Bibong bibo at talaga namang nakakatuwa ang batang si Scarlet Snow Belo. Marahil ay kilala na siya ng lahat at hindi na kailangan pa ng pagpapakilala. Hindi ka man mahilig sa artista, ay mahihilig ka sa mga video posts na nagpapakita sa kadaldalan at nakakaaliw na pagkanta ng batang ito. Siya lang ang bata sa bahay nila, pero bakit nga ba sa edad na 3 taon ay ang dami na niyang alam sabihin, at tahasan pa siyang nakikipag-debate sa yaya o mga magulang niya?
Ang Language Development o paglinang sa talinong pananalita ng isang bata ay tumutukoy at sumusuporta sa pag-unlad ng kaniyang pakikipag-usap at masabi ang kaniyang mga naiisip at nararamdaman. kasama na dito ang mag-isip ng kritikal lalo kapag may problemang hinaharap, at mapabuti ang kaniyang relasyon sa kapwa.
Parang ang bigat, hindi ba? Hindi ba’t bata lang ang pinag-uusapan? Bakit parang kumplikado?
Sa panahon ngayon ng high-tech na mga bagay at computer-generated na impormasyon, pati likhang artificial intelligence, hindi pa rin maaaring isantabi ang kahalagahan ng kakayahang umintindi at makaintindi ng mas malalim na mga bagay o paksa (critical thinking), at ang paggamit ng mga salita o pananalita sa araw araw na buhay.
Lahat ng ito ay kailangan ng isang batang munti upang mapagtibay ang pundasyon ng kaniyang literasiya o literacy—ang kakayahang magsalita, magsulat at umintindi ng matematika at aritmetik. Sa madaling salita, ito ang magiging basehan ng talinong magsalita o magbasa.
Ano ang kinalaman kay baby?
Nakakamanghang masaksihan kung paano nadedevelop ang kakayahang magsalita at makipag-usap ng mga bata mula pagka-sanggol hanggang 3 taong gulang. Kaya naman ito ang paborito kong edad sa pagtuturo.
Sa nakaraang 6 na taong pagtuturo sa isang nursery, lalo’t ang mga bata ay galing sa iba’t ibang bansa at kultura, sadyang nakakatuwang makita ang mabilis nilang pagkatuto.
Ang sikreto ay simple lang: pakikipag-usap, pagkanta, at pakikinig.
Ang unang 12 buwan o isang taon ng bata ay ang kritikal na panahon ng paglilinang sa kaniyang language development. Ang pagtuturo at pagkatuto ay magtutuloy-tuloy sa kaniyang buong buhay.
Ang early years ng isang bata ang pundasyon ng lahat ng kaniyang pagkatuto, kaya’t sa nakaraang ilang dekada, pinaigting ang pag-aaral at pagtugon sa lahat ng developmental needs ng mga bata. Pati ang Deparment of Education ang tumugon na din sa paglinang at pagsasanay sa mga guro at caregiver ng bata sa mga day care centers, upang maturuan ang mga bata sa unang 6 na taon ng kanilang buhay, at mabigyan sila ng mga gawain at learning environment na tutugon sa developmental needs.
Paano nga ba mahahasa ang language skills ni baby?
Subukan ang mga sumusunod upang matulungan ang maging bihasa ang pagsasalita ng iyong anak.
Kausapin palagi
Kahit baby pa at puro ooh at ahh lang ang maririnig kay baby, kausapin siya palagi at ituring itong parang nagsasalita din. Pagmasdan mo ang mga tugon niya sa pamamagitan ng mata, tango at ngiti, at malalaman mong may naiintindihan siya sa mga sinasabi mo.
Kung hindi man niya lubusang naiintindihan, ang pakikipag-usap na ito ang paraan para maturuan siya. Hangga’t maaari, huwag hayaang tahimik lang ang paligid, kahit naglalaro siya ng kaniya. Patuloy na magsalita at kausapin siya dahil dito niya matutunan ang mga una niyang salita. Tahimik lang dapat ang paligid kapag tulog siya o nagpapahinga.
Ang teoryang ito ay isinaad ni B.F. Skinner, isang behaviorist na nagsabing ang isang bata ay unang natututo sa kapaligiran niya. Kung ano ang palagi niyang nakikita at naririnig, natural nitong matutunang ang mga ito. Naka-kondisyon din ang batang tumugon sa kaniyang kapaligiran.
Tugunan ang mya hudyat ng pakikipag-usap niya
Maging alerto sa mga pakikipag-usap ni baby, lalo na kung nagsisimula na itong tawagin ka. Pati mga senyas niya gamit ang kamay ay mahalaga. Kung tumatawa siya at nagtatatalon, sabihing “Masaya ka? Bakit ka excited?” Kung umiiling siya, o umiiwas sa ibinibigay na pagkain, sabihing “Ayaw mo ba? HIndi mo gusto ang lasa?”
