Sa panahon ngayon, usong-uso talaga ang mga “smart devices.” Ito ay ang mga devices na puwedeng mag-connect sa WiFi, pati na rin sa mga smartphones at computer. Ngunit sino ang mag-aakala na magkakaroon na rin ng tinatawag na “smart diaper?”
Ayon sa Pampers, na gumawa ng gadget na ito, kaya raw nitong ma-detect kung umihi, o dumumi si baby. Bukod dito, kaya pa raw nitong i-monitor ang kalagayan ng iyong sanggol!
Smart diaper, na-develop ng Pampers
Hindi na bago ang ganitong klaseng mga teknolohiya para sa mga sanggol. Dati ay mayroon na ring lumabas na damit ng baby na puwedeng gamiting sleep tracker, pati na rin ang isang robot-controlled crib na kusang magpapatulog kay baby.
Hindi rin ito ang unang beses na nagkaroon ng “smart diaper,” dahil noong nakaraang taon ay naglabas rin ng katulad na produkto ang Huggies. Ngunit ang Lumi, o smart diaper na nagawa ng Pampers ay mas advanced, at mas marami raw features.
Siyempre, ang pangunahing features nito ay ipaalam sa mga magulang kung nadumihan ang diaper ng kanilang sanggol. Malaki ang maitutulong nito sa mga magulang dahil isang tingin lang sa kanilang smartphone ay malalaman na nila kung dapat palitan ang diaper ni baby.
Bukod dito, kaya rin nitong i-track ang pagtulog ni baby, kung siya ay umiiyak, kung sapat ba ang naiinom niyang tubig atbp. Kaya rin nitong alamin ang mga patterns ng activity ng iyong anak, upang malaman mo kung may kakaiba pa, o pagbabagong nangyayari.
Sa kasalukuyan, in-development pa lamang ang Lumi ng Pampers. Ngunit inaasahang marami ang bibili nito kapag sinimulan nang ibenta sa merkado.
Kailangan ba ito ng mga magulang?
Bagama’t nakakatulong ang mga smart devices sa mga magulang, hindi naman nito talagang kailangan sa pag-aalaga ng bata.
Iba pa rin kapag mas personal at hands-on ang mga magulang pagdating sa pag-aalaga at pagbabantay sa kanilang mga anak. Sa ganitong paraan, mas mauunawaan ng mga magulang ang mga pangangailangan ng kanilang anak.
Bukod dito, mahalaga rin na pagtibayin ng mga magulang ang relasyon nila sa kanilang mga anak. At ang pagiging hands-on ay ang pinakamainam na paraan upang magawa ito. Kaya’t hindi dapat dumepende ang mga magulang sa mga gadgets para alagaan at bantayan ang kanilang mga anak.
Wala namang masama sa paggamit ng mga gadgets, ngunit hindi ito dapat magsilbing paraan para maging “tamad” ang mga magulang sa pag-aalaga ng kanilang anak.
Photo: Bizjournals
Source: CNN
Basahin: 6 Cool new baby feeding gadgets that make mealtimes so much easier
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!