Dahil panahon na naman ng ubo, sipon, trangkaso, at higit sa lahat, Covid-19 virus, importante ang maging maalam sa iba’t ibang home remedies kung ikaw man ay makararanas ng mga sintomas na ito.
Narito ang mga dapat mong malaman tungkol sa suob o tuob na pinaniniwalaang gamot sa ilang mga sakit nating mga Pilipino.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang suob o tuob?
- Paano mag suob at tuob.
- Paano ito nakakatulong na mapabuti ang pakiramdam ng isang tao.
Talaan ng Nilalaman
Mga dapat mong malaman tungkol sa suob o tuob
-
Ano ang suob o tuob?
Ang suob o tuob ay isa sa kinaugaliang homebased therapy o remedy sa mga sakit nating mga Pilipino. Sa salitang Ingles ay kilala ito sa tawag na steam inhalation.
Tinatawag din itong steam therapy dahil sa pamamagitan ng steam o water vapor ay gumiginhawa ang paghinga o pakiramdam ng isang taong may sakit.
-
Paano mag suob o tuob?
Ang suob o tuob ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagkukulob sa loob ng kumot o tuwalya ng isang tao habang nilalanghap ang steam o usok mula sa palanggana o bowl na may lamang mainit na tubig.
Ang tubig maaaring haluan ng iba pang halamang gamot tulad ng bayabas, eucalyptus o kaya naman ay asin na pinaniniwalaang nakakadagdag umano ng effectivity nito.
Sa layo na 8-12 pulgada mula sa palangganang may mainit na tubig ay lalanghapin ng taong may sakit ang usok o steam mula dito. Kailangan niyang huminga ng malalim at dahan-dahan para masigurong malalanghap niya ang steam papasok sa kaniyang ilong.
Ang pagsusuob ay dapat gawin ng pasyente sa loob ng 10-15 minuto. Bagama’t maaari niyang ulitin ito ng 2-3 beses sa loob ng isang araw.
Paniniwala naman ng mga matatanda, ang goal sa pagsasagawa ng suob o tuob ay ang pagpawisan ang taong gumagawa nito na siyang sinasabing paraan para mailabas niya ang nararanasang sakit. Partikular na ang lamig sa katawan na sinasabing nalulunasan ng steam inhalation o suob.
3. Ano ang mga sakit na pinaniniwalaang nagagamot ng suob o tuob?
Ang suob o tuob ay sinasabing mabisang panlunas sa sakit lalo na kung ang tubig na gagamitin dito ay hahaluan ng asin. Ito ay madalas na ginagamit na panlunas sa mga sakit tulad ng ubo, sipon, lagnat at trangkaso.
Pinaniniwalaang gamot rin ito sa binat ng mga bagong panganak na babae. Sinasabing paraan din ito para maalis ang mga lamig sa katawan at maibsan ang pasma na nararanasan.
4. Suob o tuob makakatulong lang na maibsan ang sintomas ng ilang sakit at hindi para pagalingin ang isang tao.
Ayon sa World Health Organization o WHO, ang suob ay makakatulong lang na maibsan ang sintomas ng sakit na nararamdaman. Pero ito’y hindi isang ganap na gamot o lunas sa kahit anong mang karamdaman,
Base naman sa Healthline, ang mga sakit na kung saan makakatulong ang suob o tuob para mabawasan ang lala ng sintomas na nararamdaman ay ang sumusunod:
- Sipon
- Baradong ilong
- Trangkaso
- Sinusitis
- Bronchitis
- Nasal Allergies
- Throat irritation
- HIrap sa paghinga
- Dry o irritated na nasal passages
- Ubo
Muli, ang mga sakit na nabanggit ay hindi tuluyang malulunasan ng pagsusuob. Hindi ito nakakatulong na malabanan ng katawan ang impeksyon na nararanasan. Pero makakatulong itong mapabuti at guminhawa ang pakiramdam ng pasyente.
BASAHIN:
Alagang Unilab: Healthier Ph Opens Dialogue on Steam Inhalation as a Health Treatment
5. HINDI TOTOONG nakakatulong ang suob o tuob na malunasan ang sakit na COVID-19.
Dahil sa mabilis na pagkalat ng sakit at wala pa ring natutuklasang gamot para dito, ang suob o tuob ang sinasabing isa mga paraan para malunasan ang sakit na COVID-19.
Ito umano ay sa pamamagitan ng init ng usok nito na kayang patayin ang COVID-19 virus. Pero ayon sa mga doktor at eksperto, ito ay hindi totoo. Paliwanag nila magpa-hanggang ngayon ay wala pa ring natutuklasang gamot sa COVID-19.
