Buntis Guide: 7 na sintomas ng preterm labor na dapat mong malaman
Narito ang mga impormasyon tungkol sa preterm labor na dapat malaman ng bawat buntis na babae.
Sintomas ng preterm labor, ito na pala ang nararanasan ng isang ina ng hindi niya nalalaman at naging sanhi ng pagkawala ng kambal na kaniyang dinadala. Ano nga ba ang mga sintomas na ito at ano ang mga paraan para ito ay maiwasan?
Talaan ng Nilalaman
Buntis na nakaranas ng preterm labor
Sa pamamagitan ng isang Facebook post ay ibinahagi ni Isabelle Benavidez ng Wichita Falls, Texas ang isang karanasan na nagdulot ng malaking sugat sa kaniyang puso. Ito ay ang maagang pagkawala ng kaniyang anak na kambal na nangyari sa ika-20th week ng kaniyang pagbubuntis.
Kuwento ni Isabelle papunta sana sila ng kaniyang asawang si Daniel sa isang specialist para mapatingnan ang kambal na kaniyang ipinagbubuntis. Ngunit nakaramdam siya ng pananakit ng tiyan kasabay ng paglabas ng brown na discharge mula sa kaniyang pwerta.
Hindi naman nagdalawang isip si Isabelle na magpunta agad sa pinakamalapit na ospital sa kanila para magpatingin at maliwanagan kung ano nga ba ang nangyayari sa kaniya. At kung makakasama ba ito sa kambal na kaniyang dinadala.
Pagdating sa ospital ay agad naman siyang pinapunta sa delivery room para matingnan. Agad ding isinalarawan ni Isabelle ang kaniyang nararamdaman sa doktor kaya naman nagsagawa ito ng cervical exam.
Mga naranasang sintomas ng preterm labor
Habang isinasagawa ang exam ay namimilipit sa sakit si Isabelle sa tuwing ipinapasok ng doktor ang tool sa kaniyang pwerta. May tubig ding lumabas mula sa kaniya habang ginagawa ito na sinasabayan ng matinding pananakit.
Ayon sa doktor na tumingin sa kaniya, siya ay maayos at walang problema. Lumabas din sa resulta ng ultrasound niya na maayos ang heartbeat ng mga kambal bagamat ang isa kanila ay napakababa ng pwesto sa kaniyang tiyan.
Sa mga oras na iyon ay mas tumindi umano ang pananakit na nararanasan ni Isabelle at may interval na. Ngunit, wala siyang nagawa kung hindi maniwala sa sinabi ng doktor at umuwi bagamat nararamdaman niya sa kaniyang sarili na may mali.
Habang papauwi ay mas tumindi ang pananakit ng tiyan ni Isabelle na halos hindi na siya makalakad at umiiiyak na lang sa sakit. Sa kanilang bahay ay uminom agad siya ng Tylenol sa pag-aakalang matatanggal nito ang sakit ngunit wala pa ring nangyari.
Premature delivery ng sanggol
Saka siya nakaramdam na tila may pressure sa kaniyang tiyan at kailangan nitong lumabas. Kaya naman nagpunta agad siya sa CR at nang hindi niya inaasahan ay lumabas mula sa kaniya ang isa sa kaniyang kambal na ipinagbubuntis.
Mabilis namang rumesponde ang emergency services para tugunan ang sitwasyon ni Isabelle. Ngunit sa ambulansiya ay sumunod namang lumabas mula sa kaniya ang isa pa sa kambal.
Agad namang binawian ng buhay ang kambal at nalagay sa peligro ang buhay ni Isabelle dahil sa dami ng dugo na nawala sa kaniya.
Sintomas ng preterm labor na pala ang mga nararanasan ni Isabelle. Ngunit, hindi niya ito alam at hindi rin ito natukoy ng doktor na tumingin sa kaniya. K
Kaya naman ibinabahagi ni Isabelle ang kaniyang karanasan upang maging aware ang iba pang inang buntis at maiwasang mangyari sa kanila ang nakakalungkot na sinapit ng kambal na kaniyang dinadala.
Ano ang preterm labor?
Ayon sa Mayo Clinic, ang preterm labor ay tumutukoy sa regular contractions na nagdudulot ng pagbubukas ng cervix matapos ang week 20 o bago ang week 37 ng pagbubuntis.
Ito’y maaaring magdulot ng premature birth na maaring makasama sa sanggol o kaya naman ay maging dahilan ng maaga nitong pagkasawi.
Ang preterm labor ay nangyayari sa 12% ng mga nagbubuntis na babae. Ngunit ito ay maaring maiwasan kung alam ng isang buntis ang sintomas ng preterm labor at ang mga risk factors na maaaring magdulot nito. Walang malinaw na dahilan kung bakit nangyayari ang preterm labor sa isang pagbubuntis.
