Dahil sa kawalan ng sintomas ng herpes, isang sanggol ang hindi sinasadyang nahawaan ng kaniyang ina ng virus na naging sanhi ng pagkamatay nito sa edad na sampung araw pa lamang.
Sintomas ng herpes
Si Kira Aldcroft ay isang 22-year-old mom na nagbigay silang sa kaniyang baby na si Leo sa pamamagitan ng normal vaginal delivery.
Bagamat si Leo ay isinilang ng 9 days premature, ito naman ay healthy at walang kumplikasyon.
Ngunit, matapos ang walong araw, bigla nalang nagkaroon ng pagdurugo sa bunganga ni baby Leo at siya ay na-comatose na unang inakala ng mga doktor na isang kaso ng sepsis.
Matapos ng ilang test, napag-alaman ng mga doktor na ang kondisyon ni baby Leo ay dahil sa Herpes HSV2 virus na kaniyang nakuha sa kaniyang ina noong siya ay ipinanganak.
Dahil sa virus ay nagsimulang mag-fail ang mga organs ni baby Leo na naging dahilan upang puwersahang patayin ang life support machines na nakakabit sa kaniya.
Makalipas nga ng sampung araw pagkatapos maipanganak ay binawian agad ng buhay si Leo na ikinalungkot ng kaniyang ina.
At dahil sa nangyari ay tinatawagan ni Kira Aldcroft ang lahat ng mga mommies lalo na ang mga buntis na mag-pa-test sa herpes virus upang hindi matulad sa nangyari sa kaniyang anak.
Ayon kay Kira, hindi niya alam na siya ay infected ng virus dahil sa wala naman siyang nakikitang sintomas ng herpes habang buntis. Maliban lang sa vaginal thrush o infection na ayon sa mga nurses ay pangkaraniwang side effect daw ng pagbubuntis, dagdag pa ni Kira.
Kung nalaman niya lang daw sana ng mas maaga na siya ay infected ng herpes virus, naiwasan sanang mahawaan ang kaniyang anak at hindi nangyari ang nakakalungkot na pangyayari na ito sa kaniyang buhay.
Pero ano nga ba ang herpes virus at paano nahawa ang baby ni Kira ng siya ay ipinanganak?
Ano ang Herpes?
Ang herpes ay isang impeksyon na dulot ng HSV o herpes simplex virus. Ito ay maaring makaapekto sa external genitalia, anal region at sa balat sa iba pang parte ng katawan ng isang tao. Isa itong long-term condition na madalas ay walang nakikitang sintomas.
May dalawang uri ng herpes na tumutukoy rin sa kung papaano nakuha ng taong infected ang virus na ito. Ang dalawang uri ng herpes ay HSV-1, o type 1 herpes at HSV-2, o type 2 herpes.
Ang HSV-1, or type 1 herpes ay ang uri ng herpes na nagdudulot ng mga sores o sugat sa paligid ng bibig at labi na maari ring magdulot ng genital herpes. Ito ay napapasa o nakukuha sa pamamagitan ng paghalik o paggamit ng baso o kahit anong bagay na ginagamit sa bibig ng taong infected nito.
Sa ngayon ang type 1 herpes ay itinuturong sanhi ng halos lahat na kaso ng genital herpes na naikalat sa pamamagitan ng oral sex.
Samantalang ang HSV-2, o type 2 herpes ay ang uri ng herpes na nakaka-apekto naman sa genital area o maselang bahagi ng katawan ng isang tao na maari ring kumalat hanggang sa hita at puwit. Ito ay napapasa o nakukuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik o sexual contact at sa pamamagitan rin ng pagbibigay silang sa isang sanggol through vaginal delivery.
Sintomas ng herpes
Ang isang tao ay maaring maging infected na walang pinapakitang sintomas ng herpes. Ngunit madalas ang ilan sa mga palatandaan o sintomas ng herpes ay ang sumusunod:
- Mahapdi at nagsusugat na paltos o singaw sa bibig o sa genitals
- Pananakit o hapdi sa pag-ihi
- Pangangati o itching sa genital area o bibig
- Makapal na vaginal discharge sa mga babae na may mabaho at masangsang na amoy
Maari ding makaranas ng flu-like symptoms ang isang taong may herpes gaya ng:
- Lagnat
- Namamagang kulani
- Sakit sa ulo
- Pagkapagod
- Kawalan ng ganang kumain
Mula sa mga nasabing mga sintomas ay maari ng matukoy kung ang isang tao ay apektado ng herpes virus. Ngunit, kung walang nakikitang palatandaan o sintomas ito ay maaring ma-diagnose sa pamamagitan ng mga laboratory tests gaya ng DNA, PCR (Polymerase chain reaction) blood test, antibody test at virus cultures.
Para sa mga babaeng nagdadalang-tao napakaimportanteng dumaan sa mga test na ito upang matukoy kung positibo sila sa herpes o hindi.
Dahil ang sakit na ito ay maaring mailipat sa kanilang sanggol sa pamamagitan ng panganganak o vaginal delivery lalo na sa mga kaso ng may genital herpes.
Ang mga katawan ng mga bagong silang na sanggol ay mahina pa kaya naman hindi nila kakayanin ang virus na dala ng herpes na maaring magdulot ng banta sa kanilang kasulusan at sa kanilang buhay.
Lunas o gamot sa herpes
Sa ngayon ay wala pang gamot sa herpes. Kapag ang isang tao ay nagkaroon nito, mananatili na ito sa kaniyang katawan na pwedeng maging inactive. Ito ay maaring maging active at magdulot ng outbreak dahil sa mga sumusunod na kondisyon:
- Pagkakaroon ng sakit
- Fatigue o labis na pagkapagod
- Immunosuppression dahil sa AIDS o iba pang medications gaya ng chemotherapy at paggamit ng steroids
- Physical o emotional stress
- Trauma sa affected area na maaring dulot ng sexual activity
- Menstruation
Bagamat wala pang gamot dito ay may mga paraan o treatment naman para maibsan ang mga sintomas ng herpes.
Ang mga gamot na may taglay na contents ng Famvir, Zovirax, and Valtrex ay inireresta ng doktor upang maibsan ang sakit at mapabilis ang paggaling ng mga sintomas ng herpes. Ito ay maaring inumin sa pamamagitan ng isang pill o ipahid sa pamamagitan ng cream. Makakatulong rin ang warm baths o paliligo sa maligamgam na tubig upang maibsan ang sakit sa genital area. Iwasan ding magsuot ng masisikip na damit sa paligid ng affected area. At huminto na muna sa pakikipagtalik hanggang sa mawala ang mga sintomas ng herpes.
Paano makakaiwas sa herpes
Upang makaiwas sa herpes ay dapat kilalanin muna ng maigi at alamin ang sexual history ng iyong ka-partner. Dapat ding laging ipraktis ang protected o safe sex bagamat hindi parin ito garantiya na hindi mahahawa. Iwasan ding makipagsex sa iyong partner kung siya ay may paltos o sugat sa kaniyang genital area. Huwag makikishare sa personal na gamit ng iba lalo na sa hygiene needs. Ugaliin ring maghugas ng kamay at panatilihing malinis ang iyong katawan.
Sources: Daily Mail, Newsner, WebMD, Very Well Health, HealthLine, Ritemed
Basahin: Herpes simplex virus sa baby, galing daw sa isang halik