May nakakapa ka bang bukol sa iyong leeg? Maaaring ito ay goiter o problema sa thyroid. Alamin dito kung ano ang sintomas at ano ang gamot sa goiter. Mayroon bang mga halamang gamot sa goiter?
Ano ang goiter?
Ang goiter ay ang paglaki ng iyong thyroid gland. Ito ay matatagpuan sa harap ng iyong leeg, sa bandang ibaba ng iyong Adam’s apple.
Ang thyroid ang bahagi ng ating katawan na may kaugnayan sa ating metabolism na gumagawa ng enerhiya sa katawan mula sa pagkain. Gayundin, kapag ang isang tao ay may problema sa thyroid, maaring apektado ang pagtibok ng kaniyang puso, paghinga, digestion at maging ang kaniyang emosyon.
Ayon sa Healthline, kahit sino ay maaring magkaroon ng goiter, subalit mas karaniwan itong nakaapekto sa mga kababaihan.
Mga uri ng goiter
Dahil maraming bagay ang pwedeng magdulot ng pamamaga ng iyong thyroid, narito ang ilang uri ng goiter na madalas na nakikita ng mga doktor sa kanilang mga pasyente:
Simple goiters – ito ay nangyayari kapag ang iyong thyroid gland ay hindi nakakagawa ng sapat na hormones, na nagdudulot ng paglaki ng iyong thyroid gland.
Endemic goiters – Minsan tinatawag na colloid goiters, ito ay sanhi ng kakulangan ng iodine sa iyong diet. Ang iyong thyroid ay gumagamit ng iodine upang maglabas ng sapat na hormones.
Sporadic or nontoxic goiters – kadalasan na wala itong dahilan,subalit may mga ilang gamot at medikal na kondisyon na posibleng nakakatrigger sa pagkakaroon nito.
Multinodular goiters – ito’y nangyayari kapag may tumutubong maliliit na bukol o nodules sa iyong thyroid. Ang mga nodules na ito ay maaring lumaki at gumagawa rin ng thyroid hormones na nagdudulot ng hyperthyroidism. Ito ang labis na paggawa ng hormones ng iyong thyroid gland.
Mga posibleng sanhi ng goiter at problema sa thyroid
Iron deficiency ang pangunahing sanhi ng goiter. Kailangan kasi ang bitaminang ito para magproduce ng sapat na thyroid hormones ang ating katawan. Kapag kulang tayo sa iodine, nagiging masyadong aktibo ang ating thyroid gland, dahilan para lumaki o mamaga ito.
Ang pamamaga ng thyroid o thyroiditis ay pwedeng maging dahilan upang magkaroon ng goiter. Pwede mo itong makuha kapag nagkaroon ka ng viral infection o pagkatapos manganak.
Ang isang klase ng thyroiditis ay tinatawag na Hashimoto’s thyroiditis, ay inilalarawan kapag hindi nakakagawa ng sapat na thyroid hormones ang thyroid gland, na tinatawag ring hypothyroidism. Kapag mababa ang hormones, nagiging senyales ito sa pituitary gland na gumawa ng mas maraming thyroid-stimulating hormone (TSH), kaya lumalaki ito.
Isa pang posibleng dahilan ng goiter ay ang sakit na Graves’ disease, na nangyayari kapag masyadong maraming hormones ang nagagawa ng iyong thyroid glands kaysa sa karaniwan, o tinatawag ring hyperthyroidism.
Mga taong high-risk sa pagkakaroon ng goiter
Narito ang mga taong mataas ang posibilidad na magkaroon ng sakit na ito:
- May family history ng thyroid cancer, nodules, at iba pang sakit sa thyroid
- Walang sapat na iodine sa kanilang diet
- May kondisyon na nagbabawas ng iodine sa katawan
- Mga babae
- May edad na 40 pataas
- Buntis o nakakaranas ng menopause
- Sumailalim sa radiation therapy sa bahagi ng leeg o dibdib
Ano ang sintomas ng goiter?
Bukod sa bukol o pamamaga sa iyong leeg, narito ang ilan pang sintomas ng goiter at lunas para dito
Ano ang sintomas ng goiter?
