8 na benipisyo mula sa Extended Solo Parents Welfare Act kapag naipasa na bilang batas

undefined

Paano makakatulong ang Extended Solo Parents Welfare Act sa mga magulang na nagtataguyod sa kanilang pamilya nang mag-isa? Basahin dito.

Narinig mo na ba ang Extended Solo Parents Welfare Act? Napakaraming benepisyo para sa mga solo parents kapag naipasa na ang batas na ito!

Mababasa mo sa artikulong ito:

  • Ano ang Extended Solo Parents Act?
  • Mga magulang na pwedeng makinabang dito
  • Ang mga benepisyong nakapaloob sa Extended Solo Parents Welfare Act

Kamakailan lang ay naaprubahan na sa House of Representatives ang Extended Solo Parents Welfare Act of 2020 o SB 1411. Pinag-aaralan ito ngayon sa senado, at sana ay magtuluy-tuloy at mapabilis na ang pagpapatupad sa batas na ito.

Pero ano nga ba ang Extended Solo Parents Welfare Act? Sinu-sino ang mga puwedeng makinabang dito at anu-ano ang mga benepisyong nakapaloob sa batas na ito?

Mahirap magtaguyod ng pamilya mag-isa

Ang pamilya ay karaniwang binubuo ng tatay, nanay at mga anak. Ang mga magulang ang inaasahan sa pangangalaga at paggabay sa kanilang mga anak, at nagtutulungan sila para magampanan ang responsibilidad na ito.

Pero paano kung biglang mawala sa larawan ang isa sa mga magulang? Kaya ba ng natitirang magulang na akuin at gampanan ang lahat ng responsibilidad?

Sa panahon ngayon, hindi madaling bumuhay ng isang pamilya. Kahit mga tahanan na dalawa ang magulang ay nakakaranas ng mga suliranin lalo na sa mga gastusin at pagtunton sa mga pangangailangan ng kanilang mga anak.

Doble ang hirap na nararanasan ng mga solo parents. Mag-isa nilang itinataguyod ang kanilang anak nang walang katuwang.

Lalo na ang mga magulang na nabibilang sa minimum wage earners, o iyong mga sumusweldo ng sapat lang para sa ikabubuhay ng pamilya nila sa araw na iyon.

Isa sa malaking suliraning hinaharap nila ay ang kakulangan ng pera para mabili o mabigay ang pangangailangan ng mga anak.

Nag-aalala rin sila kung mapapagtapos ba nila ng pag-aaral ang kanilang anak. Kadalasan, hindi nila alam kung paano mapapagamot ang anak kung magkakasakit ito.

Kung mayroon man silang trabaho, iisipin pa rin nila kung sino ang maiiwan na tagapangalaga ng mga bata habang sila ay naghahanapbuhay.

solo parents welfare act

L:arawan mula sa iStock

May isang solo parent na naninindigan

Ang mga suliraning ito ang dahilan kung bakit napakaimportante ng Extended Solo Welfare Act na isinusulong ni Senator Risa Hontiveros at iba pang mambabatas.

Si Senator Risa ang pinuno ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.

Bilang isa ring solo parent, alam ni Senator Risa ang pinagdadaanan ng kapwa niya magulang.

Noong 2005, binawian ng buhay ang kanyang asawa na si Francisco Baraquel Jr. Si Senator Risa na ang mag-isang tumataguyod sa kaniyang apat na anak. Naalala pa niya ang mga panahon na sabay-sabay pumapasok ng eskuwela ang mga ito.

Alam ni Senator Risa ang hirap na nararanasan ng ibang magulang na walang katuwang sa pag-aalaga ng kanilang anak.

“Raising a child, managing a home, still working outside the home, being an activist, being a solo parent is even harder,” aniya.

Kaya naman matindi ang kanyang paninindigan at pagsuporta sa batas na ito na makakatulong sa higit sa 3 milyong Pilipino na nasa solo parent households.

“We solo parents play multiple roles. Ramdam na ramdam ko yung hirap ng mga (solo parents) kagaya ko lalo na yung mga minimum wage earners na kapwa nanay ko.” dagdag pa ng senador.

Ano ang Solo Parents Welfare Act?

solo parents welfare act

Larawan mula sa iStock

Ang Solo Parents Welfare Act ay isang batas na ipinatupad noong taong 2000 para magbigay ng suporta sa mga solo parents o ang mga magulang na walang katuwang sa pangangalaga sa kanilang mga anak.

Noong 2020, nagsimulang isulong muli nina Senator Risa at iba pa niyang kasama na palawakin at pagtibayin pa ang batas, para makapagbigay ng karagdagang tulong at benepisyo sa mga solo parents.

BASAHIN:

Special discounts sa damit, gatas at iba pa para sa mga solo parents isinusulong

House panel inaprubahan ang bill para sa dagdag benefits ng solo parents

Solo parents maaaring magkaroon ng 20% discount sa tuition

Sinu-sino ang pwedeng makinabang dito?

