Kapag nagkakaroon ng miscarriage o pagkalaglag ng sanggol, madalas ay inaalam ng mga doktor ang reproductive health ng mga ina. Ngunit ayon sa isang bagong pag-aaral, malaki rin daw ang papel na ginagampanan ng sperm quality ng mga ama pagdating sa pagkalaglag.
Sperm quality ng ama, konektado sa pagkalaglag
Natagpuan ng mga researcher mula sa Imperial College London na sa mga kaso raw ng pagkalaglag, mas mataas ang DNA damage sa sperm ng mga ama. Ang damage raw ay mahigit doble pa ng sa DNA damage na natatagpuan sa mag-asawang hindi nakaranas ng pagkalaglag.
Dati rati ay ang pagkakaroon ng ‘recurrent miscarriage’ o paulit-ulit na pagkalaglag ng sanggol ay naiuugnay sa mga ina. Ngunit binabago ng pag-aaral na ito ang tradisyonal na pag-iisip, at ipinapakita na mayroon ding kinalaman ang sperm ng mga ama pagdating sa miscarriage.
Ibig sabihin, malaki rin ang papel na ginagampanan ng mga ama pagdating sa pagkakaroon ng miscarriage. At mahalagang magpatingin rin ang mga ama sa doktor kung nahihirapan silang makabuo ng kaniyang asawa.
Ayon sa lead author ng pag-aaral na si Dr Channa Jayasena, posible raw magamit ang impormasyon na ito upang gumawa ng gamot na nakakabawas o nakakapigil ng DNA damage sa sperm.
Dagdag pa niya na dapat raw ay bigyang pansin din ang lifestyle ng mga ama, dahil ito rin ay posibleng sanhi ng sperm damage. Ang pagkakaroon raw ng obesity, o kaya impeksyon ay nagiging sanhi rin daw ng DNA damage sa sperm.
Paano papagandahin ang sperm quality?
Pagdating sa usapin ng male fertility, madalas ang napag-uusapan ay ang sperm count. Ngunit napakaimportante rin ng sperm quality, dahil ang pagkakaroon ng healthy sperm ay makakatulong para maging malusog ang sanggol, at upang makaiwas sa miscarriage.
Kaya’t mahalagang bigyang-pansin rin ng mga ama ang kanilang sperm quality, at hindi lang ang sperm count.
Heto ang ilang mga tips na makakatulong upang mapaganda ang sperm quality:
- Mag-ehersisyo, at maglaan ng oras sa pagpapahinga.
- Iwasan ang ma-stress.
- Kumain ng masustansyang pagkain.
- Umiwas sa paninigarilyo, pag-inom ng alak, at paggamit ng droga.
- Iwasan ang pag-inom ng soy products dahil nakakadagdag ito sa estrogen sa katawan.
- Huwag mahiyang magpakonsulta sa doktor kung mayroon kang mga problema sa fertility.
Source: Independent
Basahin: Daily sex boosts sperm quality
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!