Ang sungki na ngipin o crooked teeth in English ay ang pagtubo ng ngipin sa maling posisyon dahilan para hindi ito maging kalinya ng iba. Maaaring magkaroon ng sungki na ngipin sa bata man o matanda.
Puwedeng magdulot ng pagbaba ng self-esteem ng bata ang hindi magandang alignment ng ngipin dulot ng sungki. Bukod pa rito, nagdudulot din ng hirap sa pagnguya ang sungki na ngipin.
Bakit nagkakaroon ng sungki na ngipin?
Tinatawag ding malposed teeth ang sungki na ngipin, dental term ito samantala crooked teeth naman ang tawag in English. Kadalasang tumutubo ang sungki na ngipin bilang baby tooth. O kaya naman ay kapag napalitan ang baby tooth ng permanent tooth na hindi maayos ang tubo.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Cottonbro
Anu-ano nga ba ang sanhi ng sungki na ngipin?
- Masyadong maliit ang baby tooth para sa gum space na nakalaan para dito, kaya naman nauurong ang ngipin habang tumutubo at nawawala sa tamang linya.
- Tinitingnan ding dahilan ng pagkakaroon ng sungki na ngipin ang heredity o sa madaling salita ay namamana. Kung may sungki na ngipin ang magulang ay posible rin na magkaroon sa bata.
- Myofunctional habits tulad ng thumb sucking, paggamit ng pacifier, tongue thrusting at mouth breathing.
- Kakulangan sa nutrisyon. Puwede itong magdulot ng tooth decay at poor dental development.
- Facial injury. Kapag nagkaroon ng injury o malakas na trauma sa bahagi ng mukha, posibleng mabasag at maurong ang ngipin mula sa orihinal na posisyon nito.
- Maloclussion o misaligned jaw. Tinatawag ding overbite o underbite ang mga taong hindi maayos ang alignment ng panga. Kapag ikaw ay underbite ang lower teeth mo ay mas nakausli kaysa sa upper teeth. Kapag overbite naman ay nakausli ang mga ngipin sa taas. Ang pagiging overbite ay maaaring magdulot ng pagkakaroon ng sungki na ngipin sa taas.
- Kakulangan sa maayos na pag-aalaga ng ngipin. Mahalagang magpatingin ng ngipin sa iyong dentista para maiwasan ang gum disease at impeksyon mula sa cavities. Maaari rin kasi itong maging dahilan ng pagkakaroon ng sungki na ngipin at iba pang dental health problems.
- Kung nakaranas ng trauma sa bibig o iba pang dental health problems na naging sanhi ng pagkabunot ng baby teeth, maaaring crooked teeth ang pumalit dito bilang permanent teeth.
Epekto ng crooked teeth
Maaaring magdulot ng discomfort ang pagkakaroon ng sungki na ngipin. Bukod sa epekto nito sa self-esteem, puwede rin itong magdulot ng hirap sa pag nguya. Maaaring maging sanhi ng digestion problem kapag hirap ngumuya ang isang tao.
Bukod pa riyan, narito ang iba pang maaaring epekto ng pagkakaroon ng crooked teeth:
- Excess wear at pagkabasag ng ngipin, punit sa gilagid, jaw strain, temporomandibular joint disorder, at chronic headaches.
- Dahil mahirap linisin sa pamamagitan ng toothbrush ang ngipin kapag mayroong sungki, karaniwang madaling magkaroon ng sirang ngipin. Bukod sa tooth decay, posible ring magkaroon ng gum disease. Kapag hindi ginamot ang gum disease ay maaari itong humantong sa mas seryosong kondisyon na nakaaapekto sa ngipin at mga buto.
- Puwede ring makaapekto sa pagsasalita ang crooked teeth. Kapag hindi aligned ang mga ngipin, maaari itong magdulot ng ‘di maayos na pagkakabigkas sa mga salita.
Paano maayos ang sungki na ngipin, pwede ba itong ipabunot?
Mayroong iba’t ibang paraan para maging maayos ang crooked teeth. Pwede ba ipabunot ang sungki na ngipin? Nakadepende ito sa kung gaano kalala ang sungki o ang misalignment ng iyong mga ngipin.
Maraming ibang paraan paano maayos ang sungki na ngipin. Isa nga ang tooth extraction o pagbunot sa isa o higit pang ngipin para mailinya ito nang maayos.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Karolina Grabowska
Makatutulong ang pagbunot ng sungki na ngipin para:
- Maayos ang pagsisiksikan ng mga ngipin na nagreresulta ng crooked teeth.
