Stay-at-home mom ka ba o may kilala o kaibigang mas piniling mag-fulltime housewife at nanay sa pamilya niya? Sa susunod na makausap mo siya, ilan ito sa mga salita na sana ay huwag mo ng sabihin sa kaniya. Dahil ang pagiging full-time nanay sa bahay, hindi ganoon kadali tulad ng inaakala mo o ng ibang tao.
Mga salitang hindi mo dapat sinasabi sa mga stay at home mom
Bago ako bumalik sa pagtratrabaho, naging stay at home mom rin ako sa loob ng dalawang taon. Tulad ng iba akala ko noon madali lang ang maging full time nanay sa bahay. Akala ko noon mas marami akong oras na matulog at magpahinga, pero nagkamali ako. Minaliit ko noong una ang pagiging stay at home mom. Pero nang marinig ko ang mga salitang ito, bilang isang ina na full-time na inaalagaan ang aking asawa at anak nirespeto ko ang sarili ko. Bakit? Narito ang mga dahilan.
1. “Nasa bahay ka lang naman, diba?”
Kapag stay-at-home mom ka, ito ang madalas mong maririnig sa ibang tao. Mga salitang para bang sinasabi na bawal kang mapagod dahil nasa bahay ka lang. Parang marami ka ng oras na gumawa ng maraming bagay bukod sa pagbabantay ng anak mo at pag-aasikaso sa bahay. Iyan ang akala ng iba.
Oo nga nasa bahay ka lang, pero ‘yung task na ginagawa mo walang in at out. Sapagkat bilang ina walang katapusan ang papel na ginagampanan mo sa loob ng bahay. Mula umaga paggising mo hanggang sa pagtulog nanay ka. Kaya naman patuloy din ang task at mga ginagawa mo.
Kung tutuusin nga mas komportable pa sa opisina kaysa nasa bahay ka lang. Bakit? Kasi sa opisina, puwede kang maupo maghapon habang ginagawa ang trabaho mo. Puwede kang kumain sa oras kapag break time muna. Pero kapag nasa bahay ka, hindi mo pansin ang oras. Lalo na kapag may maliliit ka pang anak na kailangang bantayan at bahay na kailangang i-maintain ang kalinisan.
2. “Ah so hindi ka nagtratrabaho?”
Siguro oo walang suweldo, pero ang pagiging stay at home mom isa sa pinakamahirap na trabaho. Bakit? Sapagkat hindi lang isa ang role at duty mo!
Sa umaga una kang gigising. Ikaw ang chef ng pamilya. Ikaw ang magluluto at maghahanda ng agahan ng iyong mga anak at asawa. Bago ka makakain, uunahin mo munang pakainin ang mga anak mo. Maswerte na kung makakasabay mo sa pagkain ang asawa mo. Minsan nga halos hindi ka na makakain. Dahil pagkatapos ng mga bata kumain kailangan ko pa silang linisan o paliguan. Kung makatulog man sila, hindi iyon pagkakataon para makapagpahinga. Oras ‘yun para gawin ang ibang gawaing bahay. Mula sa pagiging yaya ng mga anak mo magta-transform ka sa pagiging dishwasher, gardener o kaya naman labandera. Minsan nga kargador pa e. Madalas hindi ka pa tapos sa ginagawa mo’y gising na sila. Hanggang sa hindi mo namamalayan na hapon na naman. Maghahanda ulit, magluluto, maglilinis ng bahay, lilinisan ang mga bata at patutulugin sila. Kung ikukumpara nga sa working hours ng nag-oopisina e laging nag-o-overtime ka.
3. “Kailan ka babalik sa trabaho?”
Tulad nga ng sabi ko, walang in at out ang pagiging nanay! Higit sa lahat, wala kang option to resign. Kaya sinong nagsabing tumigil ka sa pagtratrabaho? Sa araw-araw, doble ang kayod mo. Nagmu-multitask masiguro lang na magagampanan ang tungkulin mo sa asawa at mga anak mo. Kung tutuusin lagi kong sinasabi noon, masuwerte pa nga ang kasambahay may suweldo. Mayroong leave, day-off at higit sa lahat may limit sa oras ng pagtratrabaho. Pero kapag stay at home mom at housewife ka, wala ang mga iyon. Subalit kahit kailan o nasaan ka hindi nababago o nawawala ang tungkulin mo para sa pamilya mo.
