Ang trangkaso at sipon ay may pagkakatulad ng sintomas tulad ng ubo, congestion, sneezing at sore throat. Subalit ang pagkakaroon ng lagnat at pangangatog sa lamig (chills) ay malinaw na sintomas na trangkaso na ito at hindi sipon.
Napakaimportanteng malaman kung sipon lang ba o trangkaso na ang nararanasan. Sapagkat ang trangkaso o influenza, kapag hindi nabigyan ng maagang lunas ay maaaring makapagdulot ng kapahamakan sa iyong buhay lalo na sa isang bata. Maaari din itong maging dahilan ng pagkamatay kung mapabayaan.
Anong pinagkaiba ng trangkaso at sipon?
Ang trangkaso at sipon ay parehong virus na tumatama sa ating respiratory system. Ang sipon ay maaaring magpasama sa pakiramdam sa loob lang ng ilang araw.
Samantalang ang influenza naman ay maaring tumagal ng ilang linggo. Maaari ring maging dahilan ng pneumonia na isang delikadong sakit at kondisyon.
Sintomas ng trangkaso | Image from iStock
Ayon kay Dr. Brian Secemsky, isang internist ng One Medical sa San Francisco, madalas sa una ay napakahirap tukuyin ang pagkakaiba kung trangkaso o sipon lang ba ang nararanasan ng isang tao. Dahil ito sa pagkakatulad ng kanilang sintomas tulad ng sneezing, sore throat, pag-ubo at panghihina.
Subalit paano nga matutukoy ang pagkakaiba ng dalawang ito?
Sintomas ng sipon
Ang sipon o common colds ay kadalasang nagsisimula sa isang sore throat na kadalasang nawawala matapos ang isa o dalawang araw. Ilan sa sintomas nito ay ang pagkakaroon ng runny nose at hirap sa paghinga. Nasusundan ito ng ubo sa ika-apat at ikalimang araw.
Bagama’t ang pagkakaroon ng lagnat habang may sipon ay hindi pangkaraniwan sa mga matatanda, ngunit para sa mga bata maaari silang lagnatin habang sinisipon.
Kasabay ng mga nasabing sintomas ay makakaranas din ng nasal secretions (mucus o plema) sa unang mga araw ng sipon na mas dumadami at kumakapal sa pagdaan ng mga araw.
Ang sipon ay madalas tumatagal ng hanggang isang linggo at ang unang tatlong araw nito ay nakakahawa. Kung tumagal ang sintomas ng sipon matapos ang isang linggo, maaaring ito ay senyales na ng pagkakaroon ng bacterial infection. Kapag ito na ang kaso, nangangailangan na ng pag-inom ng antibiotics.
Sintomas ng trangkaso o influenza (flu)
Samantala ang mga sintomas ng influenza na kilala rin sa tawag na flu ay mas malala kumpara sa sintomas ng sipon. Ang mga sintomas ng influenza ay pagkakaroon ng sore throat, lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng katawan, congestion at ubo.
Ang isang uri naman ng flu na kung tawagin ay swine flu ay maaaring makapagdulot ng pagsusuka at diarrhea.
Katulad ng cold viruses, ang flu viruses ay pumapasok sa katawan ng tao sa pamamagitan ng ilong, mata at bibig. Ang mga sintomas nito ay maaaring mawala ng dalawa o hanggang limang araw bagamat normal din sa sakit na ito na magtagal ng isang linggo o higit pa.
Isa nga sa nakakatakot na kumplikasyong maaring idulot nito ay ang pneumonia. Maaari itong tumama sa mga matatanda at bata lalo na sa mga may heart at lung problems. Isa sa mga sintomas ng pneumonia ay ang hirap sa paghinga at ang pabalik-balik na lagnat.
Sintomas ng trangkaso | Image from Shutterstock
Trangkaso vs sipon
Paliwanag ni Dr. Edwin Rodriguez, isang pediatrician at Medical Affairs Manager for Vaccines sa GSK Philippines, sa isinagawang webinar ng theAsianparent Philippines sa aming Facebook page,
“Ang flu po karaniwan ay may fever, meron pong pakiramdam na parang nagchichills, may ubo masakit ang lalamunan. Minsan po may sipon din no masakit ang mga kasu-kasuan masakit ang ulo madaling mapagod.
Ang common cold po ay hawig din nito pero mas mild karaniwan po ang common cold ay mayroong baradong ilong, tumutulong sipon pero sa pangkalahatan mas mild po ang common cold kesa sa flu.”
Ang mabilis na paglabas ng mga sintomas din ay isang paraan upang matukoy kung sipon lang ba ito o trangkaso. Kadalasan kasi ang sipon ay mararanasan na ng ilang araw bago tuluyang lumabas ang iba pang sintomas. Hindi katulad ng trangkaso na maaring lumabas ang sintomas ng mabilis at sabay-sabay.
Ayon nga kay Dr. masyado itong biglaan na sa mga nakaraang minuto ay ok na bigla nalang sasakit ang ulo mo at makakaranas ng cold sweats. Ito umano’y malinaw na palatandaan na may trangkaso ka na.