Lahat ng pagkakataon na mabigyan ng kaukulang salita o label ang pakiramdam niya ay gawin, dahil ito ang unang pagkatuto niya mula sa iyo.
Bawat salita o pagtugon sa bata ay mahalaga. Talinong emosyonal at verbal ang natutugunan sa ganitong paraan.
Ayon naman sa nativist linguistic theory ni Noam Chomsky, ang isang bata ay may natural at intrinsic na kakayahang magsalita o gumamit ng salita. ngunit kakailanganin ng tulong ng mga tao sa paligid ng bata upang lubusang ma-develop ito. Sabi niya, lahat ng sanggol ay may Language Acquisition Device (LAD) sa utak, pagkapanganak pa lang.
Kung pagyayamanin daw ang pakikipag-usap sa bata, at mabibigyan ng maraming salita, matutunan niya ito ng mas madali at magagamit ang mga natural na niyang alam.
Lahat ay may “narration”
Nagluluto na si Mommy, Halika, aakyat tayo sa itaas para kunin ang bag ko, Masakit ang ulo ni Mommy, halika magpahinga tayo.
Bukas ang tainga at isip ng bawat bata, kaya’t lahat ng naririnig niya at nakikitang ginagawa ng mga nakapaligid sa kaniya ay nakukuha niya.
Gumamit ng iba’t ibang salita, kahit mahirap intindihin sa iyong pakiwari. Tandaan din na kung anong wika ang ginagamit, yun din ang mapupulot niya. Kung Ingles mo kakausapin, yun ang matutunan niya. Kung Bisaya o Tagalog, matutunan niya ito kung palaging naririnig.
Habang lumalaki, lalo pagdating ng 2 taong gulang, kausapin siya. Kung umiiyak o nagbubuwisit, bigyan siya ng angkop na salita para dito: Gutom ka ba? Nasaktan ka ba? Ano ang gusto mong laruan? Gusto mong lumabas kaya ka umiiyak?
Kadalasan iyak ang paraan nila dahil nga hindi nila maipaliwanag ang nararamdaman, kaya’t tayong mga nakakatanda ang tutulong sa kanila na pangalanan ang mga pakiramdam na ito.
Makinig din sa mga sinasabi at kinukwento niya. Kung bumisita siya sa Lolo at Lola, makipagkuwentuhan kung anong ginawa nila, o kung nag-enjoy ba siya.
Kumanta din palagi
Kung gusto mong magturo ng bagong salita o paksa sa isang bata, ikanta mo. Ang mga Nursery Rhymes o kantang pambata ay hindi lamang pang-aliw. Ito ang ginagamit sa mga nursery o paaralan para magturo sa mga bata ng iba-t-ibang paksa.
Kaya naman may kasamang action o hand movements dahil ito ang paraan ng pagpapaliwanag o pagtuturo sa mga bata kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang kinakanta. Sa paulit-ulit na pagkanta, naaalala niya ang mga salitang nasa awit, pati na rin ang ibig sabihin nito.
Kagawian ang pagbabasa ng aklat
Maglagay ng munting “Reading Corner” sa kaniyang kuwarto o sa isang lugar sa bahay ninyo. Ilang libro lang na nasa kahon, ay sapat na, upang malaya siyang kumuha mula dito at magbasa. Oo, kahit hindi pa niya naiintindihan ang mga nakasulat dito, ang mga larawan ay gustung gustong pagmasdan ng mga bata.
Kung siya ay binabasahan ng libro araw-araw at gabi-gabi, makikita niya ang kasiyahan sa pagbabasa kaya’t makakagawian niya rin ito. Pag-usapan ang mga nasa larawan at magtanong ng tungkol dito. Hayaan siyang magbigay ng mga hinuha o ideya niya tungkol sa nakikita, kahit pa minsan ay malayo sa pinag-uusapan.
Pumili din ng mga librong tungkol sa nangyayari sa kaniyang buhay ngayon, o may kinalaman sa pinagdadaanan ng bata tulad ng “I am a Big Sister” ni Caroline Jane Church, o “I want my Potty” ni Tony Ross, o “Ang Prinsesang Ayaw Matulog” ni Feny Delos Angeles-Bautista.
Napakarami nang libro ngayon na tumutugon sa iba’t ibang bahagi ng child development, at mga librong nakakatuwa para sa bata, tulad ng mga aklat nina Dr. Seuss, Eric Carle at Julia Donaldson.
And pagbabasa nang malakas o reading aloud ay ang nagpapakita sa bata na may koneksiyon ang nakasulat (print) sa sinasabi, at sa nararamdaman.
Ang unang tatlong taon
Sa unang tatlong taon, napakabilis ng pag-unlad sa pagsasalita at literasiya ng isang bata. Ito ang mga pagbabago at maaasahang pagkatuto ng isang bata.
Tandaan na ang mga ito ay developmental milestone na inihayag ng mga Language Development theorists ayon sa mga pagsasaliksik at pag-aaral sa mga bata. Hindi ito ang tanging batayan, dahil hindi lahat ng bata ay pare-pareho.
