Madiskarte, ika nga. ‘Yan ang pakahulugan o slang sa katawagang “street smart” o wais (hango sa salitang Ingles na “wise”). Sila yung mga hindi man honor student sa klase pero maraming alam tungkol sa buhay sa labas ng bahay at eskwela. Hind sa libro o encyclopedia nakukuha ang kaalaman nila, kundi sa pakikisalamuha sa mga tao at sa angking interes sa iba’t ibang bagay o aspeto ng buhay.
Bakit pa kailangang maging street smart ang ating mga anak? E pinag-aaral naman natin sila? May punto nga naman. Pero ang isa pang tanong: lahat ba ng mahahalagang bagay tungkol sa buhay ay natutunan sa ekwelahan, o sa sa libro?
Ano nga ba ang mga bagay ma maaari nating ituro sa mga bata para hindi sila lumaking walang alam paglabas ng bahay, o kapag wala ang magulang sa tabi nila? Kailangan nilang matuto ng mga bagay na makakatulong sa kanilang alagaan ang sarili at hindi basta basta maloko ng ibang tao, lalo’t masama ang intensiyon.
Narito ang mga bagay na unang dapat matutunan.
1. Turuan siya ng basic information
Makakatulong kung alam ng bata ang pangalan niya, pangalan ng mga magulang, ilang taon siya, address at numero ng telepono. Huwag magbigay ng higit pang impormasyon. Kapag nasa kotse o sasakyan, o sa bahay habang nagpapahinga, mainam na praktisin na ang pagtatanong nito at kung paano sasagutin ng bata. Kahit 3 o 4 na taong gulang ay kaya ito. Idiin lang na hindi ito ipinagsasabi sa kung sinu-sino lang at kung wala namang emergency.
2. Ano ba ang ibig sabihin ng “stranger”?
Ang isang katotohanan na dapat malaman ng mga bata ay ito: Hindi dapat magtiwala kaagad sa mga taong hindi mo kilala, o unang beses mo pa lang nakilala.
Sa Amerika, maigting ang pagtuturo ng “Stranger Danger” at pagsigaw ng “Stranger!” kapag may lumapit na hindi kilalang tao at hinihikayat ang batang sumama. Marami na tayong nakita sa balita sa TV na mga batang sumama sa mga masasamang loob, dahil lang pinangakuan o binigyan ng mga paboritong gamit o pagkain.
Ulit-ulitin sa anak kung bakit hindi dapat makipag-usap o sumama sa hindi kakilala, at kung sino ang mga maaaring lapitan kung siya man ay mawala. Ipaliwanag din na kung makikipag-usap man sa isang tao kapag siya ay nawawala, siguraduhing matao ang lugar at may ibang nakakakita o nakakarinig. Praktisin ang pakikipag-usap, at kung mas matanda na ang anak, mag role-play.
Isa pang bagay na dapat malaman ng bata, ay ang katotohanan na hindi lahat ng kakilala ay mapagkakatiwalaan. Maaaring ang kasama sa bahay na matagal na sa inyo ay may hindi magandang ginagawa o binabalak pa lamang, at nakikita ito ng anak. O di kaya’y may pinagagawang masama ang isang kamag-anak. Pag-usapan kung kailan dapat humindi, o na dapat ay sabihin sa iyo/inyo ang mga bagay na nakikitang ginagawa ng kasama o kung sinomang kamag-anak, na sa tingin niya ay mali o hindi ligtas.
3. Praktis praktis din
At ang susunod nga ay ang pagpapraktis sa mga sitwasyon na maaaring mangyari, tulad ng pagkawala sa isang lugar tulad ng mall. Kung nasa mall kayo, ituro at dalhin siya sa mga lugar na pwede niyang puntahan kung mawalay man siya sa matatanda, tulad ng Cashier o Counters, at Customer Service.
