Ibinahagi ng isang nanay ang sakit na dumapo sa kaniyang anak upang magsilbing babala sa ibang mga magulang. Matapos kasing mahalikan ang kaniyang baby, nagkaroon ito ng sintomas ng herpes simplex virus!
Post ni Mommy Rachel
Kuwento ni Mommy Rachel Faith Badong-Sebastian, Lunes daw ng gabi nang magsimulang lagnatin ang kaniyang 21-buwang gulang na anak na si Sky. Kinabukasan daw ay masigla naman ito at naglalaro. Ngunit pagdating ng kinagabihan, nilagnat na naman ulit ang bata.
Binigyan ni Mommy Rachel ng paracetamol si Sky. Napapababa naman daw ng gamot ang lagnat ngunit tumataas daw ito ulit.
Nagdesisyon na ang nanay na i-text ang kanilang pediatrician. Pinayuhan sila na ipa-urinalysis at complete blood count ang bata. Karaniwan na ‘pinapagawa itong mga tests na ito ng mga duktor para malaman kung mayroong impeksyon ang bata.
(Basahin: Lahat ng kailangan malaman tungkol sa lagnat ng baby)
Ngunit dahil may pasok sa trabaho si Mommy Rachel at ang asawa nito, hindi pa nila nadadala si Sky sa ospital. Masigla naman si Sky pagdating ng Martes ngunit wala itong ganang uminom ng gatas at kumain.
Wednesday night nang mapansin nila na panay na ang kamot ng bata sa kaniyang pwet. May lumabas na rin na mga rashes sa likod nito.
Nabahala na talaga si Mommy Rachel dahil hindi normal ang rashes ng kaniyang anak. “Mukhang singaw, parang may laman ‘yong bilog-bilog.”
Nang suriin nilang mabuti, kumalat na ang rashes. Pati sa may bandang bibig, mayroong rashes.
Dinala na nila si Sky sa emergency room ng ospital. Ang initial diagnosis sa bata ay Hand, Foot, Mouth Disease (HFMD). Ngunit hindi kumbinsido ang pedia na HFMD ito at pinabantayan ang bata kung magkakaroon pa ito ng rashes sa palad—isang sintomas ng HFMD.
Pero hindi na tinubuan si Sky ng rashes sa kamay. Dito binigay ng pedia ang dinal diagnosis: sintomas ng herpes simplex virus ang nararanasan ng bata. Ipinaliwanag ng duktor na nakukuha ito sa laway sa pamamagitan ng halik.
Dagdag pa ng pedia na maaaring may dalang sakit ang matatanda ngunit dahil mataas ang resistensiya ng adults, walang sintomas ng herpes simplex ang lumalabas. Ngunit sa mga bata na mahina ang immune system, sila ang napipinsala.
Kinailangang ma-confine ni Baby Sky para siguraduhing ma-rehydrate siya dahil bumaba ang timbang nito ng isang kilo. Paliwanag ni Mommy Rachel may mga tumubo kasi na mouth sores sa bata kaya nagdurugo ang gilagid nito.
Paalala ni Mommy Rachel sa ibang magulang: “LESSON LEARNED; nababasa ko na un case na to nung buntis pa ako kay Sky, kaya maingat ako kaso kulang pa din talaga.ingat po tayo sa pagkiss sa mga babies.grabe ang epekto nito sa knila,maghugas ng kamay at mgalcohol all the time.higit sa lahat.wag nag halikan kung maari sa mkha khit sa buhok na lang likod or paa na lang.”
Sintomas: Herpes Simplex Virus
Isa lamang ang herpes simplex virus type 1 (HSV-1) sa mga sakit na puwedeng makuha ng bata mula sa halik. Basahin ang artikulo na ito para malaman kung anu-anong mga sakit ang puwedeng makuha ng baby dahil sa halik.
Ang sintomas ng herpes simplex virus type 1 ay ang mga sumusunod:
- mga singaw na kumakalat sa labi, bibig, at gilagid
- lagnat
- kulani
- sore throat
- iritable
- naglalaway
Maaaring hindi lumabas lahat ng sintomas na ito. Maaari rin na mild lang ang sintomas kung sakaling lumabas ang mga ito. Importanteng mapatignan agad ang bata para ma-diagnose ng mabuti—mas lalo na kung wala pang 6 na buwan ang bata dahil hindi pa malakas ang resistensya ng mga katawan nila. Karaniwang lumalabas ang sintomas ng herpes simplex virus 2 hanggang 12 araw matapos ma-expose sa sakit.
Source: HealthyChildren.Org
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!