Hindi lingid sa kaalaman ng mga magulang na kapag mas matagal ang sanggol sa sinapupunan, ay magiging mas malusog at malakas ito. Ito rin ang dahilan kung bakit todo ang pag-aalaga ng mga magulang at doktor sa mga batang ipinanganak ng premature, dahil kulang pa sila ng panahon upang ma-develop at lumaki. Kaya’t isang tunay na milagro na ngayon ay malusog na at nakalabas ng ospital ang tinaguriang “smallest baby in the world.”
Smallest baby in the world, ligtas na, at nakalabas na sa ospital
Ipinanganak raw ang sanggol noong Agosto ng nakaraang taon sa Japan. Mayroon lang raw itong timbang na 9.45 ounces, at sinasabing siya na ang pinakamaliit na sanggol sa buong mundo.
Kinailangan raw siyang i-deliver kahit na 24 weeks pa lamang dahil tumigil na raw ang kaniyang paglaki sa sinapupunan. Dahil sa pagiging premature, kinailangan siyang ikabit sa ventilator, at gamitan ng umbilical catheter upang mabigyan ng nutrisyon.
Sa sobrang liit niya noong ipinanganak, pati ang kaniyang ina ay nawawalan na ng pag-asa na siya ay mabubuhay. At matapos ang 6 na buwan sa ospital, at 5 buwan sa loob ng ICU, malusog na ang sanggol at nailabas na sa ospital.
Ayon sa World Health Organization, 7.28 pounds ang normal na timbang ng malusog na sanggol.
Mga importanteng facts tungkol sa preemies
Ang pagkakaroon ng premature na sanggol ay nakakatakot para sa mga magulang. Ito ay dahil bukod sa inaalala nila ang buhay ng kanilang anak, posible ring magkaroon ng epekto ang pagiging premature sa development nila.
Heto ang ilang mga posibleng maging problema ng mga premature na sanggol:
- Mabagal na paglaki at pagdevelop ng utak
- Posibleng pagkakaroon ng problema sa paningin, o pandinig
- Pagkakaroon ng sakit sa baga
- Stress, depression, at anxiety
Heto naman ang mga bagay na magagawa ng mga magulang ng premature na sanggol:
- Huwag sisihin ang iyong sarili. Hindi kasalanan ng mga ina ang pagiging premature ng sanggol
- Siguraduhing nabibigyan ng breastmilk ang iyong preemie
- Sundin mabuti ang payo ng mga doktor, at palaging magpa-check up upang masigurado ang kanilang kalusugan
- Alagaan sila ng mabuti, at siguraduhin na mabuti ang kanilang development at paglaki
Source: CNN
Basahin: Dear TAP: Premature at masakitin na baby noon, healthy baby na ngayon dahil sa breast milk
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!