Sophia Corullo na nakilalang Mini Me ni Anne Curtis sa programang It’s Showtime pumanaw sa sakit na dengue.
Sophia Corullo nasawi dahil sa dengue sa edad na 6-anyos
Sa edad na anim na taong gulang ay pumanaw na ang child actress na si Sophia Corullo. Isa siya sa biktima ng patuloy na dumadami ng kaso ng dengue sa bansa.
Ang nakakalungkot na balita ay ibinahagi ng JAMS Artist Production na talent agency ni Niña Sophia Gabrielle C Corullo o mas kilala sa tawag na “Baby Sophie”.
Ikinalungkot ng mga fans ni Baby Sophie ang biglang pagkawala ng child actress lalo pa’t napanood pa ito noong Sabado sa episode ng MMK.
Maliban kay Sophia Corullo ay nasa ospital din ang dalawa pang kapatid niya dahil parin sa sakit na dengue.
Kaya naman sa pangunguna ng JAMS Artist Production ay kumakatok ang pamilya ni Sophia sa kaniyang mga fans at taga-subaybay ng donasyon at dasal para mailigtas ang dalawa niyang kapatid. Sa ngayon ang isa sa mga ito ay nasa kritikal na kondisyon habang ang isa naman ay under observation parin.
Dengue cases sa Pilipinas
Mula noong Enero hanggang katapusan ng Hulyo ngayong taon ay naitalang mayroong 167,607 cases ng dengue sa bansa. Habang ang bilang ng nasawi ay umabot na sa 720 na katao. Ang mga numerong ito ay 97% na mas mataas kumpara sa bilang ng kaso ng dengue ng nakaraang taon.
Dahil sa patuloy na dumadaming kaso at biktima ng dengue, hinihikayat rin ng DOH ang publiko na gamitin ang 5s strategy para maiwasan ang dengue. Ito ay ang sumusunod:
1S – Search and destroy mosquito breeding places o hanapin at puksain ang mga lugar na maaring pamahayan ng dengue. Tulad ng mga imbakan ng tubig gaya ng lumang gulong atbp.
2S – Seek early consultation o agad na magpunta sa doktor kung makaramdam ng sintomas ng dengue. Ito ay ang sumusunod:
- Biglaang mataas na lagnat
- Sobrang sakit ng ulo
- Pananakit ng mata
- Matinding pananakit ng kasu-kasuhan
- Fatigue
- Pagsusuka o pagduduwal
- Skin rash na lumalabas dalawa hanggang limang araw matapos lagnatin
- Mild bleeding sa ilong o sa gums
3S – Self-protection method o ang pagpuprotekta sa sarili laban sa sakit sa pamamagitan ng pagsusuot ng mahabang damit tulad ng long sleeves at pants lalo na kapag nasa labas ng bahay. Paggamit ng insect repellant at kulambo para sa dagdag na proteksyon. O paglalagay ng screens sa bintana at pintuan ng bahay para hindi makapasok ang lamok.
4S – Support fogging and spraying o ang pagsuporta sa mga pagpapausok na ginagawa ng pamahalaan para mapuksa ang mga lamok.
5S – Sustained hydration o pagpapanatiling hydrated para makaiwas sa komplikasyong dulot ng dengue at mas mapalakas ang katawan.
Sources: ABS-CBN News, Relief Web International
Basahin: Dengue epidemic, idineklara ng Department of Health