Para sa maraming magulang, importante sa kanilang maging madali ang buhay ng kanilang anak. Siyempre, sinong magulang ba naman ang gustong makitang naghihirap ang kanilang anak? Ngunit posible rin pala itong makasama sa kanilang development, lalo na kung ito ay maging ‘snowplough’ parenting.
Ano nga ba ang snowplough parenting?
Ang term na ito ay na-imbento ni David McCullough, isang English teacher sa Wellesley High School sa Massachusetts, USA. Ayon sa kaniya, ito raw ang pag-uugali ng mga magulang na lahat ay gagawin para mapadali ang buhay ng kanilang mga anak.
Kaya ito tinawag na snowplough parenting ay dahil ang ugali nila ay parang snowplough na tinatanggal ang snow sa daanan at kalsada. Sa kasong ito, ang mga magulang ang snowplough, at ang mga problema ang “snow.”
Ibig sabihin nito, sila ang mga magulang literal na ginagawa ang lahat para sa mga anak. Kung sakaling bumagsak sila sa isang subject sa klase, sila pa mismo ang kakausap sa teacher ng bata at magmamakaawa. May mga pagkakataon rin na kahit sa pag-apply sa trabaho, tumatawag pa raw ang ilang magulang sa employer para masiguradong matanggap ang kanilang anak!
Sila rin ang mga magulang na napaka-agresibo pagdating sa success ng kanilang mga anak. Umaabot na sa puntong lahat ng galaw ng kanilang anak ay kontrolado nila, at kung ano ang kanilang sabihin ay dapat sundin.
Ano ang epekto nito sa mga bata?
Ayon kay Psychologist Madeline Levine, author ng librong Teach Your Children Well: Why Values and Coping Skills Matter More Than Grades, Trophies or ‘Fat Envelopes’, nakakasira raw ito sa development ng mga bata. Ito ay dahil madalas hindi natututo ng tamang coping skills ang mga anak ng snowplough parents.
May mga pagkakataon raw na nakakakita siya ng mga college students na kulang ang kaalaman pagpasok sa college. Hindi raw sila natuto ng tamang mga adult skills na ihahanda sila para sa buhay nila sa college.
Ayon naman kay Julie Lythcott-Haims, dating dean sa Stanford University, mahalaga raw na ihanda ang mga bata sa daan patungo sa success. Ngunit ang ginagawa ng mga helicopter parents ay pinapadali masyado ang daan.
Hindi raw nila naituturo sa kanilang mga anak ang dapat gawin kung magkamali, kaya hanggang sa pagtanda ay sila pa rin ang nasusunod sa buhay ng bata. Kaya madalas nahihirapan sa buhay ang mga anak ng snowplough parents, at hanggang sa pagtanda ay dependent pa rin sila sa kanilang mga magulang.
Ano ang dapat gawin ng mga magulang?
Sa halip na sundin ang snowplough parenting ay kailangan mag-focus ang mga magulang sa pagtuturo ng life lessons sa kanilang mga anak. Hindi naman masama na maging focused ka sa iyong anak, pero malaki rin ang naitutulong ng independence para sa kanila.
Kung tutuusin, mas maraming natututunan ang mga bata sa kanilang mga pagkakamali. Normal lang naman sa atin ang makaranas ng problema o setback sa buhay. Bahagi ito ng buhay natin sa mundo. Kaya’t habang maaga pa lang, kailangan maging resilient ang mga bata, at alam nila ang gagawin kung mag-fail sila.
Tulad ng sabi ni Julie Lythcott-Haims, kailangan ihanda ng mga magulang ang mga bata para sa “road to success,” at hindi ihanda ang road para sa mga bata.
Source: Daily Mail
Basahin: How can we teach our kids to be more resilient in the face of adversity?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!