Samantala, ayon naman kay Dr Brian Secemsky, dapat daw ay magpunta na agad sa doktor ang sinumang tinatrangkaso na nakakaranas ng pagkahilo, hirap sa paghinga at pananakit ng dibdib. Maaaring senyales na umano kasi ito na nag-develop na ang trangkaso sa life-threatening na sakit na pneumonia.
Dagdag ni Dr.Van Diepen, dapat din umano ay madala agad sa ospital ang mga bata na may mataas na lagnat lalo na kung ito umano ay hindi bumaba sa loob ng 24 oras.
Sintomas ng trangkaso sa mga bata
Ayon kay Dr. Kris Lodrono-Lim isa ring pediatrician at Medical Affairs Managaer for Vaccines sa GSK Philippines, wala umanong specific na sintomas ang flu.
Ibig sabihin nito hindi lang siya natatangi sa influenza at marami pang ibang sakit na pwedeng mayroon ang isang bata o tao katulad ng COVID-19.
Kaya umano ang iba ay asympthomatic o sympthomatic, sapagkat iba-iba umano tayo ng immune system. Paliwanag niya.
“Iba-iba tayo ng immune system, iba-iba rin ang manifestation ng mga sakit sa ‘tin tulad ng fever. ‘Yong iba po nagkakaroon ng dry cough na walang plema, nagkaka-sore throat, tapos ‘yong iba po masakit ang katawan.
Siguro kung nagka-flu na kayo in the past ‘yan ‘yung mga prominent na sintomas, sumasakit ‘yung likod iba nag-he-headache at nagkakaroon ng sipon.”
Maliban sa mga nasabing sintomas, maaari ring magpakita ng ibang sintomas ang mga bata na nakakaranas ng trangkaso o sipon. Kailangan na ng maagap na medikal na atensyon, kapag nakaranas ang bata ng mga sumusunod:
- Hindi pag-inom ng sapat na tubig o iba pang fluids
- Pag-iyak ng walang luha
- Hindi paggising o hindi paglalaro
- Hindi pagkain
- May lagnat na may kasamang rashes
- Hirap sa pag-ihi
Sintomas ng trangkaso | Image from Shutterstock
Paano gamutin at iwasan ang trangkaso?
1. Magpa-inject ng flu shot.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang pagpapabakuna ng flu shot ay isang paraan para para malabanan ang virus na dulot ng trangkaso at mapababa ang intensity nito. Ito rin ay maaaring ipabakuna kahit walang trangkaso bilang panlaban pa rin sa virus upang ito ay hindi dumapo sa iyo o sa iyong anak.
Pahayag ni Dr. Edwin,
“Ang mga viral infections whether gamot or bakuna, tama na kailangan ibigay siya(flu vaccine) bago pa man magkaroon ng signs and symptoms yong virus na dahilan ng pagkakasakit.
Sapagkat once meron na, mahirap na siyang pigilan. Ang magagawa nalang natin ay paiikliin yung duration ng pagkakasakit dahil sa virus.”
2. Sapat na oras ng pagtulog at pag-inom ng maraming tubig.
Para masuportahan ang immune system, kailangan ng sapat na oras ng pagtulog at pagpapahinga ng isang taong may trangkaso. Ang pag-inom din ng maraming tubig ay makakapagpabawas ng lala ng mga sintomas ng trangkaso.
3. Manatiling malinis at magpahinga.
Ang trangkaso ay nakakahawa kaya naman para hindi na makahawa ay kailangang magpahinga at huwag na munang pumasok sa trabaho o eskuwelahan. Ito rin ay para mabigyan ang iyong katawan ng dagdag lakas para malabanan ang virus na dulot ng trangkaso.
Upang hindi mahawa sa trangkaso, ugaliing maghugas ng kamay o umiwas sa mga taong nakakaranas nito. Siguraduhin ding laging malinis ang iyong paligid upang hindi pamahayan ng mga iba pang virus na nakakapagdala ng sakit gaya ng trangkaso
4. Uminom ng mga over-the-counter medicines.
Ang pag-inom ng mga over-the-counter medicines ay makakatulong upang maibsan ang ilang sintomas ng trangkaso. Subalit kung hindi pa rin nawawala ang mga sintomas, dalawang araw matapos uminom ng gamot ay dapat ka ng magpunta sa doktor para matingnan at mabigyan ng kaukulang medikal na payo,
Samantala ang mga matatanda lalo na ang may mga pre-existing condition gaya ng diabetes at lung disease ay dapat agad madala sa ospital kung nakitaan ng sintomas ng trangkaso.
Sapagkat ang mga ito ay mas prone sa pagkakaroon ng pneumonia na malaking banta sa buhay nila. Ganun din sa mga naninigarilyo na mas mahina ang panglaban sa life-threatening na sakit na ito.
Kung ang trangkaso ay may kasamang pagsusuka, isa na rin itong palatandaan na kailangan na ang atensyon ng isang doktor. Dahil ito ay maaring mauwi sa dehydration na maaring magdulot din ng iba pang nakakatakot na kumplikasyon.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!