- Matanggal ang mga sobrang ngipin
- Maging normal ang development ng panga at mapatibay ito
- Ma-correct ang nakausling ngipin o protruding teeth
- Tanggalin ang dalawang conflicting teeth para bigyan ng lugar ang isa pa na tumubo nang maayos.
Kung ang kondisyon ng sungki na ngipin ay hindi naman nangangailabgan ng pagbunot, mayroong iba pang paraan paano maayos ang sungki na ngipin.
Puwedeng gumamit ng braces para maituwid ang alignment ng ngipin at maayos ang sungki. Mayroong iba’t ibang uri ng braces na maaaring gamitin.
Iba’t ibang uri ng braces para sa crooked teeth
Invisible braces
Nirerekomenda ito para lamang sa adults at teens. Hindi ito maaaring gamitin ng mga mas bata. Ang invisible braces o invisible aligners ay gawa sa clear plastic na custom-made para mag-fit sa iyong bibig. Sakto ito sa bawat ngipin na parang mouth guard. Akma itong gamitin para sa mild-to-moderate tooth alignment correction.
Kailangan din tanggalin at palitan kada dalawang buwan ang invisible braces.
Metal braces
Ito ang pangkaraniwang brace na ginagamit para i-ayos ang alignment ng ngipin. Fixed itong ilalagay sa ngipin. Mayroon itong brackets, bands, at flexible wire. Kung complex o severe ang alignment issue ng ngipin, mas mabuting piliin ang metal braces.
Tinutulungan ng metal braces na dahan-dahang i-urong ang sungki patungo sa tamang posisyon. Karaniwan itong ginagamit sa pagsasaayos ng espasyo ng ngipin, overcrowded na mga ngipin at severe misalignment.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Anna Shvets
Lingual braces
Katulad din ito ng metal braces, kaya lamang ay ikinakabit ito sa lingual surface o sa likod na bahagi ng ngipin.
Hindi naman kailangan ng lingual braces kung mild lamang ang sungki ng ngipin. Kapag severe ang misalignment at crooked teeth, maaari itong irekomenda ng doktor. May kamahalan ang lingual braces kung ikokompara sa ibang uri ng brace.
Ceramic braces
Clear o kaya naman ay kakulay ng ngipin ang ceramic braces at ang archwires na nagdurugtong dito. Katulad din ito ng metal brackets sa paraan ng pag-align sa ngipin. Kaya lang, mas prone sa dumi at mas madaling masira ang ceramic braces kompara sa metal.
Samantala, kung hindi uubra ang braces para maitama ang alignment ng ngipin maaaring irekomenda ng doktor ang teeth-straightening surgery.
Surgery para maayos ang sungki
Puwedeng i-rekomenda ng doktor na sumailalim sa minor surgical procedure para mai-reposition ang mga buto at gilagid at maitama ang alignment ng mga ngipin.
Sa mga severe case naman ng misalignment ng ngipin, maaaring i-suggest ng doktor ang procedure kung saan ay ire-realign ang mismong panga.
Tinatawag itong orthognathic surgery. Karaniwan itong nirerekomenda kung naaapektuhan ang pag nguya at pagsasalita ng isang tao dahil sa sungki o misalignment ng ngipin.
Kailan dapat pumunta sa doktor?
Larawan mula sa Pexels kuha ni Cedric Fauntleroy
Kung nakaaapekto sa kalidad ng iyong buhay ang pagkakaroon ng sungki na ngipin, maaaring pumunta sa iyong dentist. Kung kailangan na i-realign ang iyong ngipin, irerekomenda ng iyong dentista na magpatingin ka sa orthodontist para matingnan ang iyong kalagayan.
Nakadepende sa severity ng iyong kondisyon kung anong pagwawasto ang irerekomenda ng doktor para sa’yo. Kung kakailanganin mong magsuot ng braces, susukatin ito sa iyong bibig at pababalikin ka na lamang para sa bagong appointment kapag nagawa na ang braces.
Tandaan na importante rin ang regular dental check-up para mapanatili ang maayos na dental health. Mahalagang ipalinis ang cavities sa ngipin na hindi basta-basta natatanggal sa pamamagitan ng simpleng pagsesepilyo.
Makatutulong ang pagpapatingin sa doktor ng iyong ngipin para maiwasan ang gum disease at pagkabulok ng ngipin.
Ang crooked teeth o sungki sa ngipin ay karaniwang problema hindi lang sa mga bata kundi maging ng matatanda. Kung hindi naman ito nagdudulot ng isyu sa kalusugan at self-esteem, hindi rin ito nangangailangan ng paggamot. Tiyakin lang na panatilihin ang kalinisan ng ngipin para hindi humantong sa maimpeksyon.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!