- Napapaos na boses
- Paninikip ng iyong lalamunan
- Pagkahilo kapag itinataas ang kamay
- Pamamaga ng mga ugat sa leeg
- Pag-ubo
- Nahihirapan huminga o lumunok
Kapag mayroon kang “toxic” goiter na may kasamang hyperthyroidism, maaari kang makaranas ng :
- Pagpapawis
- Pagtatae
- Mabilis na pagtibok ng puso
- Panginginig
Ito naman ang ilang karagdagang sintomas ng goiter at hypothyroidism:
Sintomas ng goiter at lunas
- Panunuyo ng balat
- Fatigue o matinding pagod
- Pagdagdag ng timbang
- Constipation
- Pagkakaroon ng irregular na period
Narito naman ang mga sintomas ng goiter sa loob o ‘yong tinatawag na obstructive goiter.
- Hirap sa paglunok
- Hirap sa paghinga
- Pag-ubo
- Pagkapaos
- Paghilik
Tinatawag itong obstructive goiter dahil ang mga sintomas ng goiter sa loob ay nakasasagabal sa daanan ng hangin at boses.
Larawan mula sa iStock
Pag-diagnose ng sakit na goiter
Para matukoy ng iyong doktor kung mayroon kang goiter, maari siyang magsagawa ng isang physical exams kung saan hahawakan niya ang iyong leeg at uutusan kang lumunok habang sinusuri ang iyong lalamunan. Kakapain rin niya ito para malaman kung mayroong mga nodules.
Maari ka ring sumailalim sa iba’t ibang pagsusuri tulad ng hormone test (para matukoy kung marami o kaunti ang thyroid hormone sa iyong dugo), antibody test, ultrasonography (para itong ultrasound sa bahaging ito ng katawan) at thyroid scan.
Mga posibleng gamot sa goiter
Ano ang gamot sa goiter o anong gamot sa goiter? Mayroon bang mabisang gamot sa goiter? Isa pa, mayroon bang mga halamang gamot sa goiter?
Gamot sa goiter: Depende sa laki at sintomas ng goiter na iyong nararanasan, maaring ipayo ng iyong doktor ang ilang paraan para malunasan ang sakit na ito.
Oobserbahan muna ito at aalamin kung ito ba ay lumalaki at nagdudulot ng ibang problema. Kung mild lang ang sintomas na iyong nararamdaman, maaring magreseta ang iyong doktor ng mga gamot para maagapan ang iyong goiter.
Gamot sa goiter tablet
Sa kaso ng hypothyroidism, isang thyroid hormone replacement kasama ang levothyroxine (Levoxyl, Synthroid, Tirosint) ay pwedeng maging lunas nito para bumagal ang paggawa ng pituitary gland ng TSH at lumiit ang bukol sa iyong leeg.
Maari rin siyang magbigay ng gamot sa goiter tablet tulad aspirin o corticosteroid para sa pamamaga ng thyroid gland, at mga gamot para maging normal ang paggawa ng hormones kung mayroon kang hyperthyroidism.
Kung hindi na maaagapan ng mga iniinom na gamot, at nakakaramdam ng hirap sa paghinga o paglunok, posibleng irekomenda ng iyong doktor na sumailalim ka sa isang surgery para maalis ang bahagi ng iyong thyroid. Isa rin itong paraan para makaiwas sa paglala ng goiter at pagkakaroon ng thyroid cancer.
Mabisang gamot sa goiter
Para sa mga taong may toxic multinodular goiters, maaring irekomenda ang radioactive iodine (RAI) na uri ng gamutan. Ito ay ibinibigay bilang isang gamot na iniinom at pumupunta sa iyong dugo, kung saan pinupuksa nito ang overactive thyroid tissue.
Ano ang gamot sa goiter? Lifestyle change at mga home remedies
Muli, nakadepende sa kung gaano katindi o anong uri ng goiter ang mayroon ka sa kung anong gamot sa goiter.
Makakatulong din ang ilang home remedies at pagkakaroon ng pagbabago sa iyong lifestyle para malabanan o maiwasan ang pagkakaroon ng goiter.
Isa sa mga dapat tandaan ang ang pagkakaroon ng sapat na iodine sa iyong diet.
Para masiguro na nakakakuha ng sapat na iodine, gumamit ng iodized salt o kumain ng mga pagkaing mayaman sa bitaminang ito gaya ng seafood o seeweed – dalawang beses kada linggo.
Kung nakatira ka malapit sa baybayin, ang mga lokal na prutas at gulay ay malamang na naglalaman ng ilang iodine, pati na rin ang gatas ng baka at yogurt.
Subalit, huwag namang sobra. Iwasan ang labis na dami ng iodine sa katawan. Bagamat hindi ito karaniwan, ang pagkakaroon ng labis na iodine minsan ay maari ring mauwi sa goiter.
