Paano maiiwasan ang “Summer Slide” sa mga bata ngayong bakasyon?

Mahigit dalawang buwan na namang walang pasok sa eskwelahan ang mga bata. Narito ang ilang bagay na pwedeng gawin para maiwasan ang "summer slide"

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Ang tinatawag na “Summer Slide” ay ang nangyayari kapag walang pasok sa eskwelahan ang mga bata nang mahabang panahon, tulad nga kapag summer break. Sinasabing “slip and slide” dahil parang lahat ng napag-aralan nuong nakaraang taon ay dumulas na lang at nakakalimutan na. Dahil walang sapat na mental, cognitive at physical activities sa buong bakasyon, mabilis daw na nawawaglit na ang mga kakayahang natutunan tulad ng mga partikular na reading at math skills nuong katatapos lang na school year. May mga ni hindi humawahawak ng libro sa buong 2 o 3 buwan ng summer, kaya naman hirap na hirap na naman bumalik sa pag-aaral pagdating ng pasukan.

Ayon kay Teacher Joji Reynes-Santos, director ng Candent Learning Haus at CAMP L.I.F.E Summer Camp, ang paglalaro, structured man o free-play o pinipili ng bata para sa sarili, ay isang epektibong paraan para masiguradong may pagkatuto pa rin kahit walang pasok sa eskwela. Maraming pwedeng gawin para hindi tuluyang mawala ang mga mahahalagang skills na natutunan na, bagkus ay magkakaron pa ng mastery. Ayon sa mga eksperto National Adult Literacy Agency, kung walang sapat na pagkakataon para matuto o magsanay ng mga natutunan kapag summer break, maaaring magkaron ng seryosong learning gap at academic consequences o epekto sa pagkatuto.

Sa mga masusing pagsasaliksik sa loob ng mahigit 100 taon sa Amerika, ang mga estudyante ay nakakakuha ng mababang score sa standardized tests na kinukuha nila sa simula ng pasukan pagkatapos ng bakasyon, kaysa sa parehong pagsusulit bago magsimula ang bakasyon. (White, 1906; Heyns, 1978; Entwisle & Alexander 1992; Cooper, 1996; Downey et al, 2004). Hindi nga kasi nabibigyan ang mga bata ng makabuluhang gawain kapag bakasyon na. (Duffett et al, 2004).

Paano nga ba maiiwasan ang “summer slide”?

Lumabas at matuto

Iwasang manatili lang sa bahay nang matagal. Ilabas ang mga bata at pumunta sa mga lugar na makabuluhan at may matutunan sila tulad ng mga local parks, museum, nature centers at zoo. Isama ang mga bata sa isang nature walk para magamit ang kanilang 5 senses. Maghanda ng mga tanong para gabayan sila habang namamasyal kayo at nagmamasid. Gawing paksa ng usapan ang mga nakita pagdating sa bahay.

Hikayatin silang kumuha ng mga litrato at magsulat tungkol sa mga nakikita at nararanasan 

Nasa magulang din ang paggabay kung paano mas matatandaan at magkakaron ng impact ang mga nakita sa labas ng bahay. Uso na ang pagkuha ng litrato gamit ang cellphone o tablet kaya’t hikayatin sila na i-dokumento ang mga nakita. Mahusay din kung isusulat nila ito, o gagawa ng libro tungkol dito gamit ang litrato at caption sa mga ito. Kung nasa edad 10 pataas ang mga bata, maaari na silang gumawa pa ng maiikling video para ipakita ang mga lugar na napuntahan.

Dalhin sila sa mga library at bookstores

Samahan ang mga bata na tumingin ng mga libro na gusto nilang basahin. Sa simula pa lang ng bakasyon, manghiram o bumili ng mga libro na babasahin sa katagalan ng bakasyon. Magtalaga ng kalahating oras hanggang isang oras sa isang araw para sa tahimik na pagbabasa. Subukan ding maghanap ng mga reading programs na mapupuntahan kahit isa o dalawang beses lang sa isang linggo.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Maglaro sa labas—sa kalye, sa garahe, sa hardin, o maski sa sidemalk

Bigyan sila ng chalk at maglaro ng piko, patintero, o iba pang mga laro na may rules, lalo na mga larong maghihikayat sa kanilang bumilang. Hayaan silang mag-drawing, mag tic-tac-toe sa sahig at gumawa ng mga makukulay na patterns.

