiyak)
- Nagsusuka o nagtatae
- Mayroong viral infection (gaya ng ubo o sipon) ang bata na tumatagal na ng mahigit 7 araw
Home remedies para sa sinat
Bagama’t hindi ka dapat mag-alala kung may sinat (at walang mga sintomas na nabanggit sa itaas) ang bata, mas makabubuting bantayan siya para makasiguro.
Habang mino-monitor sa bahay, maaari ring subukan ang ilang paraan na pwedeng makatulong para maibsan ang kaniyang nararamdaman o maagapan ang nagbabadyang sakit:
Moringa o malunggay
Mayaman sa nutritional at medicinal benefits ang malunggay. Puno ito ng vitamins, minerals, antioxidants at antibacterial agents.
Babala: mag-ingat sa pagbibigay ng halamang gamot sa mga batang edad 12 pababa. Kumonsulta muna sa iyong doktor para makasigurong ligtas ito para sa iyong anak.
Luya
Ang anti-bacterial na katangian ng luya ay ang dahilan kung bakit ito magandang panlaban sa sinat. Epektibo rin ito sa ilan pang mga sintomas tulad ng ubo at sipon. Tulad ng echinacea, maaari itong pakuluan at gawing tsaa.
Chicken soup
Bukod sa puno ng sustansya ang mga sahog nito, makakatulong ang paghigop ng mainit na sabaw para mapanatiling hydrated ang iyong katawan. Anuman ang sanhi ng iyong sakit, makakatulong ang chicken soup diyan.
Kung ang sinat ay sanhi ng respiratory infection gaya ng sipon, ubo o pananakit ng lalamunan, makakatulong ang masabaw na pagkain para mabawasan ang pamamaga ng lalamunan at lumuwag ang iyong paghinga.
Kung stomach flu naman ang dahilan, makakatulong ang chicken soup para mapalitan ang nawalang tubig sa katawan sanhi ng diarrhea.
Uminom ng maraming tubig
Kapag nade-dehydrate ang isang tao, mas tumataas ang kaniyang temperatura. Ang tubig at iba pang inumin ay nakakapag regulate sa init ng katawan. Natutulak din nito palabas ng katawan ang mga germs na nagdudulot ng impeksiyon na nilalabanan ng katawan.
“Kailangang i-hydrate ang bata, whether that be through increased breastfeeding or latching or increased fluids. Makakatulong rin ‘yon kasi makaka-cause ‘yon ng comfort para sa mga anak natin,” payo ni Dr. Perreras.
Sapat na tulog at pahinga
Ang sinat ay isang paraan ng katawan para sabihin sa iyo na may nilalabanan ito para hindi ka lalong magkasakit.
Hayaang magkaroon ng sapat na tulog at pahinga ang iyong anak. Ito ang pinakamabisang natural na remedyo sa pagkakaroon ng sinat. Tulungan mo ang iyong katawan na labanan ang impeksyon.
Ang normal na init ng katawan ay nasa 37 degrees Celsius. Ang pagtaas ng 1 hanggang 5 degrees ay hindi kailangang alalahanin. Subalit, para sa mga sanggol na wala pang 3 buwang gulang, ang pagkakaroon ng sinat ay delikado sa kalusugan. Dalhin agad siya sa ospital kung ang kanyang temperatura ay umabot ng 38 degrees Celsius.
Huling paalala ni Dr. Perreras,
“Assess talaga if may fever ang bata. Check using a thermometer. Don’t use your hand, don’t use your cheek. Best talaga is to measure it properly.”
Sana panahon ngayon, mas mabuti nang maging maingat. Kung mayroon kang katanungan tungkol sa sinat o kung may napapansing kakaiba sa ikinikilos ng iyong anak, huwag mahiyang kumonsulta sa inyong doktor.
Iba pang dapat tandaan kung may sinat ang anak
Tandaan na huwag na huwag bibigyan ng aspirin ang iyong anak. Hindi ito makabubuti sa mga bata.
Ayon sa Healthline, ang aspirin ay nakapagpapataas ng risk na magkaroon ng Reye’s syndrome ang bata. Hindi pangkaraniwan ang kondisyon na ito ngunit ito ay seryoso at hindi dapat balewalain.
Dagdag pa, kung bibigyan ng over-the-counter medicine ang iyong anak, tiyaking sundin ang recommended dosage ng manufacturer. Ito ay upang maiwasan ang overdose sa bata. Kapag napasobra ang napainom mo sa iyong anak posible itong maging sanhi ng pagdurugo ng stomach, damage sa atay, o kaya naman ay problema sa kidney.
Kung nais painumin ng OTC ang inyong anak para maibsan ang lagnat o sinat nito, mabuting kumonsulta muna sa doktor para malaman ang angkop na gamot para rito.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.