Risk factors ng preterm labor
Maraming iba’t ibang factor na maaaring magdulot ng preterm labor sa buntis. Ilan dito ay ang mga sumusunod:
- Una ng nakaranas ng preterm labor o premature birth sa mga nakaraang pagbubuntis
- Pagbubuntis ng kambal, triplets o higit pang sanggol
- Problema sa uterus, cervix o placenta
- Paninigarilyo at pagamit ng illegal na droga
- Pagkakaroon ng impeksyon sa amniotic fluid o lower genital tract
- Mga chronic conditions tulad ng high blood pressure at diabetes
- Stressful events sa buhay
- Sobrang amniotic fluid o polyhydramnios
- Vaginal bleeding
- Fetal birth defect
- Interval ng mababa sa anim na buwan sa pagitan ng pagbubuntis
- Periodontal disease o impeksyon sa tissues sa paligid ng ngipin
- Hindi nakatatanggap ng angkop na prenatal care
- Family history ng premature labor
- Pagbubuntis sa pamamagitan ng vitro fertilization
- Agad na pagbubuntis muli matapos manganak
Sintomas ng preterm labor
Ang mga sintomas ng preterm labor na dapat bantayan sa pagbubuntis ay ang sumusunod:
- Lima o higit pang uterine contractions sa loob ng isang oras
- Paglabas ng watery fluid sa vagina na maaring indikasyon na ng pagputok ng panubigan ng buntis
- Menstrual-like cramps sa ibabang bahagi ng tiyan na pabalik-balik
- Pananakit sa babang bahagi ng likod na pabalik-balik
- Pressure sa bewang o ibaba ng tiyan
- Abdominal cramps na maaaring sabayan o hindi ng diarrhea
- Pagbabago sa vaginal discharge tulad ng pagiging watery, mucus-like o may dugo
Ang preterm labor ay maaring magdulot ng premature delivery sa isang baby at ito ay may kaakibat na komplikasyon. Ito ay maaring magdulot ng mga health concerns sa sanggol tulad ng low birth weight, breathing difficulties, underdeveloped organs at vision problems. Ang mga premature babies rin ay mas mataas ang tiyansang magkaroon ng learning disabilities at behavioral problems.
Hindi maiiwasan ang preterm labor ngunit may mga paraan para mabawasan ang tiyansa ng isang buntis na maranasan ito. Ito ay sa pamamagitan ng sumusunod:
Paano maiiwasan ang preterm labor
- Regular prenatal check-ups para masubaybayan ang development at kalusugan ng dinadalang sanggol.
- Pagkain ng masusustansiyang pagkain lalo na ng mga mataas sa polyunsaturated fats (PUFAs) na natuklasang may kaugnayan sa lower risk ng premature birth. Ang polyunsaturated fats ay matatagpuan sa mga pagkain tulad ng nuts, seeds, fish at seed oils.
- Pagtigil sa mga bisyo tulad ng paninigarilyo, pag-inom ng alak at paggamit ng illegal na droga.
- Mag-pregnancy spacing dahil ayon sa mga pag-aaral, ang mga pagbubuntis na mababa sa 6 months ang pagitan ay nagpapataas ng tiyansa ng premature birth.
- Pag-inom ng preventive medications na rekumendado ng iyong doktor.
- Pagma-manage sa mga chronic conditions na maaring magdulot ng premature labor tulad ng diabetes at high blood pressure.
- Subukang iwasan ang labis na stress. Maglaan ng oras para mag-relax at humingi ng tulong tuwing kailangan ito.
- Ayon sa WebMD may mga pag-aaral kung saan nalamang may kaugnayan ang gum disease sa preterm labor, kaya mahalaga ring panatilihing malinis ang ngipin araw-araw.
Mahalagang makipag-ugnayan sa iyong midwife o doktor sa bawat pagbabagong nararasan sa iyong pagbubuntis.
Sa oras naman na makaramdam ng kakaiba o tila mali sa iyong pagbubuntis ay hindi masamang humingi ng opinyon mula sa iba’t ibang doktor para makasigurado.
Dahil ang buhay mo at iyong sanggol ay napakahalaga at ang iyong pagbubuntis ay dapat nabibigyan ng tama at mahigpit na pangangalaga.
Epekto ng preterm labor sa sanggol
Narito ang ilan sa mga maaaring maging epekto ng premature labor sa iyong baby:
- Mas mabagal ang paglaki kompara sa mga baby na natapos ang full-term bago isilang.
- Mataas ang risk ng pagkakaroon ng mga long-term health problems tulad ng mga sumusunod:
- Autism
- Intellectual disabilities
- Cerebral palsy
- Lung problems
- Vision and hearing loss
- Puwede ring magkaroon ng behavioral issues habang tumatanda. Ang ilan ay nakararanas ng emotional outbursts o kaya naman ay hyperactive.
- Mas mabagal ang development sa pagsasalita, pag-grasp at paghawak sa mga bagay gamit ang kamay.
Paano i-check ang contractions?
Mahalagang malaman kung paano i-check ang contractions dahil ito ay isa sa pinakamabisang paraan para malaman kung ikaw ay dumaranas ng preterm labor.
