Isa sa mga pinaka-epektibong paraan ng pagdidisiplina ng bata ang stand in the corner punishment o time-out. Sa pamamagitan nito, hindi maling aral ang nakukuha ng bata kumpara sa pagpalo o pagsigaw. Binibigyan sila nito ng sapat na oras para pag-isipan ang nagawa nilang mali at nagtuturo din ng pasensya. Mainam itong gamitin sa mga batang may edad 4 na gulang pataas kung kailan naiintindihan na nila ang mga patnubay.
Subalit, may ilan na kahit gawin ang stand in the corner punishment ay tila hindi natututo ang bata. Alamin natin ang mga paraan para maging epektibo ito nang lumaki ang mga bata na alam ang tama at mali.
Mga hakbang upang isagawa ang “stand in the corner punishment”
Step 1: Tandaan ang layunin
Tandaan ang layunin ng parusa para sa mga bata. Ito ay na kung sila ay gumawa ng mali, may katumbas itong pagdidisiplina. At isa sa mga paraan ng pagdidisiplina na ito ay ang panandaliang pagbabawal sa kanila ng mga gusto nilang bagay. Hindi sila maaaring maglaro, manood ng TV, gumamit ng gadgets, magkulay, magbasa ng libro, o kung ano pang hilig nila.
Kailangan din tandaan na ang paraan ng pagdidisiplina na ito ay hindi layunin ang ipahiya ang bata. Hindi rin nito nais na takutin ang bata kundi ay mabigyan lamang ang mga ito ng panahon na malayo sa mga nae-enjoy nilang gawin. Kailangan lamang ay panandaliang mailayo sila sa gusto nilang ginagawa bilang pagdidisiplina sa hindi magandang asal na naipakita.
Step 2: Pumili ng tamang lugar
Ang lugar kung saan sila papapuntahin ay wala dapat bagay na maaari nilang i-enjoy. Pumili ng bahagi ng bahay kung saan ay pinaka-boring para sa bata. Malayo dapat ito sa TV, mga laruan, mga bintana, o sa tao. Huwag din hayaan ang bata na magdala ng bagay na maaaring pagbalingan ng atensyon sa kanilang pagdidisiplina. Huwag siya hayaang isama ang kanyang alaga o magdala ng libro, laruan o gadgets. Iba dapat ang pakiramdam nito kumpara sa karaniwan niyang nagagawa.
Subalit, siguraduhin na nababantayan ang bata. Huwag siyang ilagay sa lugar na hindi niyo makikita. Kailangan ay mababantayan na nananahimik ang bata at sumusunod ito sa rules ng pagdidisiplinang nangyayari.
Step 3: Simulan sa 2 minuto
Simulan ang timer sa 2 minuto. Ang dalawang minuto na ito ay magsisimula sa oras na tumahimik ang bata. Subalit, kapag siya ay muling naglikot o umalis mula sa pagkaka-upo, muling ulitin ang timer sa 2 minuto. Ituro sa kanila na habang sila ay hindi sumusunod, ang pagdidisiplina ay tatagal nang tatagal hanggang makayanan nilang sumunod nang 2 minuto lamang.
Sa 2 minuto na ito, huwag pagalitan o pangaralan ang bata. Kailangan lamang silang bantayan na sila ay sumusunod sa mga patakaran. Matapos ang 2 minuto na tahimik silang naka-upo, sabihin lamang na tapos na ang pagdidisiplina.
Mga kailangang tandaan
Bago bigyan ang bata ng naturang paraan ng pagdidisiplina, kausapin sila. Ipaliwanag sa kanila ang mga dahilan na maaaring magdulot ng pagdidisiplina sa kanila. Ipa-intindi ang mga bagay na hindi niya dapat gawin na magigign rason para maranasan nila ang stand in the corner punishment. Ipaliwanag din ang rules ng pagdidisiplina tulad ng kung gaano ito katagal at kung ano ang mga bawal gawin. Makakabuting ipa-ulit sa kanila nag mga napagusapan para masiguradong naaalala niya ito.
Basahin din: Melai Cantiveros, ibinahagi ang paraan niya ng pagdidisiplina sa mga anak
Source: Psychology Today