Normal lang naman sa mga bata ang magkasakit. Madalas, ito pa ang nakakapagpatibay ng kanilang resistensya at nagpapalakas sa kanilang katawan. Ngunit paano kung ang inaakala mong simpleng lagnat ay magdulot ng mas malalang karamdaman? Ito ang nangyari sa isang 2-taong gulang na bata mula Australia na bigla na lamang nagkaroon ng sintomas ng febrile convulsion matapos magkaroon ng flu.
Kahit sinong magulang, matatakot kapag nakita itong nangyari sa kanilang anak. Pero paano nagdulot ng malalang kondisyon ang flu? Ating alamin.
Bakit siya nagkaroon ng sintomas ng febrile convulsion?
Masayahing bata si Paige bago siya nagkasakit. | Source: GoFundMe
Ang 2 taong gulang na batang si Paige ay katulad lang ng ibang mga bata. Malikot, masayahin, at mahilig maglaro.
Ngunit isang araw, habang siya ay naglalaro sa kanilang bahay, bigla na lang daw siyang bumagsak at nagkaroon ng panginigsay o febrile convulsion. Dali-dali siyang dinala ng kaniyang mga magulang sa ospital dahil nabigla sila sa nangyari sa anak.
Habang hinahatid si Paige ay para daw siyang nakakatulog. Pagdating daw sa ospital ay nagsuka ang bata habang inaantay nila ang mga nurse sa ER.
Noong araw daw na yun, wala namang kakaiba kay Paige. Mayroon lang daw siyang sipon, at mababang lagnat noong umaga, na normal lang sa mga bata.
Nagkaroon pala siya ng Acute Necrotizing Encephalopathy
Di nagtagal, inilipat din si Paige sa ICU ng isa pang ospital at doon napag-alaman na mayroon pala siyang Acute Necrotizing Encephalopathy (ANE).
Ang ANE ay isang sakit sa utak na kadalasang lumalabas pagkatapos ng isang viral infection. Sa kaso ni Paige, ito ay dahil sa kaniyang nakuhang flu.
Madalas, influenza ang sanhi nito, ngunit posibleng sanhi rin ang HSV6, coxsackie at enteroviruses.
Nagagamot ba ito?
Posibleng gumaling sa sakit na ito, ngunit mas madalas ay nagtutuloy-tuloy ang sakit at ikinamamatay ng pasyente.
Kasalukuyan pa ring nasa ospital si Paige at hindi sigurado kung gagaling siya sa kaniyang sakit. Ngunit umaasa ang kaniyang mga magulang at pamilya na babalik rin siya sa kaniyang dating masayahin at masiglang kalagayan.
Gumawa rin ng GoFundMe page ang mga kaibigan ng pamilya upang matulungan ang pang araw-araw nilang mga gastusin.
Dapat ba itong ipag-alala ng mga magulang?
Bihira ang dumapong sakit kay Paige. Karamihan ng mga bata ay nagkakaroon ng flu at iba pang mga viral infection nang wala namang nagiging mga komplikasyon.
Ngunit hindi nito ibig sabihin na dapat ipagwalang-bahala ang ganitong mga sakit. Mahalaga pa rin na palaging bantayan ang kalusugan ng mga bata upang masiguradong wala silang malubhang karamdaman.
Kapag nagkaroon ng kakaibang sintomas ng biglaan ang iyong anak, huwag mag-atubiling magpatingin sa doktor upang masigurado ang kaniyang kaligtasan.
Source: Kidspot
Basahin: First aid tips: febrile seizures
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!