Successful na bata, iyan ang pangarap natin para sa ating mga anak. Pero bilang mga magulang, ano ba ang dapat nating gawin para mapalaki siyang matagumpay? Narito ang 7 paraan na ginagawa ng mga magulang na may successful na anak.
Paano maging successful na bata ang iyong anak
1. Hayaan siyang matuto ng mag-isa.
Bilang mga magulang ay nais nating laging maging protektado ang ating mga anak. Ngunit kailangan din nating tanggapin na upang matutunan ng ating anak ang isang bagay ay kailangan niyang maranasan ito. Kaya naman, huwag matakot na mahirapan ang anak o huwag siyang pigilang gumawa ng mga bagay na siya ay masasaktan. Gawin itong oportunidad upang dahan-dahang ipakita sa kaniya ang totoong mukha ng buhay. Na hindi sa lahat ng oras ay maayos at komportable ito. May mga oras talagang siya ay mahihirapan o masasaktan. Pero parte ito ng buhay na kailangan niyang matutunan at malampasan.
2. Isaisip na sa kabila ng kanilang pagiging advance mag-isip ang ating mga anak ay bata parin.
Bagamat maituturing na matalino ang iyong anak, isaisip na hindi nangangahulugan ito na siya ay mature na mag-isip. Sa simpleng salita, siya ay bata parin na kailangan mong paliwanagan upang maintindihan niya ang isang sitwasyon. Siya ay bata parin na kailangang maglaro at makipag-kaibigan sa kapwa niya mga bata. At siya ay bata parin na kailangan ng iyong gabay sa kung paano niya panghahawakan ang kaniyang damdamin.
3. Huwag siyang ikumpara sa ibang bata.
May kaniya-kaniyang phase of development ang bawat bata. Kaya huwag mag-alala kung nakikita mong nahuhuli ang iyong anak kumpara sa iba. O kung hindi siya tulad ng iyong panganay na anak noong nasa parehong edad sila. Dahil ang bawat isa sa ating ay may iba’t-ibang personalidad at kakayahan. Maaring may hindi siya kayang gawin na nakikita mong nagagawa ng iba. Huwag siyang i-pressure, at sa halip ay i-encourage siyang matuto sa paraang alam niya. Ngunit, patuloy lang siyang gabayan at alalayan sa bawat hakbang na kaniyang ginagawa.
4. Hayaang lutasin ng iyong anak ang kaniyang mga problema.
Ang pagkakaroon ng problema sa buhay ay normal na parte nito. Ika nga ng matatanda, ito ay ang paraan ng buhay upang tayo ay matuto. Kaya naman huwag matakot na mahirapan ang iyong anak. At hayaan siyang mag-isip at resolbahin ang mga problemang kaniyang kinakaharap bilang bata. Upang ito ay kaniyang makasanayan at makalakihan. Dahil hindi sa lahat ng oras, ikaw ay nandyan. At ito ay isang paraan upang ihanda siya sa mas malalaking pagsubok ng buhay habang siya ay lumalaki.
5. Ipakitang ang mundo ay may maganda at hindi magandang mukha.
Ang unang paraan para matuto siyang harapin ang mga pagsubok o problema na kaniyang mararanasan ay ang pagpapaliwanag na ito ay normal na parte lang ng buhay. Ipaliwanag sa kaniya na hindi lahat sa mundo ay komportable o maganda. May mga bagay o tao rito na makakasakit sa kaniya. At may mga tao ring maaring magmahal at tumulong sa kaniya. O kaya naman ay may mga oras na maaring mahihirapan siya at may mga oras na makukuha niya ang gusto niya. Ngunit ito ay nakadepende sa kung paano niya haharapin ang kaniyang problema. At kung paano niya pakikitunguhan ang mga taong nasa paligid niya.
6. Huwag takutin ang iyong anak na iiwan mo siya kapag hindi niya nasunod ang gusto mo.
Karamihan sa atin ay ganito ang panakot sa ating mga anak kapag sila ay hindi na sumusunod. Tulad ng, “Sige, kung hindi ka titigil, iiwan kita dito.” O “Kung hindi ka susunod, aalis ako!” Bagamat napapatigil ng mga salitang ito ang tantrums ng iyong anak, may hindi naman ito magandang ipinapahiwatig sa kaniya. Dahil sa ganitong paraan ay ipinapakita mo sa kaniya na maari siyang iwan ng mga taong mahalaga sa kaniya kapag hindi niya sinunod ang mga gusto nito. Kaya naman imbis na matuto o mag-develop sa paraan niya ay makakahon siya sa pagsunod lang sa gusto mo. Dahil sa takot na mag-isa o maiwan kapag hindi niya nagawa ito.
7. Maging mabuting halimbawa sa iyong anak.
Ayon sa mga eksperto at pag-aaral, ang mga bata ay natututo sa pamamagitan ng kanilang nakikita. Kaya naman huwag magtaka kung may mga gawi kang napapansin mong ginagawa rin ng iyong anak. Dahil sa ito ay nakikita niya sayo at kaniyang ginagaya. Kaya naman kung gusto mong lumaki siyang successful na bata ay ipakita ang mga ugaling dapat niyang taglayin. Maging mabuting halimbawa sa kaniya na kaniyang gagayahin at iidolohin. Upang ito ay kaniyang magamit sa pag-abot ng tagumpay na pinapangarap mo para sa kaniya.
Source: Powerful Mind
BASAHIN: Ito raw ang sikreto para maging successful ang iyong anak
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!