Up to 70,000 pesos maternity benefit mula sa SSS, puwede na makuha!

undefined

Dahil sa mga Extended Maternity Leave Law, posible nang makakuha ng aabot sa 70,000 pesos na SSS maternity benefits ang mga ina.

Naglabas ng announcement ang SSS noong June 27, 2019 na ang SSS maternity benefits na posibleng makuha ng mga ina ay aabot na raw ng 70,000 pesos. Sinimulan naman ang pagpapatupad nito noong January 2020.

SSS maternity benefits, aabot na sa 70,000 pesos

Ayon sa SSS President at CEO na si Aurora Ignacio, ang ginawang pagtataas ng maternity benefits ay bahagi  ng Expanded Maternity Leave Act, at SSS Act of 2018. Tumaas raw ang benefits dahil sa tinaas na minimum at maximum monthly credit para sa SSS.

Kung ikukumpara, ang dating nakukuha na 32, 000 pesos na benefit ng isang ina ay posibleng dumoble dahil dito. Bukod dito, nadagdagan raw ng 112,000 na ina ang makakapag-avail sa mga bagong benepisyo.

Inaasahang malaki ang maitutulong ng pagbabago na ito sa mga ina, lalo na sa mga single mothers. Mula January 2020 ay epektibo na ang pagbabago na ito, at mapapakinabangan na ito ng mga ina.

sss-maternity-benefits

SSS maternity benefits | Image from Unsplash

Ano ang Expanded Maternity Leave?

Ayon sa batas na tinaguriang Expanded Maternity Leave Law, required ang babaeng buntis na nag-file ng kaniyang maternity leave na maghulog pa rin ng kaniyang SSS, Philhealth at Pag-IBIG contributions.

Ang SSS expanded maternity leave ay tumutukoy sa daily cash allowance ng SSS female members na nag-leave sa trabaho dahil sa panganganak. Kabilang din dito ang mga babaeng miyembro na nakaranas ng miscarriage, emergency termination of pregnancy, pati na rin ng stillbirth.

Magkano ang maximum maternity benefit?

Ang pinakamataas na pwedeng makuhang maternity benefits sa SSS ay nagkakahalaga ng P70,000 at applicable ito sa mga miyembro na may monthly salary credit na P20,000 o mas mataas pa, kasama na ang mga kumikita ng P19,750 o mas mataas pa kada buwan. Kung mas mababa naman dito ang sinasahod buwan-buwan, posibleng mas mababa rin ang makuhang maternity benefits.

Pero ayon sa website ng SSS contribution calculator, kung ikaw ay solo parent, posibleng umabot ng P80,000 ang makukuhang maternity benefit.

Paano nakakakuha ng maternity benefit sa SSS?

Kahit sinong nagdadalang tao ay kayang makakuha ng SSS maternity benefits kung sya ay miyembro ng SSS. Pwede rin silang kumuha ng SSS maternity benefits kapag nakabayad na sya ng hindi bababa sa tatlong buwang kontribusyon sa loob ng 12 buwan, bago ang semestre kung saan sya nanganak o nalaglagan ng bata.

Kailangan niya din mag-pasa ng abiso ng kanyang pagbubuntis sa kanyang tagapangasiwa o kumpanyang pinapasukan. Kung sya naman ay isang boluntaryo, malayang trabahador, o may ari ng isang negosyo, pwede syang mag-pasa ng abiso sa SSS mismo.

Pero may tamang panahon din ang pagpasa nito. Para maintindihan natin ito, tingnan natin ang sistema ng kalendaryo ng SSS.

Binibilang nila ito gamit ang semester at ang quarter. Ang isang semester ay binubuo ng anim na magkakasunod na buwan sa isang taon. Ito ay mula Enero hanggang Hunyo, at mula Hulyo hanggang Disyembre.

Ang isang quarter naman ay binubuo ng tatlong magkakasunod na buwan sa isang taon. Ito ay mula Enero hanggang Marso; mula Abril hanggang Hunyo; mula Hulyo hanggang Setyembre; at mula Oktubre hanggang Disyembre.

sss-maternity-benefits

SSS maternity benefits | Image from Freepik

Kung ang isang ina ay nanganak (o nalaglagan ng anak) ng Nobyembre 10, ito ay sakop ng semestre mula Hulyo hanggang Disyembre.

Para makuha ng ina ang kanyang SSS maternity benefits, dapat ay nakapagbayad sya ng kontribusyon ng tatlong magkakasunod na buwan bago ang pangalawang semester ng isang taon.

Paano mag claim ng SSS maternity benefit

Kaugnay ng pinakabagong batas na RA 11210 o Expanded Maternity Leave Law ay nadagdagan ang leave credits ng mga bagong panganak na babaeng Pilipino. Pati na ang benepisyong makukuha nila sa SSS o Social Security System. Dahil mula sa 60 days paid leave para sa normal delivery, ito ngayon ay 105 days paid leave na. Ganoon din sa caesarean section delivery, habang may dagdag na 15 days paid leave naman para sa mga solo parent. At 60 days paid leave para sa miscarriage o nakunan na babae.

Ngunit hindi lahat ng babaeng Pilipino na bagong panganak ay maaring makakuha ng benepisyong ito. Dahil may mga kwalipikasyon ang dapat nilang taglayin para mai-avail ito. Ito ay ang sumusunod:

Kwalipikasyon para maka-avail ng SSS maternity benefit

  • Lahat ng Pilipinong babae na miyembro ng SSS kasal man o hindi na Employed/Voluntary/Self Employed/OFW o Non-Working Spouse ay pwedeng mag-claim ng benepisyo na ito sa SSS.
  • Dapat lang ay may hulog ka ng hindi bababa sa 3 buwan sa loob ng isang taon bago ang semester ng iyong panganganak para mag-qualify dito.

Tingnan ang sumusunod na halimbawa:

Kung ikaw ay manganganak ngayong July, August o September 2019, dapat ay nakapaghulog ka ng hindi bababa sa 3 monthly contributions mula April 2018 to March 2019. Ang mga hulog mula April to September 2019 ay hindi kasama sa komputasyon.

sss maternity benefits

SSS maternity benefits | Image from Freepik

Kung ikaw ay manganganak ngayong October, November o December 2019, dapat ay nakapaghulog ka ng hindi bababa sa 3 monthly contributions mula July 2018 to June 2019. Ang mga hulog mula July to December 2019 ay hindi kasama sa komputasyon.

Kung ikaw ay manganganak ng January, February o March 2020. Dapat ay nakapaghulog ka ng hindi bababa sa 3 monthly contributions mula October 2018 to September 2019. Ang mga hulog mula October 2019 to March 2020 ay hindi kasama sa komputasyon.

Kung ikaw ay manganganak ng April, May o June 2020. Dapat ay nakapaghulog ka ng hindi bababa sa 3 monthly contributions mula January 2019 to December 2019. Ang mga hulog mula January to June 2020 ay hindi kasama sa komputasyon.

 

Para sa karagdagang impormasyon, puntahan ang link na ito.

 

BASAHIN:

SSS Maternity Benefits: Paano Ka Makakakuha Nito?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!