11 sintomas ng breast cancer na hindi alam ng karamihan

11 sintomas ng breast cancer na hindi alam ng karamihan

Bukod sa pagkakaroon ng bukol sa dibdib, alamin kung ano-ano pa nga ba ang sintomas ng breast cancer na mahalagang namamalayan ng bawat isa sa atin.

Ngayong Breast Cancer Awareness Month, nais nating mag-ambag ng kaalaman sa ating mga mambabasa, kabilang na ang mga sintomas ng breast cancer, iba’t ibang paraan ng gamutang isinasagawa para mapaglabanan ng pasyente ang sakit na ito, at iba pang mahahalagang kaugnay na impormasyon.

Sa tala ng Philippine Breast Cancer Network o PCBN, isa (1) sa bawat labintatlong (13) babae ang maaaring tamaan ng kanser sa suso sa Pilipinas. Habang isang porsyento (1%) naman ng lahat ng kaso ng breast cancer ay naitala sa kalalakihan.

Sa kasalukuyan, nananatili ang breast cancer bilang nangungunang sanhi ng pagkamatay ng 23% ng kababaihan sa Pilipinas. Batay sa Philippine Cancer Facts & Estimates, itinatayang nasa 20,267 ang bilang ng mga bagong kaso ng breast cancer na naitala noong 2015, at bilang na 7,384 na kaso ng mga namatay.

Gayunpaman, malaki ang paniniwala ng PCBN na maaari itong maiwasan kung maayos lang na maipababatid sa publiko ang mahahalagang impormasyong kaugnay nitong sakit.

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Mga sintomas ng breast cancer: Babae man o lalaki, maaaring tamaan nito

Madalas iugnay ang sakit na breast cancer sa mga babae, ngunit lingid sa kaalaman ng nakararami, maaari ring tamaan nito maging ang mga lalaki. Hindi dahil maliit ang breast tissue ng mga lalaki, hindi na sila maaaaring magkaroon nito. Mas mahirap pa ngang makapa at matuklasan ang bukol sa kanila, kaya madalas ay hindi agad naaaagapan.

Nauuri ang mga bukol na ating nakakapa sa katawan kung benign o hindi cancerous at malignant o iyong cancerous at kumakalat sa iba paligid ng tinutubuan nito, maging hanggang sa ibang bahagi ng katawan kapag malala na.

Para lamang sa kaalaman ng lahat, mayroong apat na uri ng benign na bukol.

  1. Abscess – pigsang makikita sa labas o ibabaw ng balat
  2. Cyst – bukol na naglalaman ng likido
  3. Fibroadenorma/fibroadenomatosis – bukol na binubuo ng mga hiblang parang peklat (fibrosis) at glandula ng suso (mammary o milk glands)
  4. Fibrocystic changes – bukol-bukol na binubuo ng magkahalong fibrosis at cyst, at madalas na nararamdaman sa panahon ng pagreregla at maaari ring may kasamang pagkirot dahil sa mga pagbabago sa lebel ng hormones sa katawan ng mga babae

Samantala, ang breast cancer ay ang pagkakahati-hati ng mga cell sa mammary gland na kalauna’y hindi na maampat sa pagdami at paglaganap kaya nagbubunga ng abnormal na pagbubukol. Ito ang uri ng bukol na malignant o invasive, at hindi basta-basta natutunaw kaya kailangang maisailalim sa pagsusuring medikal at gamutin.

Mga sintomas ng breast cancer

Ang mga sintomas ng breast cancer na nararanasan ng mga babaeng tinatamaan ay pareho lamang din ng sa mga lalaki. Mas madali nga lamang matuklasan ang bukol sa dibdib ng mga lalaki kumpara sa mga babae, dahilan para magkaroon muna ng paglala ng mga sintomas sa mga babae bago mabigyan ng atensyong medikal.

