Kadalasan kapag naririnig natin ang sexually transmitted diseases (STDs) at sexually transmitted infections (STIs), parati natin naiisip na nakukuha lamang ito sa vaginal, anal, at oral sex. Ngunit lingid sa kaalaman ng karamihan na nakukuha rin ang mga sakit na ito sa ibang paraan. May mga iba’t ibang sakit at STD nakukuha sa halik!
Narito ang apat na impeksyon na maaaring maihawa ng mga taong positibo rito sa pamamagitan ng halik:
1. Herpes
Sanhi ng herpes simplex virus type 1 (HSV-1) ang oral herpes o cold sores. Ayon sa mga eksperto, ito ang kadalasan na naihahawa sa pamamagitan ng halik—at kadalasan mas at risk ang mga babae sa virus na ito kaysa sa mga lalaki.
Mas malaki ang tsansa na makuha ito kapag may mga singaw sa labi o bibig. Pinapayuhan ng mga duktor na bago makipag-halikan ay tignan muna kung mayroong mga herpes-related blisters o di kaya mga sores sa bandang bibig.
2. Gingivitis
Isang klase ng gum disease ang gingivitis, o ang pamamaga ng gums. Ang bacteria na nagiging sanhi ng sakit na ito ay madaling maipasa sa ibang tao sa pamamagitan ng laway.
Ayon sa dentista na si Mark Bruhenne, “Kapag nakakahalikan ang isang tao na may gum disease o di kaya’y may bacteria na nagdudulot ng cavities, madali nitong nahahawa ang mga tao na mayroong low concentration ng mga bacteria na ito.” Imbis na kaunti lamang ang bacteria sa bibig, dumadami ito at nagiging sanhi ng dental problems.
Dagdag niya na maiiwasan ito kung mayroong good oral hygiene—pagsisipilyo ng at least dalawang beses sa isang araw at pag-gamit ng dental floss. Ito ang makakaprotekta sa iyo sa iba’t ibang klase ng bacteria.
3. Mononucleosis
Kilala ang sakit na ito bilang “kissing disease.” Sanhi nito ng Epstein-Barr virus (EBV). Bukod sa halik, nakukuha ito sa pamamagitan ng pag-ubo, pag-singa, pag-share ng toothbrush o baso.
Ang sintomas nito ay: extreme fatigue, sore throat, lagnat, kawalan ng gana kumain, at kulani. Hindi ito kasing grabe makahawa katulad ng sipon ngunit madalas na nahahawa ang mga taong 15-30 taong gulang.
Ayon sa Mayo Clinic, maaaring manatili ang EBV sa laway ilang buwan matapos unang mahawa. Pinapayuhan na iwasan humalik o mag-share ng pagkain o inumin sa mga taong apektado nito hanggang tuluyan mawala ang lagnat.
4. Syphilis
Karaniwang nakukuha ang syphilis sa sex ngunit may maliit pa rin na tsansa na makuha ito sa halik. Ayon sa mga duktor, lubos na nakakahawa ang syphilis. Maipapasa ito sa pamamagitan ng halik kung ang taong may syphilis ay may open sores sa bibig. Maaaring maipasa ang bacteria (Treponema pallidum).
Ang mga sakit na nabanggit ay nakukuha kapag naghahalikan ang mga matatanda. Ngunit tandaan na may mga sakit din na puwedeng maipasa sa mga baby kaya dapat iwasan din halikan ang mga ito. Basahin dito kung bakit bawal halikan si baby!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!