Narito ang mga sintomas na nakunan sa second trimester ang buntis at ang mga posibleng dahilan kung bakit ito nangyayari.
Mababasa sa artikulong ito:
- Sintomas ng nakunan sa second trimester ang buntis
- Madalas na dahilan kung bakit nakukunan ang buntis sa second trimester
- Iba pang dahilan kung bakit nakukunan ang buntis
Mga sintomas na nakunan sa second trimester ang buntis
Sa pangalawang trimester ng pagbubuntis ay unti-unti ng makakaramdam ng kaginhawaan ang isang babaeng nagdadalang-tao. Dahil sa phase na ito ng pagbubuntis ay hindi na siya makakaranas ng nausea, pagduruwal o mas kilala sa tawag na morning sickness. Ito rin ang phase ng pagbubuntis na kung saan nabawasan na ang tiyansa ng miscarriage. Bagamat posible parin itong maranasan at magdulot ng peligro sa buhay ng ipinagbubuntis na sanggol.
Ayon nga kay Dr. Ramon Reyles, isang OB-Gynecologist mula sa Makati Medical Center, ang mga sintomas ng miscarriage sa 1st trimester ng pagbubuntis ay posible ring maranasan kung makukunan ang isang buntis sa kaniyang sa 2nd trimester. Lalo na kung siya’y nakaranas ng miscarriage sa mga una niyang pagbubuntis na hindi natukoy ang dahilan at nalunasan.
“In the same manner ng sa first trimester pero mas complicated na dito at hindi lang cramping at bleeding that you should watch out for. Doon sa mga nagkaroon na ng miscarriage, kahit walang cramping at bleeding could be still at risk of another miscarriage. Kung nakunan ka dati and then nabuntis ka, itong kasalukuyang pagbubuntis ay peligro paring makunan.”
Photo by Sora Shimazaki from Pexels
Madalas na dahilan kung bakit nakukunan ang buntis sa 2nd trimester
Ayon naman sa American Academy of Family Physicians o AAFP, ang miscarriage sa second trimester ng pagbubuntis ay bibihira. Tinatawag din itong late miscarriage na maaring maranasan sa pagitan ng ika-14 hanggang sa 24 linggo ng pagdadalang-tao.
Maliban sa bleeding o pagdurugo at cramps o pananakit sa ibabang bahagi ng tiyan, ang isa pang sintomas na nakunan sa second trimester ang isang buntis ay ang biglang hindi paggalaw ng sanggol o kawalan ng fetal movement.
Ano ang cervical insufficiency?
Dagdag naman ni Dr. Reyles, isa sa madalas na dahilan ng miscarriage sa second trimester ng pagbubuntis ay ang tinatawag na cervical insufficiency o insufficient cervix.
“Isang dahilan na very common at hindi nada-diagnose agad ay ‘yuong cervix malambot, bumubuka from the inside. Kasi ‘yong pregnancy lumalaki and it kinda forces the cervix to dilate. ‘Yong cervix parang ‘yong nguso ng bote—the content is held in. Pero kung ‘yong bibig ng bote, imagine mo bumubuka dahil sa bigat ng laman, ang tawag do’n cervical insufficiency.”
Ito ang paliwanag ni Dr. Reyles tungkol sa kondisyon na matutukoy sa pamamagitan ng transvaginal ultrasound at malulunasan lamang gamit ang isang paraan.
BASAHIN:
#AskDok: Masama ba ang matagal na pagtayo at pag-upo ng isang buntis?
Depress na mommy habang buntis? Maaaring makasama ito sa development ng iyong sanggol
Photo by Amina Filkins from Pexels
Paano ito matutukoy at malulunasan?
Pahayag ni Dr. Reyles patungkol sa kundisyon na ito at paano ito malulunasan: “Kung mayroong history ng miscarriage, lalo na kung history ng miscarriage is after the first three months, suspected lagi ‘yong cervical insufficiency. And it can be seen by a transvaginal ultrasound of the cervix at about 4 months o 16 weeks.”
Dagdag pa niya, “If it is less than 2.5 centimeters mataas ang peligro na makukunan ulit. Hindi dahil sa may diperensya ang baby, kung hindi dahil ‘yong kwelyo ng matris malambot. Kaya tatahiin ‘yon para sumara na tinatawag na cervical stitch.”
Iba pang dahilan kung bakit nakukunan ang buntis
Pero maliban sa cervical insufficiency, ayon sa Healthline, ang iba pang possibleng dahilan ng miscarriage sa 2nd trimester ay ang sumusunod:
- Uterine septum o ang paghihiwalay ng wall o septum sa loob ng uterus sa dalawang bahagi.
- Autoimmune diseases tulad ng lupus o scleroderma.
- Chromosomal abnormalities sa fetus o iba pang uri ng fetal abnormalities.
- Uterine infection.
- Poorly controlled na sakit ng babaeng buntis tulad ng thyroid disease, diabetes o hypertension
- Paggamit ng ipinagbabawal na gamot o drugs ng buntis.
- Paninigarilyo.
- Exposure sa mga chemicals tulad ng mercury, solvents, paint thinners, pesticides, at heavy metals.
Paano maiiwasan ang miscarriage sa pagbubuntis?
Photo by Amina Filkins from Pexels
May mga paraan naman para mabawasan ang tiyansa ng isang buntis na makunan sa kaniyang second semester. Ito ay sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Pag-inom ng folic acid at iba pang supplements na makakatulong sa pagbubuntis.
- Pagkakaroon ng healthy lifestyle at pag-iwas sa mga bisyo tulad ng pag-inom ng alak at paninigarilyo.
- Pagpapanatili ng healthy weight.
- Pag-inom ng gamot laban sa mga infections.
- Pag-mamanage ng mga chronic conditions na nararanasan ng buntis.
- Pag-practice ng safe sex.
May mga kaso ng miscarriage na maaring maagapan. Basta’t maging mapagmatyag lang ang buntis sa kaniyang katawan. At agad na ipaalam sa kaniyang doktor ang mga pagbabagong kaniyang nararamdaman.
Source: AAFP, Healthline
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.