Sakaling makaranas o mapuna sa sarili ang sumusunod na sintomas sa inyong dibdib, makabubuting patingnan agad ito sa espesyalista upang masuri at mapag-alaman kung breast cancer na nga para maagapan pa.

  1. Nangangapal ang suso.
  2. Hindi pangkaraniwang hugis ng suso. Maaaring mapuna ang pagkahatak paloob ng balat at laman nito na nagiging sanhi ng pag-iiba ng hugis.
  3. Kapupunahan ng pagnipis ng balat at pagsusugat na hindi gumagaling.
  4. Mayroong pamumula o kaya’y mainit na pakiramdam sa bahagi ng susong hindi gumagaling.
  5. May likidong tumutulo mula sa nipple o utong na kadalasang may bahid ng nana at/o dugo.
  6. Pagkakaroo ng parang dimples o biloy sa balat ng suso.
  7. Nakakakapa ng matigas na bukol, madalas sa ilalim na bahagi ng suso, na hindi pangkaraniwan ang hugis, hindi naigagalaw kapag kinakapa, at kapupunahan ng paglaki.
  8. Nahahatak paloob ang utong kaya tila bumabaligtad ito.
  9. Nagbabago ang hugis at/o sukat ng suso.
  10. Nagbabago ang kulat ng balat ng suso na parang kahel o dalandan.
  11. Makakakapa ng matigas at hindi naigagalaw na kulani (lymph node) sa kilikili.

Malaking bagay ang early detection ng mga sintomas ng breast cancer para sa malaking tiyansa ng paggaling, lalo pa’t magpahanggang sa kasalukuyan ay hindi malinaw na tukoy ang mga ganap na sanhi ng pagkakaroon nito. Mayroon lamang mga naitalang salik na nakapagpapataas ng tiyansang makakuha ng kanser na ito batay na rin sa mga pag-aaral na isinagawa sa mga nauna nang milyong kaso sa iba’t ibang panig ng mundo.

  • Matagal na exposure ng breast tissue sa hormones na estrogen

Tuwing nagkakaroon ng buwanang dalaw ang mga babae, tumataas ang lebel ng estrogen hormones na nalilikha ng kanilang katawan. Kaya kabilang sa salik na ito ang maagang edad ng pagreregla o kaya ang matanda nang edad ng pagme-menopause, pagbubuntis ng kabila sa edad na 30, at ang ganap na hindi pagbubuntis.

  • Pagsailalim sa estrogen hormone replacement therapy (HRT)

Isinasagawa ang HRT para sa mga babaeng nakararanas ng mga sintomas ng tuluyang pagtigil ng regla (menopause) na bunga ng pagbaba ng lebel ng estrogen at progestin hormones ng katawan. Kaya hinihikayat ang mga medical practitioner na malalim na maipaliwanag sa mga pasyenteng nag-iisip sumailalim sa HRT ng potential risk nitong kaugnay ng tiyansang magkaroon ng breast cancer.

  • Iba’t ibang anyo ng polusyong nakasasama sa katawan ng tao
  • Exposure ng mga tao sa mga toxic mineral, metal, at kemikal kabilang na ang pagkain ng mga pagkaing ipinroseso na pati na ang mga ginamitan ng pesticides at GMOs
  • Exposure sa mga kemikal na nagtataglay ng xenoestrogens na “gumagaya” at nagpapanggap na estrogens at pumapasok sa katawan, dumarami, kumakalat, at nagiging sanhi ng pagbubukol-bukol
  • Pananalaytay sa dugo o pagkamana sa pamilyang may parehong uri ng kanser
  • Paggamit ng mga contraceptive pill o therapy na nakaaapekto sa pagpapalit ng mga pambabaeng hormone
  • Radiation exposure sa bahaging dibdib
  • Mataas na diyeta ng taba
  • Pagkakaroon ng mga bisyo ng paninigarilyo at pag-inom ng alak
  • Kakulangan o kawalan ng ehersisyo ng katawan

Mainam ang regular na konsultasyon at pagsailalim sa mga kinakailangang laboratory test para sa monitoring ng kalusugan, lalo na kung taglay ang mga nabanggit na risk factors. Pero siyempre, malaking usapin ang kakayahan ng mga Pilipinong sustentuhan ang pagpapadoktor at pagpapamedikal nang regular kaya inaasahang ang mga impormasyong tulad nito ay makaabot sa kaalaman ng bawat isa. Ito ay upang makilala nang husto ang sariling pangangatawan, at maaksyunan kung may malalang kondisyon o sintomas na dapat agarang masuri.