First, ilagay ang mga daliri sa abdomen. Kapag pakiramdam mo ay nagta-tighten at soften ang iyong uterus, nangangahulugang ikaw ay dumaranas ng contraction.
Isulat ang oras kung kailan nagsimula ang contractions, pati na rin ang oras kung kailan nagsimula ang mga kasunod na contractions.
Pwedeng subukang pigilan ang contractions. Tumayo ka o kaya ay baguhin ang iyong posisyon. Aside from that, uminom din ng dalawa hanggang tatlong baso ng tubig.
Lastly, tumawag agad sa iyong doktor o midwife kung patuloy na nakararamdam ng contractions kada 10 minuto, o kung lumala ang sintomas na nararanasan. Kapag nakaramdam ng matinding pagsakit na hindi nawawala ay mahalaga ring kumonsulta agad sa inyong doktor.
Braxton Hicks: Senyales ng false labor
Tinatawag na Braxton Hicks contractions ang false labor pains na maaaring maramdaman ng butnis bago ang “totoo” labor. Ayon sa Web MD, paraan umano ito ng katawan para paghandaan ang aktwal na pagle-labor. Subalit, ang Braxton Hicks contractions ay hindi nangangahulugang nagsisimula na ang labor o malapit nang manganak ang buntis.
Ang senyales umano ng false labor ay ang pabalik-balik na pakiramdam ng pag-tighten ng belly. Para daw itong mild menstrual cramps na uncomfortable sa pakiramdam. Subalit, hindi dapat mabahala dahil hindi ito magdudulot ng labor o ng pagbubukas ng cervix.
Karaniwan umanong hindi masakit ang Braxton Hicks contractions at walang regular pattern. Di gaya ng totoong labor, hindi nagtatagal ang contractions ng false labor at maaaring matigil kapag nagpalit ng posisyon o gumawa ng ibang activities.
Sa bandang puson lang mararamdaman ang false labor pain at madali rin itong mawawala.
Sanhi ng false labor
Dehydration ang pangunahing sanhi ng Braxton Hicks contractions o false labor pains. Aside from that, maaari ring dahilan ang sakit na nagdudulot ng pagkahilo at pagsusuka.
Dagdag dito, maaari ring magdulot ng false labor pains ang pakikipagtalik ng buntis at iba pang aktibidad. Maaari ring dulot ito ng movement ng fetus sa sinapupunan ng mommy.
Kaya naman, kung nagdudulot ng discomfort ang mga senyales ng false labor sa iyo, maaaring gawin ang mga sumusunod:
- Uminom ng tubig
- Mag lakad-lakad
- Kung ikaw naman ay active, magpahinga muna o kaya ay umidlip
- Maligo sa warm bath
- Mag-relax habang nakikinig ng music
- Magpamasahe
Pagkakaiba ng false labor at ng totoong labor contractions
Makikita rito ang pagkakaiba ng false labor pains at totoong labor contractions. Mahalagang malaman ito para maiwasan ang labis na pag-aalala sa iyong pagbubuntis.
False labor | True labor | |
Gaano katagal | Irregular ang contractions at hindi sunod-sunod. Mabilis din itong nawawala | Mayroong regular intervals ang contractions at tumatagal nang 30-70 seconds. Habang tumatagal ay lalong nagiging matindi at magkakasunod. |
Gaano katindi | Karaniwang mahina lang ang contractions at hindi na tumitindi pa. Pero may mga pagkakataon na magsisimula ito sa matinding contractions at unti-unting hihina. | Patindi nang patindi ang pakiramdam ng contractions. |
Saan mararamdaman ang sakit | Madalas na sa harap na bahagi ng belly o pelvis | Magsisimula ang contractions sa iyong lower back at unti-unting mararamdaman sa harap ng abdomen. Pwede ring sa abdomen magsimula papunta sa likod. |
Nagbabago ba kapag gumagalaw | Maaaring tumigil ang contractions kapag ikaw ay naglakad o nagbago ng posisyon. | Hindi nawawala ang contractions kahit na ikaw ay gumagalaw, nagbago ng posisyon, o sinubukang magpahinga. |
Pananakit ng abdomen habang buntis
Bukod sa Braxton Hicks o false labor pain, maaari ding makaranas ng round ligament pain ang buntis. Ito ay ang pananakit ng magkabilang bahagi ng puson dahil sa pagka-stretch ng uterus.
Nai-stretch ang ligaments na sumusuporta sa uterus at nakakabit sa pelvis habang lumalaki ang sanggol sa sinapupunan. Maaaring maramdaman ang round ligament pain sa paggalaw. For example, ikaw ay tumayo, inubo, nabahing, o kaya naman ay umihi.
Para maibsan ang round ligament pain maaring magbago ng posisyon o kaya naman ng aktibidad na ginagawa. Mahalaga ring suportahan ang iyong belly tuwing tatayo o maglalakad, at dahan-dahan ang gawing paggalaw.
Additionally, importanteng magpahinga. Makatutulong din ang hot bath o heating pad para maibsan ang pananakit sa abdomen.
Karagdagang report mula kay Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.