Naglabas ng press release ang Department of Health (DoH) kung saan itinaas na ang babala ng sakit na dengue bilang isa nang epidemic. Ang epidemic ay ang ang mabilis na pagkalat ng isang sakit sa malaking parte ng populasyon.
Dengue epidemic
Ayon sa DoH, nagkaroon ng 146,062 kaso ng dengue mula Enero hanggang Hulyo 20 ngayong taon. Ito ay mas mataas ng 98% kung ikukumpara sa parehong mga buwan noong nakaraang taon. Mayroon ding naitala na 622 na namatay dahil sa sakit na ito.
Base sa report ng DoH, ito ang mga lugar na pinakamataas ang kaso ng dengue:
- Region VI (Western Visayas), 23,330
- Region IV-A (CALABARZON), 16,515
- Region IX (Zamboanga Peninsula), 12,317
- Region X (Northern Mindanao), 11,455
- Region XII (SOCCSKSARGEN), 11,083
Ang mga rehiyon ng CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, at Northern Mindanao ay nakitaan ng mabilis na pag-akyat ng numero ng kaso ng dengue nitong nakaraang tatlong linggo.
Dahil dito ay nagdesisyon ang DoH at ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magdeklara ng dengue epidemic sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Francisco T. Duque III: “It is important that a national epidemic be declared in these areas to identify where a localized response is needed, and to enable the local government units to use their Quick Response Fund to address the epidemic situation.”
Upang mapalakas ang pagkakampaya para makaiwas sa dengue epidemic, nakikipagtulungan ang DoH sa mga ahensya ng gobyero, paaralan, opisina, at komunidad. Naglunsad ang DoH ng Sabayang 4-O’clock Habit para Deng-Get Out na naglalayon na i-search and destroy ang mga karaniwang pinamamahayan ng mga lamok.
“Kaya sabaysabaytayong mag-search and destroy tuwing 4’ o clock para deng-get-out!” dagdag ni Sec. Duque.
Sintomas ng Dengue
Ang dengue ay isang viral infection na kinakalat ng mga babaing Aedes mosquito. Ito ay nagiging sanhi ng malalang komplikasyon, pero ang maagang diagnosis at maagap na paggamot ay nakakapagligtas ng buhay. Ang mga unang sintomas ay nakikita 5-8 araw pagkatapos makagat. Ang mga malalang warning signs ay nakikita 3-7 araw pagkatapos lumabas ng unang sintomas.
Ang unang sintomas ng dengue ay ang pagkakaroon ng lagnat (40°C) na may kasamang 2 sa mga sumusunod:
- Malalang sakit ng ulo
- Pananakit sa likod ng mata
- Skin rash
- Pagkahilo at pagsusuka
- Pananakit ng muscles at joints
Ang mga malalang sintomas ay:
- Pagsusuka na may kasamang dugo
- Hirap sa paghinga
- Malalang pananakit ng abdomen
- Pagdurugo ng ilong
- Pagkahilo, mental confusion at seizures
- Pamumutla, at pamamasa ng kamay at paa
Basahin: Dengue: Mga kailangan mong malaman tungkol sa sakit na ito
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!