Mga uri ng gamutan laban sa breast cancer
  • Surgery

Iba-iba ito, at maaaring ibigay bilang stand-alone treatment o bahagi ng isa pang proseso ng gamutang ihinahatol, batay sa kondisyon ng kanser na dinaranas ng pasyente.

  • Breast-conserving surgery

Kilala rin ito sa mga katawagang lumpectomy, quadrantectomy, partial mastectomy, o segmental mastectomy.

Tinatanggal nito ang bahagi lamang ng susong nagtataglay ng bukol na cancerous, kasama ang ilang tissue sa paligid depende sa pangangailangan ng kondisyon.

  • Mastectomy

Tinatanggal nang buo ang suso ng pasyente, at may pagkakataong maging ang mga katabing tissue sa ibang bahagi ng dibdib. Kung magkabilang dibdib ang apektado ng kanser, double mastectomy ang isinasagawa o pagtatanggal nang tuluyan sa parehong suso sa dibdib.

  • Radiation

Nililipol nitoa ng cancer cells sa pamamagitan ng high-energy rays, na kadalasang karagdagang gamutan sa iba pang klase ng therapy na ibinibigay sa pasyente. Depende ito sa pangangailangan ng kondisyon:

  1. Matapos ang breast-conserving therapy, ibinibigay ito para mapababa ang tiyansang muling mag-develop ng cancer cells sa mga kalapit o nakapaligid na tissue;
  2. Matapos ang mastectomy, kapag mayroon pa ring bukol na mahigit dalawang (2) inches ang laki; at
  3. Kapag kumalat na ang kanser sa iba pang bahagi ng katawan ng pasyente, halimbawa na sa buto o utak.
  • Chemotherapy

Ito ang pagbibigay ng gamot sa pasyente na maaaring sa pamamagitan ng injection o pag-inom. Humahalo sa dugo ang cancer-killing drug na ibinibigay sa pasyente, na kumakalat sa lahat ng bahagi ng katawan. Nakadepende ang bisa nito sa magiging response ng katawan ng pasyente kaya malaking debate sa science and medical research community magpahanggang sa ngayon ang kawastuhan ng paghahatol nito.

  1. Pagkatapos ng surgery, maaari itong ibigay para patayin ang cancer cells na puwedeng naiwan at maaaring pagsimulan muli ng pagdami at pagkalat sa iba pang bahagi ng dibdib o katawan.
  2. Bago ang surgery, binibigyan na rin ang pasyente ng gamot (chemo) para mapaliit ang bukol na iniinda nito. Sa gayon, hindi ito mangangailangan ng matagalan at malalang operasyon.
  3. May advanced type chemo na tinatawag na nagsisilbing stand-alone treatment para malunasan ang pagkalat ng cancer sa dibdib at bahaging kilikili ng pasyente.
  • Hormone therapy

Itinuturing ito bilang systematic therapy dahil inaabot at tina-target nito maging ang mga cancer cells na maaaring aktibo sa iba pang bahagi ng katawan ng pasyente, hindi lamang sa dibdib o suso.

Pangunahin itong inirerekomenda sa mga babaeng pasyenteng diagnosed ng hormone receptor-positive (ER-positive at/o PR-positive) na uri ng breast cancer. Sa isang banda, walang itong bisa para sa mga diagnosed ng hormone receptor-negative (parehong ER- at PR-negative) breast cancer.

