Sa Malaysia, isang lalaki ang kinailangang isugod sa ospital dahil sa sumabog na cellphone. Ang 21 taong gulang mula sa Sarawak ay nagtamo ng pagkasunog nang nasa 20% ng kanyang katawan.
Nakagawian na niya ang ganoong gawain
Nakagawian na ng binata ang gumamit ng kanyang cellphone sa kama habang nakasaksak ito at nagcha-charge. Siya ay umiidlip, hapon ng Sabado, ika-15 ng Hunyo taong 2019. Hindi niya napansin na nag-ooverheat na ang kanyang cellphone habang siya ay nahihimbing.
Sa pagsabog nito, nakatanggap ng mga pagsunog ang kanyang dibdib pati narin ang kutson ng kanyang kama. Napasigaw nalang ang binata na naging dahilan ng pagsugod ng mga kapamilya sa kanyang kwarto. Dito siya nadatnan na marami nang burn injuries.
Dali-daling tumawag ang mga kapamilya ng binata ng emergency services. Maya-maya ay dumating na ang mga paramedics at dinala siya sa Sarawak General Hospital. Napag-alaman ng mga duktor na ang binata ay nagtamo ng sunog sa kanyang dibdib, leeg at kanang kamay.
Hindi pa malinaw sa mga awtoridad ang dahilan ng sumabog na cellphone. Ganun pa man, marami nang ganitong insidente ang umabot sa kanila. Ang karaniwang mga nakikitang dahilan ay may sirang baterya at third-party cellphone accessories.
Maging maingat
Ang mga cellphones ay naging bahagi ng makabagong buhay. Kadalasan ay dala ito saan man magpunta mula umaga hanggang sa pagtulog. Ngunit, hindi ito mga perpektong kagamitan at maraming maaaring madulot na problema. Isa na dito ang panganib ng pagsabog ng cellphone.
Para maiwasan na makaranas ng sumabog na cellphone, may 10 tips na maaaring sundin.
Iwasan mag-charge nang matagal
Karaniwan sa mga sumasabog na cellphones ay nangyayari habang nakasaksak ang mga ito. Kaya hangga’t maaari, iwasang hayaan na nakasaksak ang cellphone lalo na kung ito ay full-charge na. Kasama din dito na iwasan ang pag-iwang nakasaksak nito buong gabi.
Huwag patungan habang nagcha-charge
Marami ring kaso na hindi pa-full charge ang cellphone ngunit sumabog na. Karaniwan itong nangyayari kapag habang nagcha-charge ay napatungan ito ng isang gamit tulad ng unan. Nagiging dahilan ito para mag-init ang naturang cellphone kung saan hindi kinakaya ng baterya ang temperatura at sumasabog.
Huwag gamitin habang nagcha-charge
Ang mga mabibigat na gawain para sa cellphone ay minsan nakaka-init sa baterya. Kapag sinabay ito sa pagcha-charge, lalong tumataas ang baterya ng cellphone at nagiging mapanganib. Kasama sa mga gawaing ito ang panunuod ng mga videos o paglalaro ng mga matataas ang graphics na laro.
Huwag gumamit ng earphones habang nagcha-charge
Isa rin sa mga ipinagbabawal ng mga eksperto ang paggamit ng earphones habang nagcha-charge ang cellphone. Ayon sa kanila, ito ay hindi magandang ideya at dapat ay itigil nang gawin.
Huwag tumanggap ng tawag habang nagcha-charge
Ang mga tawag ay kinikilala rin na mabigat na gawain sa baterya ng cellphone. Dapat iwasan ang pagsagot ng tawag habang china-charge ang cellphone. Kung importanteng sagutin ang tawag, maaaring tanggalin muna ang pagkakasaksak bago ito sagutin.
Iwasan ang power strips o extension chords
Mabuting hindi gumamit ng power strips o extension chords bilang saksakan habang nagcha-charge. Ito ay sa kadahilanang kapag may isa pang nakasaksak ang magloko, apektado rin ang ibang nakasaksak dito.
Pagcha-charge sa init ng araw
Habang nagcha-charge ng cellphone, huwag itong ilagay sa isang lugar na direkta sa init ng araw. Kabilang sa mga lugar na ito ang bintana, dashboard, o mismong sa init ng araw. Nagbibigay ito ng sobrang pag-init sa device na maaaring maging dahilan ng pagsabog nito.
Tanggalin ang case
Halos lahat ngayon ay gumagamit ng case para hindi magasgasan ang mga cellphone. Nakabubuti ito ngunit kailangang ugaliin na tanggalin habang nagcha-charge ang gamit. Ito ay para mabigyan ng sapat na hangin maging ang likod ng cellphone at maiwasan ang pag-overheat.
Gamitin ang orihinal na charger
Marami na ngayon ang magkakapareho ng cords o kaya naman may mga adapters para magamit ang ibang cord. Subalit, maaaring kulang o sobra ang nabibigay na lakas nito sa baterya na magiging dahilan ng pagkasira nito. Masmakakabuti ang paggamit ng orihinal na charger na kasama sa pagbili ng cellphone. Kung masira, masligtas gumamit ng orihinal imbes na gumamit ng fake.
Orihinal na baterya
Tulad sa chargers, ang pekeng baterya ay maaaring magdulot ng panganib sa iyong paggamit ng cellphone. Hindi makakasigurado sa tibay ng mga pekeng baterya at dahil ito ang pinakadahilan ng pagsabog ng mga cellphones, masmabuti nang maging sigurado dito.
Mahalaga ang maging maingat sa mga gamit lalo na sa mga maaaring makapinsala kapag napabayaan. Hindi dapat makita bilang dagdag gastos lamang ang pag-iingat dahil ito ay para sa ating kaligatasan.
Source: AsiaOne, Gizbot
Basahin: 10-anyos nalapnos ang balat dahil sa sumabog na charger ng kaniyang tablet
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!