Idiin din sa kaniya na hinding hindi ka aalis sa lugar na iyon ng hindi mo siya kasama, upang maintindihan niya na hindi mo siya iiwan kahit anong mangyari. Sabihin din kung sino ang HINDI dapat samahan o kausapin, at kung kailan dapat sumigaw o humingi ng tulong, o kahit magpapansin lang sa ibang tao upang hindi siya mabahala pa ng masamang tao.
Maglista ng mga safety rules at ilagay sa lugar na nakikita kaagad ng bata para mapaalalahanan palagi. Magbigay lagi ng mga sitwasyon, at itanong sa anak kung ano ang dapat niyang gawin. Magpraktis nang ganito, lalo na bago umalis ng bahay at bago pumunta sa mga mataong lugar tulad ng park, swimming pool o resort, mall, at iba pa.
4. Mga unang bagay na dapat ituro
May mga bagay na pinaka-basic na dapat malaman ng isang bata:
- Huwag tatambay sa mga parke, bakanteng lote, sa kalye, parking lot, sa labas ng eskwelaham, lalo na kung wala nang tao.
- Alamin ang daan pauwi mula sa eskwela, o di kaya’y mga lugar na malapit lang at palaging pinupuntahan tulad ng tindahan, palengke, grocery store.
- Huwag sasama sa taong hindi mo kilala, kahit ano pang sabihin nito, tulad ng pagpapakilala na kaibigan sila ng magulang niya.
- Kapag ikaw lang sa bahay, huwag bubuksan ang pinto at huwag na huwag magpapapasok kahit ano pa ang sabihin. Ipaliwanag kung sino lang ang dapat na papasukin (si Lolo at Lola, tiyuhin o tiyahin, at iba pa).
- Huwag hihiwalay sa kaibigan o guro, o kung sino man ang kasama mong umalis.
5. Turuang maging maalam sa paligid
Aminado ako na noong bata ako, parang wala akong malay sa nangyayari sa paligid. Maliit lang ang mundo ko, at walang masyadong pinupuntahan o nakakausap. Kaya’t nung lumipat ako sa mas malaking eskwelahan at napunta sa ibang lugar, para akong napatunganga at hindi marunong sa direksiyon, o di kaya’y hiyang hiyang magtanong.
Kaya’t nang magkaanak ako, sinigurado kong marunong silang kumilatis ng paligid at sitwasyon. Dapat alam ng isang bata ang kaniyang paligid at ang mga tao dito. Kailangan ding malaman na kapag nasa labas ka, maingat dapat at unang pahahalagahan ang sariling kaligtasan.
Ang sarap kasi minsan maglaro, hindi ba? Hanggang sa hindi na namamalayan na wala na si Mommy, o di kaya ay mayroon na palang nanunood sa ginagawa niya.
Makakatulong kung alam niya kung dapat bang tumakbo, o kung saan dapat nga pumunta. Ipaalala at sanayin ang mga bata na pakiramdaman at sundin ang kutob, kung siya ba ay nasa masamang sitwasyon o hindi na lligtas ito.
6. Turuan ng mga detalye
May isang pamangkin ako na kahit 4 na taong gulang pa lamang, ay ang galing nang makaalala ng mga modelo, kulay at iba pang detalye ng mga kotse. Sinanay lang siya ng tatay niya, pero nahasa siya dahil paulit-ulit silang nagtatanungan, lalo kung trapik at hindi umuusad ang mga sasakyan sa kalsada.
Maaari itong gawin para pag-usapan ang bahay, tao, pananamit, at kung anu-ano pa. Ito ang isang pwedeng magligtas sa kaniya pagdating ng panahon na kailangan niyang ilarawan kung sino at ano ang nakita. Mas madaling matutunton kung masasabi niyang “Yung itim na Toyota” imbis na “May kotse doon” ang sasabihin.
7. Kausapin palagi
Paminsan-minsan, lalo kung mas malaki na ang anak, manood ng balita sa telebisyon nang magkasama. Hindi kailangang buong palabas. Kahit ilang minuto lang, marami nang mga balita na maaari niyong panuorin, at pagkatapos ay pag-usapan.
Ano ang nangyari? Bakit daw nawawala yung bata?, o kaya’y Sino daw ang may kasalanan? Ano ang itsura nung lalaki/babae? Ano ang ginawa nila bakit nakulong? Hindi lang naman din masamang balita ang makakatulong.
Pumili rin ng mga mabuting balita upang makita lang ng bata kung ano nga ba ang nangyayari sa mundo ngayon? Kung mas bata ang edad, piliing mabuti ang mga papanuorin upang hindi naman ito ma-traumatize o matakot ng sobra.
8. Hayaan siyang magtanong—at sagutin ito
Palaging hikayatin ang anak kung may tanong ba ito tungkol sa isang pangyayaring nakita o naranasan. Kahit simpleng bagay na itatanong ng bata habang kumakain o habang pauwi galing sa eskwela, gawing learning opportunity ito. Pakinggan at sagutin sa paraang mauunawaan niya.
Kung hindi mo naman alam ang sagot, sabihin mong ‘Teka, aalamin ko. Hindi ko alam ang sagot pero hahanapin natin o magtatanong tyo sa nakakaalam.’ Sa ganitong paraan, natututo siya, at maiintindihan din niya na hindi lahat ng sagot ay alam mo, na may paraan para malaman ang mga sagot sa ibang tanong, hind ba?
9. Palaging pag-usapan o ipaliwanag ang mga bagay na karaniwan o palagi niyong ginagawa…
…bilang pamilya, o mga nakikita sa mga libro, diyaryo, TV o pelikula. Papanuorin siya ng iba’t ibang genre at iba’t ibang katotohanan sa buhay. Hindi naman kailangang global warming kaagad o National Geographic ang palaging ipapanuod o ipabasa.
Bawat sitwasyon ay learning at teaching opportunity, kaya’t huwag palagpasin na sabayan ng paliwanag. Gawing kasiya-siya at hindi parang exam o quiz ang pagtatanong.
Kapag umiiyak siya, tanungin: Ano ang nararamdaman mo? Ano ang nangyari? Ipaliwanag mo nga sa kin bakit ka nagdadabog? Paano ako makakatulong sa iyo? Ang daming tanong na pwedeng pagmulan ng magandang diskusyon upang maturuan na rin siya ng tamang diksarte, at matulungan ang batang maipaliwanag ang nararamdaman at naiisip.
Nakakatulong kasi ito sa critical thinking skills niya. Ang tanong na ‘Bakit mo ba naisip gawin ito?’ kapag ang bata ay may ginawang hindi maganda o sabihin na nating “naughty” o sutil, ay makakatulong sa kaniyang himayin ang sariling isip o pakiramdam, upang maintindihan niya kung bakit ka galit o bakit hindi ka sang-ayon dito.
10. Ipakilala siya sa iba’t ibang tao
Higit sa lahat, bigyan siya ng pagkakataon na makakilala ng iba’t ibang klase ng tao, at makipag-usap sa mga ito. Kung nasa mall, kahit sandali ay hayaan siyang makipagpalitan ng salita sa Security Guard. Kung nasa eskwela, hayaan siyang bumili at makipag-usap sa tao sa canteen.
Kahit nasaan pa kayo, hikayatin siyang makipag-usap at makipagkilala sa mga tao, basta’t nandun ka. Sa ganitong paraan, lalaki siyang marunong makitungo, at marunong din kumilala ng pagkatao, kahit pa kilala o hindi ito kilala.
Ito pa lang ang simula at pundasyon ng pagiging street smart ng isang bata. Lahat ng kakailanganin niya ay nandito, ngunit marami pa ring bagay na matututunan niyam paglaon ng panahon.
Hangga’t may pagkakataon siya na makakilala ng mga tao at makapagmasid, at makaranas ng iba’t ibang sitwasyon, matutunan niya ang mga bagay na hindi matutunan sa libro.
BASAHIN: Sundan ang Language Development ng iyong anak