ER kung ang cancer signal ay nagmumula sa estrogen hormones, habang PR naman kung nagmumula sa progesterone hormones.

Karaniwang ginagamit ang gamutang ito matapos ang surgery upang mapababa ang tiyansa ng pagbalik ng cancer. At  kung hindi inaasahang bumalik nga ang cancer, ito ang pangunahing inirerekomendang uri ng gamutan.

Sa kabila ng maraming pagpipiliang uri ng gamutan para sa mga pasyenteng dumaranas ng breast cancer, pinakamainam pa ring maunawaan ang bawat advantage at disadvantage na kaakibat ng pagsailalim sa mga gamutang ito. Sapagkat ang lahat ng ito ay nakabatay sa pagtanggap o hindi ng katawan ng pasyente sa mga gamot na ipinapasok sa kaniyang sistema, gayong maaari rin nitong maapektuhan ang iba pa nitong body organs.

Iba pang mahahalang impormasyon hinggil sa kanser sa suso

Matatagpuan sa website ng PCBN ang isang listahan ng fact-check na mahalagang mabatid tungkol sa breast cancer.

  • Ang lahat ng kababaihan ay potensyal na magkaroon ng kanser na ito. Nasa humigit-kumulang 70% ng naitalang kaso ng breast cancer sa mga babae ay natukoy na walang taglay na risk factors gaya ng tinalakay sa unang bahagi.
  • Nasa 5% lamang ng mga kaso ng breast cancer ang namana. Habang 80% sa mga na-diagnose ang unang kaso pa lamang sa kanilang pamilya o angkan.
  • Ang tanging solusyon upang hindi mauwi sa breast cancer ang kasong iniinda ng mga pasyente ay ang pag-iwas at pagtatanggal ng mga tinaguriang sanhi o salik sa pagkakaroon ng breast cancer.
  • Nasa 20% ng lahat ng kaso ng breast cancer at 40% ng mga babaeng diagnosed ng sakit sa edad na bago-50 taong gulang ang hindi matagumpay na na-detect sa pamamagitan ng pagsusuring mammography.
  • Isa (1) sa bawat apat (4) na nadi-diagnose na mayroong breast cancer ang namamatay sa loob ng unang limang taon. Samantala, kulang 40% naman ng kabuoang bilang ng kaso ang namamatay sa loob ng sampung taon.
  • Sapat ang ebidensiyang nag-uugnay sa isyu ng polusyong pangkapaligiran at kontaminasyon ng sistema ng katawan na nagiging sanhi ng breast cancer sa pasyente.
  • Sa loob ng nakalipas na 30 taon, nasa 256% ang itinaas ng global incidence rate ng kaso ng breast cancer, habang 479% naman sa Timog-silangang Asya.
  • Breast cancer ang nangungunang sanhi ng pagkamatay ng kababaihang nasa pagitan ng edad na 35 hanggang 54 sa buong mundo. Mahigit isang milyon kababaihan ang nagkakaroon ng sakit na ito nang hindi nalalaman at halos nasa 500,000 ang namamatay taon-taon.
  • Isan (1) sa kada labintatlong (13) Pilipinong babae ang maaaring tamaan ng sakit na breast cancer; at naitala sa lalawigan ng Pampanga ang pinakamataas na insidente ng kaso nito sa buong bansa.
  • Hawak ng Pilipinas ang pinakamaraming bilang ng kaso ng breast cancer sa buong Asya. Nakatala rin sa bansa ang 589% na pagtaas ng bilang ng kaso ng breast cancer sa loob ng 30 taon, mula sa taong 1980 hangang 2010 kumpara sa iba pang 186 na bansa.

Basahin: Mom Shattered To Discover That ‘Blocked Milk Duct’ Is Actually Stage 4 Breast Cancer

Sources: Philippine Breast Cancer Network, Medical News Today, Philippine Cancer Facts & Estimates, DRF

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner