Goiter sa mga bata: Sanhi, sintomas, at gamot sa sakit na ito

lead image

Mahalagang malaman ng mga magulang kung anu ano ang sintomas ng goiter dahil kapag mas maaga itong natagpuan ay mas mapapabilis ang paggaling sa sakit na ito.

Ang goiter ay isang karamdaman na karaniwang nakikita sa mga bata. Bagama't hindi naman ito mapanganib o nakamamatay, mahalagang malaman ng mga magulang ang sintomas ng goiter upang magamot ito.

Pero bago ang lahat atin munang alamin kung ano nga ba ang sakit na ito.

Ano ang goiter?

Ang goiter ay ang abnormal na pamamaga ng thyroid gland. Ang thyroid gland ay makikita sa bandang ibaba ng leeg, sa ilalim ng vocal cords o adam's apple.

Karaniwan itong nangyayari kapag may kakulangan sa iodine ang isang tao. Ngunit posible rin itong epekto ng sobrang paglabas ng hormones sa thyroid, o kaya ang pagkakaroon ng nodules na nagiging sanhi ng pamamaga.

Hindi naman masakit ang pagkakaroon ng goiter, pero posible itong maging sanhi ng kahirapan sa paglunok, pagkain, at paghinga.

Ano ang sintomas ng goiter?

Ang isang pinakamadaling makitang sintomas ng goiter ay ang paglaki o pamamaga ng leeg ng isang tao. Ngunit hindi lahat ng goiter ay may ganitong sintomas. Heto ang ilang palatandaan na dapat mong alamin:

  • Pamamaga sa leeg na nakakapa o nahahawakan.
  • Paninikip ng lalamunan.
  • Pag-ubo.
  • Pagkapaos.
  • Nahihirapang lumunok.
  • Nahihirapang huminga.

Kung mayroong ganitong sintomas ang iyong anak, mabuting dalhin siya sa doktor upang masuri kung goiter nga ba ang kaniyang karamdaman.

Posibleng mayroong goiter ang iyong anak dahil sa kakulangan ng iodine, pero posible rin itong dahil sa iba pang kondisyon. Kaya't mahalagang dalhin siya sa doktor upang makapagsagawa ng karagdagang pagsusuri upang matukoy ang mismong sanhi ng pamamaga.

Ano ang mainam na halamang gamot sa goiter?

Kung hindi gaanong malaki ang goiter, at wala naman itong epekto sa iyong anak, madalas ay hinahayaan lang ito ng doktor at inoobserbahan.

Kung dahil naman ito sa hypothyroidism, posibleng magbigay ng reseta ang doktor upang magamot ang hypothyroidism at maglabas ng tamang hormones ang thyroid ng iyong anak.

Kung hyperthyroidism naman ang sanhi, nagbibigay rin ang doktor ng reseta para sa mga gamot na nakakapagpababa ng lebel ng hormones sa iyong anak.

Mayroong mga pagkakataon na kinakailangang operahan ang goiter, pero ito ay madalas na ginagawa lang para sa malalaking goiter, o kaya kapag ito ay naging thyroid cancer.

Posible ring gumamit ng tinatawag na radioactive iodine upang gamutin ang thyroid gland na masyadong aktibo. Sinisira nito ang cells sa thyroid gland, ngunit posible rin itong magdulat ng pagkakaroon ng underactive na thyroid.

Para naman sa mga nagnanais ng natural na pamamaraan ng paggamot sa goiter, heto ang halamang gamot sa goiter:

  • Kumain ng mga gulay na hitik sa iodine tulad ng seaweed.
  • Nakakabawas ng pamamaga ang pagkain ng bawang dahil isa itong anti-inflammatory na gulay.
  • Ang pag-inom din ng green tea ay nakakatulong upang maibsan ang pamamaga na sanhi ng goiter.
  • Ang mga herbs tulad ng bugleweed, oat-straw, lemon balm and horsetail ay nakakatulong upang balansehin ang hormone levels ng iyong katawan at makabawas sa pamamaga ng thyroid.

Mahalaga pa ring magpakonsulta sa doktor dahil sila lang ang makapagbibigay ng pinakamagandang payo pagdating sa sakit na ito.

 

Source: Mayo Clinic

Basahin: 6 Unnoticed signs of thyroid cancer

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!