Ibinahagi ni Wella Baloloy Sia, isang mommy ang nakakabiglang pangyayari na humantong sa pagpanaw ng kaniyang anak na si Pia. Malalaman din sa artikulong ito ang mga sintomas ng diabetes sa bata.
Mababasa sa article na ito:
- Bata nasawi sa type 1 diabetes
- Mga sintomas ng diabetes sa bata
Baby Pia nasawi sa Type 1 Diabetes
Isang mommy ang nagbahagi ng kaniyang karanasan kamakailan sa Facebook. Malungkot na ikinuwento ni Wella Baloloy Sia ang dahilan ng pagkamatay ng kaniyang anak na si Pia.
Larawan mula sa Facebook ni Wella Baloloy Sia
Saad ni mommy Wella sa post, May 11 nang umuwi siya mula sa trabaho at napansin na matamlay ang anak. Bago pa man daw ang araw na ‘yon ay napansin na nilang tila namamayat si Pia. Ang unang naisip nilang dahilan ay ang pagiging picky eater nito.
Kinabukasan ay pina-check-up na ng daddy nito ang bata sa isang ospital. Ngunit sabi ni Mommy Wella sa post, ang nireseta lang ng pediatrician ay ascorbic acid, multivitamins at deworming. Marahil ay dulot daw ng bulate ang pagpayat ng bata.
Lumipas ang magdamag at nanghihina pa rin si Pia, ayaw kumain, at palaging nauuhaw.
Kaya kinabukasan ay nagdesisyon na ang mag-asawa na isugod ito sa emergency sa ospital kung saan ito unang pinatingnan.
Matapos daw magsagawa ng blood at urine test ay sinabi sa kanila na wala naman daw sakit ang bata. Hindi na rin daw nilagyan ng dextrose at hindi rin niresetahan ng bagong gamot. Pinauwi rin sila kinagabihan ng doktor.
Larawan mula sa Facebook ni Wella Baloloy Sia
Dahil hindi bumubuti ang lagay ng bata at lalong nanghihina, dinala na ito ng mag-asawa sa ibang ospital. Nang dalhin umano nila roon ang anak ay hindi na ito makapagsalita at makabangon. Sa naturang ospital na nga nalaman ng mag-asawa na may malubhang sakit ang anak.
Na-diagnose ang bata na nasa critical stage na ng type 1 diabetes. Ang mga nararanasan pala nito tulad ng biglang pagpayat ay sintomas ng diabetes sa bata.
Sinubukan ng mag-asawa at ng mga doktor ang makakaya para maisalba pa si Pia. Ngunit hindi na kinaya ng katawan ng bata ang panghihina at nasawi ito noong May 16.
Labis ang pagluluksa ng mommy at daddy ni Pia dahil sa pagpanaw nito. Kaya naisip ni mommy Wella na ibahagi sa social media ang karanasan para mag-raise ng awareness sa kaniyang kapwa parents.
“Anak, My Pia. I hope by posting this I helped you served your purpose. Hindi ka lang mukhang Angel, talagang anghel ka na ginamit ni Lord para maka-save ng maraming bata pa,” saad ni mommy Wella.
BASAHIN:
#AskDok: Ano ang puwedeng gawin para makaiwas sa diabetes?
DON’T put Salt and Sugar in your baby’s food before they turn one. Here’s why
31 affordable and delicious recipes that cost under P250
Mga sintomas ng diabetes sa bata
Tinatayang nasa 210,000 mga bata at teenagers sa United States ang na-diagnosed na may diabetes. Ito ay nakasaad sa National Diabetes Statistics Report 2020, na binanggit sa article ng Medical News Today.
Mas common umano ang type 1 diabetes sa mga bata kaysa sa type 2. Ngunit parehong tumataas na ang bilang ng mga batang naaapektuhan ng dalawang type ng diabetes.
Nagkakaroon ng type 1 diabetes ang bata kapag ang kaniyang pancreas ay hindi na makapag-produce ng insulin. Ito ay magreresulta ng pagtaas ng blood sugar level.
Bata man o matanda ay maaring makaranas ng sintomas ng type 1 diabetes. Ang sintomas ng type 1 diabetes sa bata ay mabilis na nadi-develop sa loob lamang ng ilang linggo.
Mga sintomas ng type 1 diabetes sa bata:
- madalas na pagkauhaw at pag-ihi
- gutom
- weight loss o pangangayayat
- fatigue at panghihina
- irritability
- fruity smell on the breath
- paglabo ng paningin
Ipinaaalala ng Diabetes UK Organization na obserbahan ang bata. Maging aware dapat ang parents sa 4Ts na maaaring maranasan ng anak.
Ang type 2 diabetes naman ay less common sa mga bata. However, maaari pa ring makaapekto ito sa mga bata kung hindi nagwo-work nang maayos ang insulin. Kung walang sapat na insulin ang katawan ng iyong anak, ang glucose ay maaaring maipon sa bloodstream.
Ang type 2 diabetes sa bata ay madalas na kaakibat ng childhood obesity. Minsan kailangan ng medication para dito.
However, maaari din namang i-manage ang type 2 diabetes sa pamamagitan ng angkop na diet, pag-eehersisyo, at pag-maintain ng moderate weight.
Ang mga sintomas ng type 2 diabetes sa bata ay nadi-develop nang mas mabagal kumpara sa type 1. Minsan ay umaabot pa ng buwan o taon bago ma-diagnose.
Mga sintomas ng type 2 diabetes sa bata:
- madalas na pag-ihi lalo na sa gabi
- madalas na pagkauhaw
- pagkapagod
- hindi maipaliwanag na weight loss
- pangangati ng genital area na maaaring dulot ng yeast infection
- matagal na paghilom ng mga sugat
- paglabo ng paningin dulot ng eye dryness
Kung ikaw ay parent o caregiver ng bata, mahalagang obserbahan ang iyong anak o alaga.
Tandaan ang mga nabanggit na sintomas at agad na magpakonsulta sa doktor kung ito ay mapansin sa bata. Mahalaga ang early diagnosis at medication para matiyak ang kaligtasan ng iyong anak.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!