Every child is unique, at totoo ito pati na rin sa development ng bawat isa. Ang mga ito ay gabay lamang sa kung ano ang maaaring asahang makita o mapansin sa anak. Hindi eksakto, kaya’t huwag mag-alaala na nahuhuli o hindi natututo ang iyong anak. Gawin itong basehan ng kung ano pa ang pwedeng maibigay na learning opportunity o karanasan sa bata para mapagtibay ang kakayahang inaasahan.
Ika-3 hanggang 12 buwan
Ito ang panahon ng puro tawa, hagikgik, sigaw, at babbling na tinatawag kung saan puro pattern ng tunog ang maririnig. Magsisimula siyang magsabi ng Ma-ma o Da-da o Pa-pa, lalo kung palagi niya itong naririnig. Kasabay din nito ang pagkaway ng mga kamay at pagwagayway ng brasa, pati pagsipa lalo’t galak na galak. Pagadating ng ika-10 hanggang ika-12 buwan, dumarami na ang salitang natutunan niya, lalo’t palagi siyang kinakantahan at kinakausap.
Mahalaga din ang pandinig, dahil ang sound o tunog ay kasama sa pagkatutuong magsalita. Bigyan siya ng mga laruang may tunog at musika, o gumawa ng shaker gamit ang gamit nang plastik na bote ng tubig at mga bagay na makakalikha ng tunog tulad ng hilaw na mais o macaroni pasta, butones, bigas. Takpan at i-glue ang takip para hindi matanggal. Tiyak matutuwa ang batang gumawa ng tunog gamit ito.
Ika 12 hanggang 18 buwan
Dito na nabibigkas ang mga unang salita at pagsasama ng mga salita. Patuloy na dadami ang mga salitang alam ng bata at kadalasan ay makahulugan ang mga ito. Dito na rin siya magsisimulang makipag-usap sa kapwa bata o sa mga matatanda.
Nakakaintindi na rin siya at alam na niya ang gusto, kaya’t kapag pinagbawalan mo ay iiyak o magbubuwisit ito. Higit sa lahat, maaari na siyang turuang gumawa ng mga bagay bagay tulad ng craft (pagdidikit, paghawak ng crayon at pagguhit sa papel) at maski pagliligpit ng mga laruang nakakalat.
Kung hindi pa nariringgan ng kahit anong ingay (babbling) o salita ang bata sa gulang na ito, maaaring ikunsulta sa kaniyang doktor upang makita agad ang posibleng problema. Maaaring irekumenda ng doktor ang hearing tests, para makasiguro.
18 buwan hanggang 2 taon
Ito na ang panahon ng pagdami pa lalo ng sinasabi ng bata. Nakakagulat dahil minsan, sakto talagang pagdating ng 2 taong kaarawan, biglang nagiging madaldal at walang tigil sa pagsasalita ang bata. Dito na siya matututong magpahayag ng naiisip at nararamdaman gamit ang simple ngunit buong pangungusap.
Nakakaintindi na rin siya ng mga sinasabi ng mga nakatatanda, at mas kaya na niyang gayahin ang mga sinasabi nila, o palaging naririnig na mga salita.
2 hanggang 3 taon
Ito ang edad na talaga namang nakakagiliw. Maliit pa ang kausap mo, pero parang matanda na ang mga sinasabi nito. Dito makikita na kung paano siya kausapin ng mga nakatatanda sa kaniya, ganoon din ang paraan ng pakikipag-usap niya.
Kaya nga sinasabi ng mga eksperto na iwasan ang baby talk, o pakikipag-usap na parang bata o bulol. Dahil imbis na matuto siya ng tamang pananalita, ang mali ang gagayahin niya. Habang naglalaro, nakikipag-usap din siya, at mahihilig siyang kumaway at mag “hi” at “hello”, at “babay” (bye-bye) sa mga tao kung ito ang nakikita niyang ginagawa palagi ng mga nakatatanda.
Paalala lang muli na ang bawat bata ay may iba’t ibang development pace. Ang iba ay mas mabilis at ang iba ay nangangailangan ng mas matagal na panahon at mas maraming halimbawa. May kaniya-kaniya din silang “learning styles” kaya’t hindi dapat ikumpara sa ibang bata. Hindi din dapat mag-alala na nahuhuli ang anak kaysa sa mga pinsan niya o sa kapitbahay.
Kung may napapansin na hindi pag-usad, maaaring ikunsulta sa doktor ng iyong anak.
BASAHIN: 11 Senyales na hindi pangkaraniwan ang talino ng anak mo
sources: KENPRO (2010). Theories of Language Development in Children. KENPRO Online Papers Portal; Bigge, M. and Shermis, S. (1998). Learning Theories for Teachers. London: Longman; Gleason, J.B. and Ratner, N.B. (2009). The Development of Language, 7th Edition Boston, MA: Pearson Education, Inc.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!