Pero sino nga ba ang mga magulang na pwedeng makinabang mula sa pagpapalawak ng batas na ito? Ayon sa Philippine Information Agency, pwede kang tawagin o mapabilang na solo parent kung ikaw ay:

  • biyuda o biyudo
  • hiwalay sa asawa
  • napawalang-bisa o annulled ang kasal
  • Inabandona ng asawa o kinakasama
  • Sinumang indibidwal na tumatayo bilang magulang ng bata
  • Sinumang miyembro ng pamilya na tumatayo bilang head of the family bunga ng pag-abanduna, pagkawala o matagal na pagkawalay ng mga magulang
  • Mga biktima ng panggagahasa
  • Asawa ng nakakulong/0 hinatulan ng pagkabilanggo.
  • Hindi sapat ang mental na kapasidad ng asawa o kinakasama.

Kasama na rin sa mga makakakuha ng benepisyo ng batas na ito ang mga asawa ng mga low-income Overseas Filipino workers na hindi nakakauwi ng Pilipinas ng mahigit 12 buwan.

Sa pamamagitan ng mga pagbabagong ipatupad ng Extended Solo Parents Welfare Act, mas mapapabilis ang pag-alalay sa na mabibigay sa mga magulang.

Noon, kailangan pa maghintay ng mga magulang nang isang taon mula nang sila ay iwan o mahiwalay sa kanilang partner bago makatanggap ng mga benepisyo sa ilalim ng batas na ito. Kapag naipasa na SB 1411, sa halip na isang taon ay magiging anim na buwan na lang ito.

Gayundin, layon nilang palawakin ang sakop ng Extended Solo Parents Act. Mula sa edad na 18 noon, maari nang gamitin ng mga solo parents ang mga benepisyo ng batas na ito hanggang umabot sa edad na 22 ang kanilang anak.

Mga Benepisyo

solo parents welfare act

Larawan mula sa iStock

Isa sa mga pangunahing benepisyo ng Extended Solo Parents Welfare Act ang pagbibigay ng 7 araw na paid Parental Leave sa mga solo parents na nagtatrabaho.

Sa isinusulong na pagbabago, maaari nang makatanggap ng parental leave credits ang magulang kung nagtatrabaho sila sa kumpanya sa loob ng anim na buwan.

Magkakaroon pa ng karagdagang 15 araw ang maternity leave ng mga solo mothers bukod sa 105 araw na mandato ng Extended Maternity Leave Law.

Kasama rin sa mga isinusulong ng batas na ito ang pagbibigay ng discount sa mga pangunahing pangangailangan ng mga kabataan. Sa ilalim ng SB 1411, ang mga solo parents ay makakakuha ng 20 porsyentong discount sa mga sumusunod:

  1. Mga bayarin sa ospitalisasyon ng magulang at ng anak
  2. Mga gamot, bakuna, pagkonsulta sa doktor at iba pang medikal na serbisyo
  3. Pagkain
  4. Gatas ng sanggol
  5. Diapers ng bata hanggang edad na 3
  6. Mga gamit ng bata tulad ng damit at gamit sa eskuwela
  7. Matrikula mula kindergarten hanggang kolehiyo
  8. Pribado o pampublikong pook-libangan basta magkasama ang solo parent at anak

Bukod sa parental leave at mga discount, kasama rin sa Extended Solo Parents Welfare Act ang pagmandato ng gobyerno na magpatayo ng childcare facilities ang mga pribadong kumpanya na may hindi bababa sa 200 empleyado, at sa mga himpilan ng gobyerno na may higit sa 300 empleyado. Hindi lang mga solo parents ang makikinabang sa mandatong ito kundi lahat ng mga magulang sa bansa.

Kailangan ng kaagapay sa panahon ng pandemya

Sa panahon ngayon, mas mahirap maging magulang. Lalo na kung ikaw ang gumaganap ng responsibilidad ng ama at ina sa inyong tahanan.

“Financial hardships are common enough among two-income households. Challenging na ‘yun. Mas lalo pa kung mag-isa ka lang na nagtataguyod ng pamilya ngayong pandemic, at mas mataas ang presyo ng mga bilihin,” ani Senator Risa.

Kaya naman isinusulong ng senador na mapabilis at pagsasabatas ng Extended Solo Parents Welfare Act para makatulong sa mga magulang na mag-isang bumubuhay sa kanilang mga anak ngayong panahon ng pandemya.

“Sana All. We Pinoys love saying that, especially at this time. Of solo parents and all Filipinos. Ang sa akin nga, dapat hindi lang ‘sana all,’ kundi ‘Dapat all.’ Dapat all maka-recover. Dapat all umunlad.” dagdag niya.

Sa pagsasabatas ng SB 1411, matutulungang makabangon ang mga solo parents na mag-isang sumusuporta sa kanilang mga anak.

Kasalukuyan, merong isinasagawang signature campaign sa iba’t ibang panig ng bansa para sa agarang pagpasa ng Extended Solo Parents Welfare Act.

 

Sources:

Pia.Gov.ph, Senate.ph, lawphil.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!