Sintomas ng dehydration ang muntik na sanang ikasawi ng isang 2-anyos na bata kung hindi pa siya nasagip mula sa pagkakaipit sa pagitan ng dalawang pader sa loob ng dalawang araw.
Batang biglang nawala
Hindi malaman ni Angeline Agnote ang gagawin ng biglang mawala ang 2-anyos niyang anak na lalaki na si Austin.
Kwento ni Angeline, August 12 ng tanghali ay nagluluto siya sa kanilang kusina habang naglalaro naman sa hindi kalayuan sa kaniya ang anak na si Austin. Ilang sandali ang lumipas ay nagtaka siya kung bakit tahimik at wala ng nangungulit sa kaniya. Ayun pala ay wala na ang kaniyang anak na si Austin.
Inikot daw ni Angeline ang buong bahay kakahanap sa anak pero hindi niya ito nakita. Nagtanong narin siya sa kapitbahay, ngunit walang nakakita sa anak. Agad na nagpunta sa barangay at pulis sina Angeline para i-report ang nangyari sa anak. Nagpakalat rin sila ng posters at nanawagan sa social media.
Kahit pagod at walang pahinga sa kahahanap sa anak ay hindi sumuko si Angeline. Lalo pa’t ayon sa kaniya ay nararamdaman niyang umiiyak ang anak, gutom na at naghahanap na ng dede niya.
Inisip ni Angeline na maaring nakidnap na ang anak. Naisipan rin nilang magpunta sa albularyo at ito nga din daw ang sinabi ng manggagamot sa kanila.
Naipit sa pader na isang dangkal ang pagitan
Dalawang araw matapos mawala si Austin, ay may narinig na kakaiba umano ang kapitbahay nina Angeline sa pagitan ng kanilang pader. Iyak daw ito ng isang bata kaya naman naisip ng kapitbahay na maaring ito na ang nawawalang bata. Agad silang humingi ng tulong sa barangay upang ito ay matingnan. At doon nga nila nakita si Austin na nakaipit sa dalawang pader na isang dangkal lang ang pagitan.
August 14 ng madaling araw sa pagtutulungan ng mga barangay workers ay na-rescue si Austin mula sa pagkakaipit sa pader. Kinailangang sirain ang isa sa mga pader gamit ang jack hammer upang magkaroon ng butas na maaring pagkuhanan sa kaniya.
Naging madamdamin ang pagrerescue sa bata. Ayon sa ina nito, ay may malaking galos sa ulo at tuhod ang kaniyang anak. Kaya naman agad nilang dinala ito sa ospital upang masuri at matingan.
Sintomas ng dehydration ang muntik ng ikasawi ng bata
Ayon sa family physician an si Dr. Jamie Ysabel Amposta, mabuti nalang at agad na nasagip ang bata. Dahil kung sakali at mas tumagal pa ang kaniyang pagkakaipit ay maaring ikinamatay nito ang dehydration.
“Buti nalang at maulan at moist ang weather natin that time, kasi kung hindi po he should have died of dehydration”, paliwanag ni Dr.Amposta.
Labis naman ang pasasalamat ni Angeline dahil naibalik sa kanila ang anak. Kaya naman siya ay may panawagan sa mga magulang.
“Sana maging lesson sa ibang nanay. Sana maging aware sila sa nangyari sa amin kasi sobrang hirap po mawalan ng anak.” Ito ang paalala ni Angeline sa mga magulang.
Sa ngayon ay patuloy paring iniimbestigahan kung paano napunta ang bata sa pagitan ng dalawang pader. Pero para makasigurado ay sinaraduhan na nina Angeline ang pinto na dumederetso sa kanilang bubungan. Dahil maaring dito daw dumaan ang anak na naging dahilan ng pagkahulog niya sa pagitan ng dalawang pader.
Dehydration
Ang dehydration ay nangyayari kapag ang katawan ay hindi nakakakuha ng sapat na tubig na kailangan nito. Kapag dehydrated, ang katawan ay hindi makakapag-function ng maayos. Maari rin itong mauwi sa mas seryosong kondisyon na maaring ikasawi ng taong nakakaranas nito.
Maliban sa hindi pag-inom ng tubig, may ilang kondisyon na maaring maging dahilan ng dehydration sa isang tao. Ito ay ang sumusunod:
- Lagnat
- Pagtatae
- Pagsusuka
- Labis na pagpapawis
- Labis na pag-ihi na maaring dulot ng medications tulag ng gamot para sa diabetes
Sintomas ng dehydration
Ang sintomas ng dehydration ay maaring magbigay palatandaan kung ito ay mild o severe na. Para sa mild o moderate dehydration ay narito ang mga sintomas:
- Pagkauhaw
- Panunuyo ng bibig
- Hindi pag-ihi ng tama
- Dark yellow na ihi
- Sakit sa ulo
- Pananakit ng muscles
Habang ang sintomas ng dehydration na palatandaan na ito ay severe o malala na ay ang sumusunod:
- Hindi pag-ihi at sobrang dark na kulay ng ihi
- Pagkahilo
- Mabilis na tibok ng puso
- Mabilis na paghinga
- Nanlalalim na mata
- Kawalan ng energy o pagkairita
- Pagkahimatay
Ang sintomas ng dehydration sa mga baby o bata ay naiiba sa mga matatanda. Ilan sa palatandaan ng dehydration sa kanila ay ang sumusunod:
- Tuyong bibig o dila
- Walang luha sa tuwing umiiyak
- Tuyong diapers kahit 3 oras na ang lumipas
- Nanlalalim na mata, pisngi at bunbunan
- Kawalan ng energy, pagiging antukin at irritable
Para naman makaiwas sa dehydration ay ugaliing uminom ng tubig. Lalo na kung ikaw ay magpapawis o mababad sa mainit na panahon. Dapat ay makainom rin ng hindi bababa sa walong baso ng tubig araw-araw. Kumain ng masusustansiyang pagkain lalo na ang prutas o gulay na may mataas na amount ng tubig tulad ng pakwan. Iwasan ding uminom ng softdrinks, kape, tea o alcohol. Sa oras na madehydrate dahil sa pagsusuka o pagtatae, uminom ng mga inuming may electrolytes. Mayroon version nito para sa mga bata na kilala sa tawag na Pedialyte o Equalyte.
Source:
GMA Balitambayan, WebMD, Amedisys
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!