Isang sanggol na ipinanganak na mayroong pambihirang karamdaman ang himalang nabuhay kahit na nabigyan na ng taning ang kaniyang buhay. Ang sanggol na si Ria Moreno ay ipinanganak na mayroong kondisyong situs inversus, kung saan nakabaliktad ang lahat ng kaniyang mga organs.
Para sa karaniwang tao, makikita ang kanilang puso sa bandang kaliwa ng dibdib, at ang kanilang atay ay nasa kanang bahagi. Dahil lahat ng organs ni Ria ay nakabaliktad, ang kaniyang puso ay nasa kanan, at ang liver niya ay nasa kaliwa.
Situs inversus: dapat bang ipag-alala ang kondisyong ito?
Kadalasan ay hindi nagiging problema ang pagkakaroon ng situs inversus. Madalas ay wala namang nararamdamang kakaiba ang mga taong may ganitong kondisyon, at may mga pagkakataon na nalalaman lang nila na may kondisyon sila kapag nagpatingin sa doktor.
Ayon sa kaniyang mga magulang, matagal na nilang hinihintiay si Ria. Hindi naging madali para sa kanila ang magkaroon ng anak, at 5 taon nilang sinubukang magkaanak bago nabuo si Ria.
Tuwang tuwa raw sila nang una nilang makita si Ria, ngunit mabilis itong napalitan ng takot nang makita nilang nangingitim ang kanilang sanggol. Sinabi sa kanila ng mga doktor na baliktad nga raw ang mga organs ni Ria, at bukod dito mayroon din siyang congenital heart disease.
Dahil sa heart disease na ito, kinailangang operahan si Ria upang lagyan ng maliit na tubo ang isa niyang artery. Ito ay para dumaloy ng maayos ang dugo sa kaniyang katawan.
Si Ria ay isang tunay na miracle baby
Bagama’t naging matagumpay ang naging operasyon kay Ria, hindi pa doon natatapos ang kalbaryo ng mag-anak. Ito ay dahil matapos ang ilang buwan, nakita ng mga doktor na mukhang hindi matibay ang inilagay na stent kay Ria. Ibig sabihin, kailangan muli siyang operahan upang ayusin at siguraduhin na gagana ng maayos ang stent.
Sinabihan pa raw sila ng mga doktor na posibleng mamatay si Ria dahil sa kaniyang karamdaman. Lubos itong ikinatakot ng mga magulang, ngunit nilakasan nila ang kanilang loob, at nagtiwalang mapapagtagumpayan ni Ria ang kaniyang karamdaman.
Ngayon, maayos ang lagay ni Ria, at siya ay 9-buwang gulang na. Todo ang pagiging maingat sa kaniya ang kaniyang mga magulang. Inaalam nila ang kaniyang kondisyon gamit ang mamahaling equipment at sinisigurado nilang maayos ang lagay ng bata.
Kasalukuyan silang naghahanap ng lunas sa kondisyon ni Ria. Posible raw siyang bigyan ng heart transplant, ngunit mas mabuti raw kung surgery lamang ang kinakailangan ng sanggol.
Ang mahalaga raw sa kanila ay mabigyan ng normal na buhay si Ria, at masiguradong hindi siya mamamatay dahil sa kaniyang karamdaman.
Source: MSN
Basahin: Ama, naghukay ng libingan para sa anak na may malubhang karamdaman