Ngayong tag-init na naman, ano nga ba ang mga sintomas ng dehydration sa baby? Paano nga ba masisiguro na sila ay hindi magkakasakit ngayong pumapalo sa mahigit 40 degrees ang heat index.
Ano ang dehydration
Image from Freepik
Ang katawan ng tao ay binubuo ng 60% water at tayo rin ay likas na nage-excrete ng body water sa pamamagitan ng pag-ihi at pagpapawis. Kaya naman sinasabing mahalaga na mapalitan ang fluid na ito na nawawala sa ating katawan araw-araw.
Sa mga pag-aaral, sinasabing mas mabilis mawalan ng tubig sa katawan ang mga bata kumpara sa matatanda. Ang labis na pagkawala naman nito ay maaring magresulta sa dehydration.
Sintomas ng dehydration sa baby
Image from Freepik
Maraming puwedeng dahilan ang dehydration. Maaaring sanhi ito sa pagtatae, lagnat, masyadong paggalaw o mainit na panahon.
Sa ganitong sitwasyon, paano nga ba malalaman ang sintomas ng dehydration sa baby?
- Mapapansin mo na dry ang kanyang labi o paligid ng bibig.
- Kung ang kanyang ihi ay madilaw o hindi clear.
- Kung hindi siya madalas na umiihi at kung umihi naman ay halos walang mailabas.
- Puwede ring makita na dry ang kanyang balat.
- Mapapansin din na siya ay mas antukin at walang gana masyadong maglaro.
- Sa mas malalang kaso naman, maaari tumaas ang kanyang heart rate at bumilis ang paghinga.
Paano maiiwasan ang dehydration sa bata
Para maiwasan na ma-dehydrate ang iyong anak, paalalahanin sila palagi na uminom ng tubig. Dahil din mas pawisin ang mga bata, pagsuotin na lamang sila ng kumportableng damit at kung maari ay manipis na tela.
Kung kayo naman ay mayroong inflatable pool sa bahay, puwede niyo rin silang paliguin dito para lang hindi masyadong maramdaman ang init ng panahon.
Ang pagkain ng maalat na pagkain ay hindi rin nakatutulong dahil agad nitong ina-absorb ang mga fluid sa katawan. Kaya naman huwag na muna silang bigyan ng mga pagkain na maalat.
Ang ilang mga prutas naman na mayaman sa water properties ay watermelon, strawberries, peaches, oranges at cucumber. Puwede mo silang hikayatin na kumain nito para madagdagan pa ang water intake nila.
Ano ang dapat gawin sakaling mangyari ito?
Image from Freepik
Kung ang iyong anak ay magpakita ng mga sintomas na ito, ang puwede mong gawin ay syempre painumin siya ng maraming tubig. May mga pagkakataon na pakiramdam nila ay masusuka sila dahil sa tubig. Kung mangyari ito, bigyan lamang sila ng tubig nang pakonti-konti.
Kailangan mo rin siyang bigyan ng fluids katulad ng Pedialyte dahil ito ay isang oral rehydration solution.
Ngayong mainit ang panahon, ugaliing uminom ng mas maraming tubig at maligo palagi. Ito ay para maibsan ang init sa katawan at para maiwasan na rin ang mga sakit na dala ng tag-init.
Kailan dapat kumonsulta sa doktor
Kung nagsusuka na ang bata at sinasamahan pa ito ng pagtatae, malamang ay nakaka-alarma na ito. Para masigurong mabalik sa normal ang kanyang kalagayan, ang pagkonsulta sa doktor ay kailangan.
Kapag napansin mo rin na may dugo na ang kanyang dumi o suka, panahon na rin para i-contact ang inyong pedia. Marahil ay tumagal din ng ilang araw ang kanyang pagtatae at dahil dito ay mas maraming fluid pa ang mawawala sa kanyang katawan.
Bilang magulang, hindi madaling mapalagay lalo na kung may sakit ang iyong anak. Kaya naman kung sa tingin mo ay hindi na normal ang mga ipinapakita niyang sintomas, kaagad na i-contact na ang inyong pedia.
Source:
Healthline
Basahin:
Heat Exhaustion: Ano ito at bakit delikado ito sa sanggol at bata?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!