Dalawa sa bawat 10 taong naiimpeksiyon ng primate erythroparvovirus 1 o parvovirus B19, ang hindi makikitaan ng sintomas. Mailap minsan, pero dapat magkaro’n ng kamalayan tungkol dito para maiwasan ang malubhang kahihinatnan. Alamin kung ano ang mga sintomas nito at mabisang gamot sa parvo virus.
Ano ang parvovirus?
Ang Parvovirus B19 ay nakaka-apekto lamang sa mga tao, pero may ibang strain na nakakahawa sa mga alagang hayop tulad ng aso at pusa. Kapag may impeksiyon mula sa parvovirus, ito ay mabilis na kumakalat at lubusang nakahahawa lalo sa mga bata, bagamat nakakahawa din ito sa mga matatanda.
Karaniwang tinatawag itong “slapped-cheek syndrome” dahil sa kakaibang rash sa mukha na pangunahing sintomas nito. Isa ito sa 5 pinaka-karaniwang sakit ng mga bata na kakikitaan ng rash. Ano nga ba ang mga sintomas ng parvovirus b19 at saan nakukuha ang parvo?
Sintomas ng parvovirus b19
Ang unang lumalabas na sintomas ng Parvovirus B19 ay ang rashes o mapulang mga butlig sa mukha (sa pisngi) ng pasyente. Ito ay makati at nakakairita, lalo na sa mga batang hindi pa lubusang nakakapagsabi kung ano ang nararamdaman.
Maraming mga naapektuhan ng virus ang hindi nakikitaan ng sintomas, at kung mayro’n man, depende ito sa edad ng pasyente, paliwanag ni Dr. Arsenio Meru, MD, isang Pilipinong doktor ng internal medicine at clinical assistant sa Royal Alexandra Hospital, sa Alberta, Canada.
Sa mga matatanda, ilan sa mga sintomas ay ang masakit at namamagang kasu-kasuan o joints (polyarthropathy syndrome) ng kamay, tuhod, sakong, na mas karaniwang nararamdaman ng mga matatanda kaysa bata. Hindi rin nakikitaan ng rashes sa pisngi, di katulad ng mga bata.
Nariyan din ang severe anemia, kung saan ang katawan ay hindi nakakapag-prodyus ng malusog na red blood cells, kaya’t namumutla. Sa iba, ang mga sintomas ay nagtatagal at hindi kaagad nawawala.
Sa mga bata, ang mga early signs at sintomas ng parvovirus b19 ay mataas na lagnat, pananakit ng ulo at tiyan, sipon, at kakaibang rashes sa pisngi. Ito ang pinakakapansin-pansin na sintomas sa mga bata. Magsisimula din itong kumalat sa braso, pigi, puwit, at talampakan, at sa mga bahaging ito, ang rash ay pink, at hindi masyadong mapula, at mas nakaumbok, at lubhang makati. Minsan ay napapagkamalang viral rashes o di kaya ay reaksiyon sa gamot ang rashes na ito. Mainam na ipakita para maeksamin kaagad ng pediatrician ang tunay na sanhi.
Ayon kay Dr. Meru, karaniwang lumalabas ang rashes kapag patapos na ang karamdaman. May mga nakikitaan ng pabalik-balik na sintomas, pero mas nagiging kapansin-pansin lalo na ang rash kapag mainit ang panahon. Mahalagang bigyan ng pansin ang mga sintomas ng parvovirus b19 para maipa-check sa doctor ang pasyente.
Tatlong yugto ng Impeksiyon
Ayon sa American Family Physician, sa artikulo nina Camille Sabella, M.D., at Johanna Goldfarb, M.D., ng Cleveland Clinic Children’s Hospital, Cleveland, Ohio, karaniwang makikita sa tatlong yugto ang parvovirus infection:
Una: Pagkalipas ng 4 hanggang 14 na araw ng virus incubation period, mararamdaman ang sinat o mababang lagnat, pananakit ng ulom at tiyan. Ito ang nakakahawang yugto.
Ikalawa: Dito na maglalabasan ang rashes sa mukha, kapag bata ang pasyente. Mas lumalala ang rash kapag mainit ang panahon o direktang nasisikatan ng araw.
Ikatlo: Pagkatapos maglabasan ang rashes, kakalat ito sa ibang bahagi ng katawan tulad ng braso, binti, tagiliran, puwit at talampakan. Minsan ay tumatagal ito ng hanggang tatlong linggo, ng pabalik-balik. Sa yugtong ito, hindi na nakakahawa ang pasyente.
Saan nakukuha ang parvo at paano ito nakakahawa?
Ayon sa Mayo Clinic, kumakalat ang parvovirus B19 sa pamamagitan ng respiratory secretions sa laway, plema, o nasal mucus. Sa madaling salita, kapag nabahingan o naubuhan, ang mga lumalabas na talsik ng laway o sipon, kahit gaano kaliit at di nakikita, malaki ang posibilidad na mahawa ng virus.
Nakakahawa ito ilang linggo at araw bago pa lumabas ang mga unang rashes. Pero kapag naglabasan na, hindi na ito nakakahawa at hindi na kailangang i-quarantine ang pasyente.
Kumakalat din ang Parvovirus B19 sa dugo, katulad na lang kung nagbubuntis, na maaaring maipasa sa dinadalang sanggol. Mas maigting ang pagkalat ng virus na ito kapag malamig ang panahon. Malamang ay nagtataka kayo kung saan nakukuha ang parvo. Hindi totoong mahahawa ang mga tao mula sa aso o pusa, o vice versa. May ibang strain ng virus para sa mga hayop at tao, kaya’t hindi dapat ipag-alala ito. Gayunpaman, may mga bakuna para sa mga hayop laban sa parvovirus. Itanong ito sa inyong veterinarian.
Ano ang mga posibleng komplikasyon?
Nagagamot at mawawala din ang mga sintomas at nawawaksi ang impeksiyon sa tamang atensiyong medikal, lalo na sa mga bata. Kadalasang hindi dapat ikabahala ang parvovirus infection sa mga bata.
Delikado lang ang impeksiyon mula sa parvovirus kapag may iba pang karamdaman ang pasyente, paliwanag ni Dr. Meru. Maaari itong magdala ng panganib. Lalo sa mga nagbubuntis at sa mga taong may anemia o may karamdaman sa immune system. Sa mga nagbubuntis, maaaring makaapekto ng malubha sa fetus; at para sa mga may anemia na, mas mapapahina ng impeksiyon ang sistema ng katawan dahil maaaring tumigil ang produksiyon ng red blood cells.
Ang impeksiyon dulot ng parvovirus ay makapaglagay sa panganib para sa mga may HIV infection, sumasailalim sa cancer treatments, gumagamit ng anti-rejection drugs pagkatapos ng organ transplants.
Sa ngayon ay wala pang mabisang gamot o bakuna sa human parvo virus infection. Kaya’t kapag nagkaro’n ka nito, mayro’n ka nang lifelong immunity—hindi ka na magkakaron ulit. Dahil wala pang mabisang gamot sa parvo virus, ang pinakamabisang prebensiyon ay ang pagpapanatiling malinis ang katawan. Lalo na ang paghuhugas ng kamay palagi (kaya’t turuan ang mga bata na makagawian ito). Iwasan din ang “food sharing” at pag-inom sa baso o straw ng ibang tao, kahit pa anak mo o asawa, dahil ito ang isang paraan ng pagkahawa ng hindi namamalayan.
Sources:
Dr. Arsenio Meru, MD, Royal Alexandra Hospital, Alberta, Canada
Camille Sabella, M.D., Johanna Goldfarb, M.D., American Family Physician, Cleveland Clinic Children’s Hospital, Cleveland, Ohio, Mayo Clinic, CDC
Basahin: Bakuna 2018: Importanteng vaccines sa unang taon ni baby
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.