Bukod sa problema sa iyong thyroid, maari rin itong maging sanhi ng altapresyon o sakit sa bato. Kaya iwasan ang sobrang pagkonsumo ng mga pagkaing maaalat at pagdadagdag ng iodized salt sa mga pagkain na natimpla na.
Iwasan rin ang pag-inom ng alak, kung maaari. At kung gagamit ka ng mga contraceptives o iba pang gamot na may kinalaman sa iyong hormones, tanungin muna ang iyong doktor kung ligtas ba ito sa iyo at hindi maaapektuhan ang iyong thyroid.
Gayundin, kung mayroon kang katanungan tungkol sa iba pang sintomas ng goiter at mga lunas nito, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong doktor.
Mga halamang gamot sa goiter
Bukod sa mga nabanggit na home remedy na maaaring subukan, mayroon din umanong mga halamang gamot sa goiter. Ilan nga sa mga pinaniniwalaang gamot sa goiter herbal ay ang dahon ng guyabano at luyang dilaw.
Dahon ng guyabano gamot sa goiter
May mga supplier na rin sa Pilipinas ng mga guyabano tea na maaari umanong inumin bilang gamot sa goiter. Makatutulong umano ang antioxidant na makukuha sa extract ng dahon ng guyabano bilang gamot sa goiter.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Marta Branco
Luyang dilaw gamot sa goiter
Isa rin sa mga gamot sa goiter herbal ang luyang dilaw. Ayon sa Paloma Health, mayroong pag-aaral kung saan napatunayan na ang pagkonsumo ng turmeric o luyang dilaw araw-araw ay makatutulong para maibsan ang paglaki ng goiter.
Iba pang halamang gamot sa goiter
Makatutulong umano ang fatty acids ng coconut oil para maging maayos ang function ng thyroid gland. Bukod pa rito tumutulong din ito para makapagbawas ng timbang, maging maayos ang metabolism, at maging balanse ang temperatura ng katawan.
Ayon sa pharmeasy.in, mahalagang sabayan din ng ehersisyo at tamang balanced diet ang pagkonsumo ng coconut oil para bumuti ang lagay ng thyroid gland.
Mayaman ang luya sa mga essential na minerals tulad ng potassium at magnesium. Makatutulong din ito para labanan ang pamamaga ng thyroid. Maaaring nguyain ang luya o kaya naman ay gawin itong salabat at inumin.
Almonds
Mayroong ‘thyroid-healthy’ nutrient ang almond na tinatawag na selenium. Mayaman din ang almond sa magnesium na makatutulong para maging smooth ang function ng thyroid gland. Bukod pa rito, mabuting source din ito ng protein, fiber, at minerals.
Beans
May antioxidant property ang beans at mayroon ding complex carbohydrates. Bukod pa rito mayaman din ito sa fiber, protein, essential minerals, at vitamins na kailangan ng katawan. Makatutulong din ito para maibsan ang constipation na isa sa mga karaniwang side effects ng hypothyroidism.
Seaweed
Ang seaweed ay uri ng algae na tumutubo sa saltwater. Dahil dito, mayroong mataas na concentration ng iodine ang seaweed. Essential mineral ang iodine na siyang kailangan ng pituitary gland para sa maayos na formation ng thyroid hormones.
Bukod sa mga nabanggit na gamot sa goiter, maaari ding uminom ng iodine supplement para maiwasto ang hindi tamang function ng thyroid. Mahalaga ito lalo na para sa mga vegetarian. Dagdag pa rito, makatutulong din ang pag-take ng Vitamins B at Vitamin D. Ang vitamin B ang tutulong sa katawan para labanan ang mga underlying cause ng thyroid problems. Bukod sa vitamin B supplement, maaari din naman makuha ang bitaminang ito sa pagkain ng itlog, karne, isada, gatas, mani, at legumes.
Kapag ang tao ay kapos ang vitamin D sa katawan, posible rin itong humantong sa pagkakaroon ng goiter o problema sa thyroid. Makukuha ang vitamin D sa pamamagitan ng exposure sa araw. Magpainit sa umaga kahit 15 minuto lamang.
Tandaan na ang mga nabanggit na halamang gamot sa goiter at mga home remedy ay walang katiyakang makagagaling sa iyong goiter. Dahil natural na paraan ang paggamot, maaaring umepekto sa isa ang halamang gamot pero hindi naman sa isa pa. Magkakaiba kasi ang reaksyon din ng katawan sa ano mang gamot. Makabubuti pa rin na magpakonsulta sa doktor para malaman kung ano ang angkop na gamot sa goiter na para sa’yo.
Karagdagang impormasyon isinulat ni Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!