Mag-praktis ng math at pagbibilang habang gumagawa ng gawaing bahay

Isama sila sa grocery, palengke, o botika, at tulungan silang bumili at matutong magbilang at magkwenta. Maghanap ng iba’t ibang math at number activities para sa mga bata, tulad ng pagsukat ng mga sahog sa iluluto o ibe-bake. Pati ang sorting o paghihiwalay at pagsasama-sama ng mga labada o damit ayon sa kulay, at pagbibilang nito, ay makakatulong sa paglinang ng math skills.

Maghanap ng summer program ayon sa hilig nila

Ipasok ang mga bata sa mga summer program o camp na makakatulong sa pangangailangan nila. Maaaring hilig nila, o kinakailangang kakayahan. Ang mga structured summer experiences na ito ang makakatulong na mapanatili sa isipan ng mga bata ang mahahalaga o valuable skills na kailangang para sa susunod na pasukan, paliwanag ni Teacher Joji. Bukod pa dito, marami silang makikilalang bagong kaibigan, mga bagong karanasan, habang nededevelop ang kanilang mga talento at nahahasa ang talino.

Mag-ensayo ng handwriting at spelling sa iba’t ibang paraan

Patulungin ang mga bata sa mga gawaing bahay habang tinuturuan sila ng spelling at nagsasanay sa pagsusulat. Hayaang sila ang magsulat ng grocery o shopping list, at mga paalala o reminders para kay Daddy bago pumasok. Hikayatin din silang sumulat ng postcard o liham para sa mga lolo at lola nila, o mga kamag-anak sa ibang bansa.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Mag-experiment gamit ang mga gamit sa kusina

Marami nang makikita sa Internet ngayon na mga praktikal na experiment para sa mga bata. Gamit ang suka at baking soda, pwedeng mag-simulate ng pagsabog ng bulka, o tubig at cornstarch na may food coloring para gumawa ng slime. Alamin ang paliwanag sa mga chemical reactions na napagmasdan at pag-usapan ito.

Mag-aral o sumubok ng isang bagong bagay o skill, bawat linggo

Maglaro ng isang laro na hindi alam ng kahit sino sa pamilya, mag-aral magbisikleta o mag-aral ng sungka—kahit anumang bagay na hindi alam ng isa o lahat sa pamilya. Dito malalaman na rin kung ano ang gusto pang matutunan ng mga anak, at makikilala rin ng mga anak ang mga magulang dahil malalaman din nila ang mga bagay na hindi pa nagagawa o nasusubukan ni Mommy at Daddy.

Magtalaga ng family game night

Maaaring tuwing Biyernes o Linggo, magkaron ng family game night kung saan ang buong pamilya, o kasama ang mga pinsan, lolo at lola at tiyo at tiya, ay maglalaro ng charades, bingo, o videoke contest. Pwede ring maglaro ng chess o Scrabble para mahasa ng analytical at problem-solving skills, at spelling at vocabulary skills.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Magsimula ng maliit na negosyo

Hikayatin ang mga batang gumawa ng mga bagay na pwede nilang ibenta. Maaaring kuwintas, picture frame, mga halaman, o kaya ay mga nilutong cookies o kakanin. Gumawa ng mga signs at flyers para maipaalam sa mga kapitbahay ang binebenta. Maaari ding maglagay ng Garage Sale o ukay ukay para magbenta ng iba’t ibang bagay, para mahasa ang mga bata sa math skills.

Magsimula ng Summer Olympics sa mga kapitbahay

Magplano kasama ang mga kapitbahay, kamag-anak o kaibigan para sa isang masayang sports event para mahikayat na gumalaw at mag-ensayo ang buong pamilya. Kasiyahan lamang, pero hindi ba’t masaya na magkasama-sama at magkaron ng isang healthy competition, habang na-eehersisyo ang mga katawan?

Bilang magulang, gusto naman nating maging relaxed at masaya ang bakasyon ng mga anak natin. Syempre naman, puro aral na nga sa buong 10 buwan, kailangan din nila ng pahinga. Pero maraming paraan na hindi nakaka-stress pero nakakatulong sa kabuuang paglaki at pag-unlad ng mga bata. Kaya’t ang lahat ng suhestiyon sa itaas ay pawang mga makakabuti sa mga bata, ngunit option lamang ang mga ito, at hindi kailangang sumakop sa buong bakasyon. Maiiwasan ang “Summer Slide”  o hadlang sa pagkatuto, kung ang mga bata ay magiging aktibo sa iba’t ibang makabuluhang gawain at educational activities habang bakasyon.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

 

Photo: pixabay.com

READ: How can parents prevent the dreaded ‘summer slide’?

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement