Alamin ang mga sintomas ng preeclampsia na hindi napapansin ng karamihan sa mga nagdadalantao upang iligtas ang buhay nila ni baby.
Maraming bagay ang dapat tiyaking mabuti sa pagdadalantao upang masiguro ang kalusugan at kaligtasan ng mag-ina. Ilan sa mga dapat malaman ng mga ina ay ang mga tahimik na sintomas ng preeclampsia na kadalasang hindi napapansin.
Talaan ng Nilalaman
Ano ang preeclampsia sa buntis?
Ang preeclampsia sa buntis o pagbubuntis ay isang isyung medikal na kailangang pagtuunan ng agarang aksyon. Maaari itong maging problema ng mga nasa kalagitnaan ng kanilang pagbubuntis (20 linggo).
Ang mga mommies na maaaring nakakaranas ng preeclampsia ay may mataas na blood pressure (hypertension), protein sa kanilang ihi, pamamanas, lagnat, at panlalabo ng paningin. Nagdudulot ito ng mga komplikasyon sa ibang organs ng nagbubuntis at delikado ito para sa iyo at kay baby.
Kailangang ipaalam agad sa inyong health care unit kung may nararanasang mga bagay na maaaring senyales ng preeclampsia. Sa kabilang banda, ang kalagayang ito ay maaaring mawala pagkatapos ng panganganak.
Sino ang maaaring makaranas ng preeclampsia
Mas madalas makaranas ng preeclampsia ang mga mommies na first timer. Hindi rin siguro ang mga eksperto kung bakit nagkakaroon nito ang ibang mga nagbubuntis.
Nagiging sanhi rin ito sa US ng 15% ng premature deliveries, at kadalasang nagkakaroon nito ang 8% ng mga nagbubuntis sa buong mundo.
Bihira man ang kondisyong ito, ang mga mommies na maaaring magkaroon nito ay ang mga sumusunod:
- May history ng high blood pressure, kidney disease, o diabetes
- Pagbubuntis sa kambal o multiple babies
- May family history ng preeclampsia
- pagkakaroon ng kondisyong autoimmune tulad ng lupus
- obesity
Mga sintomas ng preeclampsia na kadalasang hindi napapansin ng mga ina
1. Pagtaas ng blood pressure ay sintomas pala ng preeclampsia
Ito ang pangunahing sintomas ng preeclampsia kung saan naaapektuhan nito ang ilang vital organs sa katawan ng nagdadalantao.
Ayon sa Preeclampsia Foundation, nangyayari ang preeclampsia sa 5 hanggang 8 porsiyento ng pagdadalantao ng mga kababaihan. Hindi pa tiyak ng mga doktor ang tunay na dahilan kung bakit nagkakaroon nito ang mga buntis.
“Blood pressure can sometimes increase without any warning. A blood pressure of 140/90 in a person who does not have high blood pressure could be a sign of preeclampsia,” sabi ni Dr. Sara Soto, obstetrician-gynecologist sa PIH Health Women’s Center sa Whittier, California.
Mabuting komunsulta agad sa doktor kapag biglang nagkaroon ng pagbabago sa iyong blood pressure.
2. Pagkakaroon ng protein sa ihi na kadalasang senyales ng preeclampsia
Isa sa mga karaniwang sintomas din ay ang pagkakaroon ng protein sa ihi ng mga nagdadalantao. Natutukoy ito sa pamamagitan ng urinalysis.
“Protein may be in the urine due to ‘leaky’ blood vessels in the kidneys, causing protein from the blood stream to go into the urine,” sabi ni Dr. Patricia Pollio, director ng Obstetrics and Gynecology department ng Good Samaritan Hospital, na miyembro ng Westchester Medical Center Health Network sa New York City.
3. Pagkaunti ng inilalabas na ihi
Kung napapansin mong humihina o kumokonti ang iyong inilalabas na ihi habang ikaw ay nagdadalantao, agad na pumunta sa iyong doktor.
Senyales ito na nagkakaroon ng pagbabara sa iyong blood vessels dulot ng biglaang pagtaas ng iyong blood pressure. Ibig sabihin, nahihirapang gumana ang iyong mga bato o kidney.
“When preeclampsia becomes severe a person can start to produce less urine or even stop making urine altogether,”
4. Pamamanas
Kadalasang nangyayari ang preeclampsia sa ikatlong trimester ng pagdadalantao.
Ayon sa American College of Obstetricians and Gynecologists (ACOG), mas prone ang mga nagdadalantao sa kanilang huling trimester sa pagkakaroon ng fluid retention sa kanilang katawan.
“Swelling occurs during preeclampsia in part because of the relatively low protein level in the blood stream, and also due to leaking of water from the blood stream into the tissues,” sabi ni Dr. Pollio.
5. Matinding pananakit ng ulo
Normal ang pananakit ng ulo sa mga buntis. Ang hindi normal ay ang pagkakaroon ng madalas at matinding pananakit ng ulo na hindi nawawala. Isa ito sa sintomas ng preeclampsia.
Sa isang pag-aaral ng Albert Einstein School of Medicine, lumabas na 38% ng mga buntis na nakararanas ng madalas na pananakit ng ulo ay may preeclampsia — 5 hanggang 8% ito ng kabuuang bilang ng general population ng mga nagdadalantao.
“With preeclampsia symptoms, a headache can occur as a direct result of high blood pressure, or indirectly due to swelling of the brain,” sabi ni Dr. Pollio.
6. Madalas na pagkahilo at pagsusuka, hindi napapansing senyales ng preeclampsia
Ang morning sickness ay nawawala paglagpas ng unang trimester ng mga buntis. Kung biglang bumalik ang iyong morning sickness sa ikalawa at ikatlong trimester ng iyong pagdadalantao, baka ito ay sintomas ng preeclampsia.
“Nausea or vomiting can occur due to stress on the liver from leaky blood vessels,” paliwanag ni Dr. Pollio.
Siguruhing ipasuri ang iyong blood pressure at urine sample sa iyong doktor upang malaman kung ikaw ay may preeclampsia.
7. Biglaang pagtaas ng timbang
Ang pamumuo ng mga fluid sa katawan ay nakakapagpabilis ng pagtaas ng timbang ng mga nagdadalantao na may preeclampsia.
Lumabas sa pagsusuri ng mga eksperto na ang pagtaas na timbang ng mga nagdadalantao (mga overweight at obese) ay nauugnay sa pagkakaroon ng preeclampsia.
“Sudden weight gain is a function of water retention and swelling,” sabi ni Dr. Pollio.
8. Panlalabo ng paningin
25% hanggang 50% ng mga may preeclampsia ay naitalang nakararanas ng panlalabo ng paningin, ayon sa American Academy of Ophthalmology.
Bagaman nareresolba naman ito pagkatapos manganak, kinokonsidera pa rin itong seryosong sintomas ng preeclampsia.
“Changes in vision occur due to swelling of the optic nerve, a sign of brain swelling,” sabi ni Dr. Pollio.
“This swelling of the brain (cerebral edema) is life-threatening, so any persistent vision changes should be evaluated by your doctor immediately,” sabi naman ni Dr. Soto.
9. Pambihirang paglakas ng reflexes
Pamilyar ka ba sa rubber hammer na pinupukpok ng mga doktor sa tuhod ng mga pasyente? Normal na ginagamit ito ng mga doktor upang masuri ang reflexes ng isang tao. Kusang umaangat ang paa kapag pinupukpok ng rubber hammer ang tuhod.
Sa kaso ng mga may preeclampsia, hindi lang pag-angat ang nangyayari sa paa nila. Napapasipa sila ng malakas na tila parang kabayo. Tinatawag itong hyperreflexia.
“Hyperreflexia occurs due to central nervous system irritability because of brain swelling,” sabi ni Dr. Pollio.
10. Pagkabalisa at hirap sa paghinga
Normal naman na nakararanas ng hirap sa paghinga ang mga nagdadalantao dahil sa paglaki ng fetus sa kanyang sinapupunan. Ngunit hindi na ito normal kung nagdudulot na ng pagkabalisa sa isang buntis ang madalas na hirap sa paghinga.
“Shortness of breath can occur due to fluid accumulating in the lungs [pulmonary edema], which can also lead to anxiety from poor lung air exchange, and/or low oxygen levels,” sabi ni Dr. Pollio.
Lumabas sa mga research na nagdudulot ang preeclampsia ng pulmonary edema sa pagbubuntis ng mga ina. Hindi ito dapat balewalain, ayon sa mga eksperto.
11. Pananakit ng kanang itaas na bahagi ng abdomen
Maaaring akalain ng mga buntis na simpleng heartburn o epekto ng pagsipa ng fetus ang nararanasan nilang pananakit ng kanang itaas na bahagi ng kanilang abdomen. Baka senyales na ito ng problema sa kanyang atay o liver.
“Constant pain in the right upper side of the abdomen can be a sign of liver swelling in severe forms of preeclampsia,” sabi ni Dr. Soto.
Ayon sa mga datos mula sa U.S. National Library of Medicine, 10-20% ng mga may preeclampsia ay nakararanas ng pananakit ng upper right abdomen at lower back pain.
Tinatawag itong HELLP syndrome, isang uri ng preeclampsia kung saan nagkakaroon ng ruptured liver at stroke ang mga buntis kapag hindi naagapan.
Ipinapayo na huwag mag-atubiling pumunta sa doktor ang mga buntis na nakararanas nito upang maisalba ang buhay nilang mag-ina.
Ano ang sanhi ng preeclampsia sa buntis
Batay sa mga pag-aaral, wala pang kasiguraduhan ang dahilan ng pagkakaroon ng preeclampsia ng ilan sa mga nagbubuntis. Pinaniniwalaang dahilan nito ang problema sa kalusugan ng placenta o “inunan” (ang organ na nagpo-provide ng oxygen at sustansiya sa fetus na nade-develop habang nagbubuntis).
Ang supply ng dugo na patungo sa placenta ay maaaring mabawasan kapag may preeclampsia ang isang nagbubuntis. Dahil dito, maaaring magkaproblema sa kalusugan si mommy at si baby.
Paano maiiwasan ang preeclampsia?
Para sa mga may risk factors at sintomas ng preeclampsia, may mga hakbang na pwedeng gawin si mommy para maagapan ang tiyansa ng pagkakaroon nito. Maaaring gawin ang mga hakbang nito bago at habang nagbubuntis.
- Pagbabawas ng timbang kung ikaw ay overweight o obese (bago ang weight-gain sa pagbubuntis)
- Pagmonitor sa blood pressure at pagpapanatili ng normal na blood sugar level (lalo na kung ikaw ay may diabetes bago pa ang pagbubuntis)
- Pagkakaroon ng regular na ehersisyo
- Paglikha ng sapat na tulog gabi-gabi
- Pagkain ng mga masusustansiyang pagkain na mababa ang sodium at pag-iwas sa sobrang caffeine
- Pag-iwas sa mga pagkain na malalansa at mataas sa lead content
Maaari bang maiwasan ang preeclampsia
Ang pag-inom ng baby aspirin araw-araw ay nakababawas ng tiyansiya ng pagkakaroon ng preeclampsia sa posibilidad na 15%. Mas mahalaga pa rin ang pagkonsulta sa inyong doktor at health care unit upang matulungan kayo sa safe na pag-iwas sa preeclampsia at mga hakbang para sa healthy na pagbubuntis.
Karagdamang impormasiyon mula kay Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.