4. “Bakit ang dumi ng bahay ninyo e nandito ka lang naman?”
Akala siguro ng iba porket madumi o makalat ang bahay mo, nagpapabaya ka. Hindi nila alam na sa isang araw, nakakailang ulit ang paglilinis mo. Sapagkat ang mga bata, laro rito, laro riyan. Kalat dito, kalat diyan. Pero hindi sa lahat ng oras masusundan o malilinasan mo ang mga kalat nila. Sapagkat may mga bagay ka pang mas importante na dapat gawin. Kailangan mo silang paghandaan ng pagkaing kanilang kakainin. Minsan kaysa iwanan sila at gumawa ng ibang bagay, mas gugustuhin mong maging security guard sa kanila para masiguradong wala silang gagawing ikakapahamak o ikadidisgrasya nila. Ganyan tayong mga nanay e praning at overprotective para sa ating mga anak.
5. “Parang hindi ko kaya ‘yan, ‘yung nasa bahay lang at walang ginagawa!”
Kung mababasa mo lang ‘yung to do list sa utak ng isang ina araw-araw, ewan ko lang kung masasabi mo pang walang ginagawa. Ito ‘yung to-do-list na paulit-ulit at walang katapusan. Biruin mo ha, maliban sa responsibilidad mo sa mga anak mo, may responsibilidad ka pa sa asawa mo. Umaga hanggang gabi humahataw ka so sinong nagsabing wala kang ginagawa?
6. “Bakit hindi mo pa ‘yan natatapos? E wala ka namang ginagawa rito.”
Isa pa ito sa mga salitang nagpapaikot ng eyeballs ko. Kasi teka naman ‘di ba, sa isang araw ng pagiging nanay masuwerte kung makakain ka sa oras o kaya naman makakaligo ka. Lalo na kapag mag-isa ka lang sa bahay at walang ibang pag-iiwanan ng anak mo kapag may iba kang ginagawa. Hindi iyon ganoon kasimple. Oo kaya naming mag-multitask pero isa lang ang katawan namin. Hindi naman pipiliing unahin ang ibang bagay kaysa masigurong ligtas sa kapahamakan ang aming anak.
7. “Pagod sa trabaho ‘yang mister mo. Kailangan niya mag-relax.”
Sa totoo lang, ito ang linyahan ng mga taong wala namang alam sa nangyayari sa pamilya mo. Sapagkat hindi nila nakikita kung ano ka bilang stay at home mom sa bahay. Hindi nila alam na sa loob ng bahay, walang time-out ang trabaho. Napapagod ka rin at kailangang mag-relax.
Ganito rin ang nasa isip ng asawa ko noon. Pero noong bumalik ako sa trabaho at nagpalit kami ng sitwasyon, nakita niya ang hirap ng pagiging full-time parent sa bahay. Mas minahal at na-appreciate niya ko. Sapagkat naranasan niya ngayon ang mga ginagawa ko na mag-isa noon. Mas tumibay ang pagsasama namin, dahil ngayon naiintindihan na namin ang role ng isa’t isa. Minsan matatawa na lang ako sa tuwing uuwi ako at makikita ko siyang wala pang ligo at hindi maintidihan ang itsura kasama ng mga bata. Pero ang mas nakakatuwa, ang ginagawa kong pag-aalaga sa kaniya noon, ginagawa niya rin sa ‘kin ngayon. Ang pinakamagandang kapalit ng magiging full-time at stay-at-home mom ko noon.
Kaya sa mga nagsasabing stay-at-home mom ka lang? Ito lang ang isagot mo sa kanila, “See and try it for yourself!” Baka sabihin nilang ikaw pala si Darna!
SOURCE:
veryanxiousmommy
BASAHIN:
5 rason kung bakit parating pagod ang mga nanay
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!