Stress sa pagiging magulang, may maari kang magawa para mabawasan! Alamin dito kung ano ang mga ito. Paano mababawasan ang stress sa pagiging magulang?
People photo created by fwstudio – www.freepik.com
Sino ba ang hindi nai-istress sa pagiging magulang? Bagama’t ito ay very fulfilling na role may kaakibat naman itong napakalaking responsibilidad. Hindi lang basta dahil may kailangan kang palakihing isang bata.
Para sa ating mga magulang tungkulin din natin na lumaking isang responable, disiplinado at mabuting tao ang ating anak. Alam nating lahat na ito ay hindi madaling gawin.
Pero ayon sa business expert, professor at mom of 2 na si Tamar Avnet mayroon tayong puwedeng gawin para mabawasan ang ating stress sa pagiging magulang. Ito ay ang sumusunod na paraan.
1. Gumamit ng scheduling style method.
Ang biggest frustration nating mga magulang ay kapag hindi sumusunod sa atin ang aitng mga anak. Lalong-lalo na kung alam natin na ito ay para sa ikabubuti niya at dapat niyang gawin. Gaya na lamang ng pagiging punctual o paggawa ng kaniyang mga task sa oras at siguraduhing matatapos niya ito.
Payo ni Avnet, makakatulong kung i-aapply natin ating mga anak ang scheduling style method. Ang unang paraan para magawa ito ay ang pagtukoy sa iyong anak kung siya ba ay isang clock o event timer gamit ang “lunch question test.”
Gawin ito sa pamamagitan ng pagtatanong sa iyong anak kung siya ba ay kakain na ng tanghalian. Kung ang sagot ng iyong anak ay, bakit ano po bang oras na, 12 na po ba? Ibig sabihin nito siya ay isang clock timer. Kasi nakabase ang pagkain niya sa oras na nakasanayan niya itong gawin.
Pero kung ang sagot ng iyong anak sa iyong tanong ay, hindi o ayaw niya pang kumain dahil hindi pa siya gutom, siya ay isang event-timer. Dahil nakadepende ang desisyon niya sa nararamdaman niya o pangyayari sa paligid niya.
2. Mag-adjust base sa needs ng iyong anak na event o clock timer.
Kung clock-timer ang iyong anak ay dapat bigyan siya ng time-based schedule. Halimbawa para masigurong magagawa niya ang mga assignments o school project niya ay bigyan siya ng deadline o schedule sa bawat task.
Sabihin na dapat ay nagawa niya ang mga assignments niya sa gabi bago mag-8pm o bago siya matulog. Puwede rin namang sabihin na, pagdating sa projects dapat ay simulan niya ng gawin ito sa araw ng Lunes.
Saka muli niyang ipagpatuloy sa Miyerkules at matapos niya ito ng Biyernes. Sa mga araw ng Martes at Huwebes ay maaaring siyang mag-break o kaya naman ay maaari niyang gamitin parin ito sa paggawa ng project niya kung gugustuhin niya.
Mahalaga ang pagbibigay ng time-based schedule sa mga batang clock-timers. Dahil ito ang ginagawa nilang basehan sa paggawa o pag-kumpleto ng isang task o activity.
3. Mag-isip ng different approach na tutugma sa routine ng iyong anak.
Kung ang iyong anak naman ay event timer o binabase ang kaniyang actions sa nangyayari sa paligid niya ay dapat mag-isip ka ng approach na aayon sa kaniya.
Halimbawa, kahit na male-late na ang iyong anak ay hindi pa rin ito tumatayo sa mesa sa dahilang hindi pa umano tapos ang kinakain niya. Ang mga event-timers ay hindi nakakagawa ng ibang task ng hindi pa natatapos ang nauna niyang ginagawa.
Para hindi siya mahuli sa klase at ma-delay ang iba pang niyang dapat gawin, mas mainam na bago pa man siya kumain ay paliguin na siya.
Pasuotin na rin siya ng kaniyang uniporme para pagtapos na siya kumain ay aalis at papasok nalang siya sa school. Sa ganitong paraan ay nasisiguro mong nagagawa niya ang lahat sa oras at hindi maapektuhan ang iba pa niyang mga task.
Food photo created by tirachardz – www.freepik.com
Isa pang approach na maaring gawin para sa mga event-timers lalo na pagdating sa paggawa ng projects o assignment ay ang pagpagawa sa kanila ng mga madadaling task muna.
Sapagkatang event-timers ay agad na napaghihinaan ng loob o nawawalan ng gana kapag nahirapan sila sa kanilang ginagawa. Mas mabuting unahing ipagawa sa kanila ang madadali.
Para mas ma-inspire sila at ma-motivate na gawin pa ang iba nilang dapat gawin. Hindi nila napapansin nagawa na pala nila ang kanilang task ng tama at pasok sa kanilang deadline.
4. Tandaan na hindi mo basta mababago ang ugali ng iyong anak.
Mahalaga ring isipin na hindi mo basta mababago ang ugali ng iyong anak. Ikaw ang kailangang mag-adjust sa kaniya.
5. Mahalaga rin na maintindihan mo ang iyong anak.
Para mas malaman mo ang approach na gagamitin sa iyong anak ay dapat magbigay ka ng oras na mas kilalanin siya at intindihin ang kaniyang ginagawa. Sa ganitong paraan ay nakakabuo ka ng strategy na magiging effective para sa kaniya.
6. Maging mabuting halimbawa sa iyong anak.
Ito ang pinakamahalagang bagay na dapat gawin ng bawat magulang. Para mapasunod ang iyong anak ay dapat maging mabuting halimbawa sa kaniya.
Dahil bilang kaniyang magulang ay ikaw ang tinitingnan niyang modelo o huwaran. Kaya para maging disiplinado at organisado siyang bata ay simulan ito sa iyong sarili muna.
People photo created by our-team – www.freepik.com
7. Matutong magpahinga
Hindi biro ang maging magulang dahil 24/7 ang iyong responsibilidad para sa iyong anak. Mahalaga na magbigay ng oras sa pagpapahinga. Hindi makakasama kung ipapaalaga muna siya kahit saglit sa kaniyang mga lolo at lola, o iba pang pinagkakatiwalaang kapamilya o kaibigan.
Sa ganitong paraan, mare-recharge kang muli sa pag-aalaga sa iyong anak.
Tandaan, kahit tayo’y mga magulang na ay mahalaga pa rin na isip din ang ating well-being sapagkat kapag tayo ay nagkasakit o labis na naii-stress ay hindi natin magagampanan ang tungkulin natin bilang mga magulang sa ating mga anak.
Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!