Daddies to the rescue! Narito raw ang dapat gawin ng tatay kapag sobrang kulit ng bata.
Mababasa sa artikulong ito:
- Study tungkol sa papel ng ama pagdating sa emosyon at self-control ng kaniyang anak
- Sobrang kulit ng bata? Narito ang kasagutan kung anong magagawa ni daddy
- Mga benepisyo kapag may oras ang tatay sa kaniyang anak
Bilang nanay, natutuwa ako kapag nakikita ko ang mga anak ko na masayang nakikipaglaro. At lalo akong natutuwa kapag nakikipaglaro sila sa kanilang tatay.
Una, dahil nagiging palagay ang loob ko na magiging ligtas sila. Pangalawa, nagkakaroon sila ng bonding time na mahalaga para sa tamang paglaki ng mga bata.
Dahil sa hirap ng buhay, maraming mga tatay ang nakakalimutan nang makipaglaro sa kanilang anak. Marahil ito ay dahil abala sila sa pagtatrabaho kaya pagdating sa bahay ay pagod na sila.
O kaya naman hindi lang talaga nila nakanasayang gawin ito at hinahayaan na lang na si nanay lang ang laging kalaro ng mga bata, o kaya hinahayaan lang ang bata na maglaro mag-isa, subsob sa kaniyang gadgets.
Ngunit sa kabilang ng pagiging busy, dapat ay ugaliin pa rin ng mga ama na maglaan ng ilang oras para makipaglaro sa kanilang anak. Bukod sa maipaparamdaman nila ang kanilang pagmamahal sa bata sa ganoong paraan. Mayroon rin pala itong positibong epekto sa kanilang paglaki.
Study: Ang pakikipaglaro ni Daddy ay nakakatulong sa ugali ng kaniyang anak
Sobrang kulit ba ng bata? Subukang dalasan ang kaniyang pakikipaglaro kay daddy at baka mabawasan ang kapilyuhan niya.
Dahil sa isang pag-aaral na isinagawa noong taong 2020, posibleng may kinalaman ang pakikipaglaro ng tatay sa pag-uugali ng kaniyang anak.
Sa pag-aaral na pinangunahan ng Cambridge University faculty at LEDO Foundation, tiningnan nila ang paraan ng pakikipaglaro ng mga nanay at tatay sa kanilang mga anak na 3-taong gulang pababa. Inalam kung paano ito nakakaapekto sa kanilang paglaki.
Bagama’t maraming pagkakapareho ang pakikipaglaro ng nanay at tatay sa kanilang anak, napansin na ang mga ama ay mas madalas magsimula ng “physical play” o rough play gaya ng habulan, pakikipagkilitian at piggy-back rides.
Natuklasan din dito na ang mga batang mas madalas nakakaranas ng ganitong paraan ng paglalaro kasama ang kanilang ama ay mas may kakayanan na kontrolin ang kanilang mga damdamin.
Ayon sa pag-aaral, ang mga kabataang nakaranas ng “high-quality” playtime kasama si tatay ay mas behaved. Hindi masyadong malikod at malimit magkaroon ng problema sa kanilang pag-uugali.
Napansin din na mas kaya nilang kontrolin ang kanilang emosyon, lalo na ang kanilang galit, at bihira silang manakit ng ibang bata kapag nagkakaroon ng ‘di pagkakaunawaan.
“Physical play creates fun, exciting situations in which children have to apply self-regulation. You might have to control your strength, learn when things have gone too far – or maybe your father steps on your toe by accident and you feel cross.”
“It’s a safe environment in which children can practice how to respond. If they react the wrong way, they might get told off. But it’s not the end of the world – and next time they might remember to behave differently.”
Ito ang pahayag ni Paul Ramchandani, professor of play in education, development and learning sa University of Cambridge at isa sa mga nagsulat ng nasabing pag-aaral.
Iba pang benepisyo kapag madalas makipaglaro si Daddy
Bukod sa kakayahan nilang mag-self regulate at kontrolin ang kanilang damdamin. Ayon sa ibang pag-aaral, mayroon pang ibang benepisyong dala ang pakikipaglaro at pagbibigay ng oras ng isang ama sa kaniyang mga anak.
Tumutulong sa kanilang brain development
Ayon sa isang pag-aaral sa United Kingdom, natagpuan na ang mga bata ay nagkakaroon ng mas mataas na marka sa Mental Development Index kapag mas engaged at mas sensitibo ang kanilang ama sa pag-aalaga sa kanila.
“Even as early as three months, these father-child interactions can positively predict cognitive development almost two years later. So there’s something probably quite meaningful for later development. And, that really hasn’t been shown much before,” ani Professor Ramchandani, na siya ring nanguna sa pag-aaral na iyon.
Mas matatas sa pagsasalita
Sa isa namang pag-aaral na isinagawa sa Amerika, natuklasan na kapag mas madalas makipaglaro ang mga tatay sa kanilang anak, nagkakaroon ito ng mas magandang vocabulary sa edad na 5.
Sa pag-aaral na ito, ipinakita na mas nakakaimpluwensiya pala ang mga tatay sa dami ng bagong salitang nalalaman ang isang bata kaysa sa kaniyang ina.
BASAHIN:
Hands-on ba si Daddy? 8 ways kung paano siya nakakatulong sa development ng anak
Gustong tumaas ang grades ng anak? Ito ang dapat gawin ni Daddy, ayon sa study
Kung stressed si Mommy dahil kay baby, si Daddy lang ang kailangan niya—wala ng iba
Tumataas ang kanilang self-esteem
Mahilig bang magpakarga si baby kay daddy? Hayaan lang siya.
Ang mga batang mayroong strong attachments sa kanilang mga ama ay nagkakaroon ng mas mataas na self-esteem o tiwala sa sarili. Kumpara sa mga batang hindi naging malapit sa kanilang ama. Ito ay ayon sa pag-aaral mula sa Canada.
Marami talagang benepisyo ang pakikipaglaro ni Daddy sa inyong anak. Kaya naman dapat ay hikayatin siyang gawin ito nang mas madalas.
Paano kung wala si Daddy?
Pero paano naman ang mga anak ng single moms o malayo sa kanilang ama?
Ayon kay Professor Ramchandani, hindi naman kailangang malungkot. Sapagkat posible pa rin naman makuha ng mga bata ang mga benepisyong nabanggit. Ito ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng variation sa paraan ng pakikipaglaro sa iyong anak.
“One of the things that our research points to time and again is the need to vary the types of play children have access to, and mothers can, of course, support physical play with young children as well,” aniya.
Kung nasanay kang naglalaro lang kayo sa loob ng bahay, subukan mong makipaghabulan o makipagpatintero sa iyong anak sa inyong bakuran.
Sobrang kulit ng bata? Minsan ay kailangan lang niya ng atensyon ng kaniyang mga magulang. Dalas-dalasan mo ang pakikipaglaro sa kaniya at mapapansin mong magbabago ang kaniyang pag-uugali.
Kung nasa buhay ng iyong anak ang kaniyang ama, ipaintindi sa kaniya ang mga benepisyo ng pakikipaglaro. Ganun din ang pagbibigay ng sapat na oras sa bata.
Subalit kung wala naman, makakabuti rin sa bata kung mapapaligiran siya ng iba pang miyembro ng pamilya na makikipaglaro at magmamahal sa kaniya.