Image from WHO’s Official Twitter account
-
Sa pamamagitan ng suob para sa ubo at sipon ay maaari pang mas kumalat ang COVID-19.
Paliwanag ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, walang pag-aaral o scientific evidence ang makakapagpatunay na maaaring malunasan ng suob ang COVID-19.
Kahit haluan pa umano ito ng lemon, asin at iba pang halamang gamot. Imbis na makatulong na mapigilan ang sakit ay maaaring maging paraan pa nga umano ito para mas kumalat pa ang virus.
“Nais naming bigyang linaw na walang scientific evidence na nagpapatunay na steam inhalation or paglanghap ng steam na may asin, lemon at ipang sangkap ay nakakapatay ng virus na nagiging sanhi ng COVID-19.”
“May posibilidad pa na mapasama ang virus sa singaw na maaaring pagmulan ng lalong pagkalat ng sakit.
Ang steam inhalation din po ay nagpaparami ng secretions sa ilong na posibleng makahawa ng sakit sa pamamagitan ng pagbahing or pag-ubo ng individual.”
Ito ang nasabi ni Vergeire sa isang pahayag.
-
Ang COVID-19 virus na nahalo sa steam o usok mula sa suob ay mas nakakahawa.
Dagdag naman ni Dr. Magdalena Barcelon, ang pagkakahalo ng COVID-19 virus sa steam o usok mula sa suob ay mas nakakahawa. Dahil sa ang particles nito ay mas maliliit at mas malayo ang naaabot.
Mas madali rin itong ma-iinhale at pumasok sa baga ng isang tao, ang resulta mas madaling ma-iinfect ng sakit na COVID-19 ang sinumang makakalanghap nito.
Pahayag ni Dr. Barcelon na presidente ng mga samahan ng mga doktor na Compass o Community Medicine Practitioners and Advocates Association,
“The spread through aerosols can be much more dangerous and widespread because these are very tiny particles that can travel farther and stay in the air much longer. When inhaled, they can penetrate deeper into the respiratory chamber than ordinary droplets do.”
Additional info: Covid-19 Virus
Mga signs at symptoms
Ang karaniwang sintomas ng Covid-19 ang mga sumusunod:
- Lagnat
- Cough
- Kahirapan sa paghinga
- Pagkapagod
- Muscle ache
- Sakit ng ulo
- Kawalan ng panlasa o pang-amoy
- Sore throat
- Sipon o congestion
- Pagduduwal
- Diarrhea
Kailan dapat kumonsulta sa doktor
Agad na tumawg sa inyong doktor kung ikaw ay nakararanas ng mga sumusunod:
- Problema sa paghinga
- Patuloy na pananakit o presyon sa dibdib
- Bagong kalituhan
- Kawalan ng kakayahang magising o manatiling gising
Mangyaring tawagan ang iyong doktor para sa anumang iba pang mga sintomas na malala o maaaring may kinalaman sa sintomas ng Covid-19.
-
May posibilidad rin na lalo pang sumama ang pakiramdam o kondisyon ng isang taong magsasagawa ng suob o tuob.
Paliwanag naman ni Dr. Ana Lisa Ong-Lim, imbis na makatulong ay maaari pang lalong makasama ang suob o tuob sa kondisyon ng isang pasyente.
Dahil ang init mula dito ay maaaring maka-damage sa muscosa o ang inner lining ng ilong, bibig at lalamunan. Kapag ito ay nangyari ay mas lalong magiging prone sa impeksyon o sakit ang isang tao.
Si Dr. Ong-Lim ay mula sa DOH-Technical Advisory Group sa Philippine General Hospital.
Woman photo created by stockking – www.freepik.com
-
Ang paglalagay ng campor o eucalyptus sa steam o suob ay maaaring magdulot din ng iritasyon o pamamaga sa ilong at lalamunan.
Dagdag naman ng pulmonologist at biochemist na si Dr. Earl Louis Sempio, bagamat nakaka-relax at nakakaginhawa ang paglalagay ng camphor o eucalyptus sa steam o suob, ito ay maaari ring makasama. Lalo na kung masyadong marami o matapang ang nalanghap na camphor ng isang tao
“Bata pa ako, mga magulang ko, lola ko, ginagamit na ang eucalyptus oil. Nakakaramdam tayo ng ginhawa. Ang sarap huminga whenever we smell eucalyptus. Pero tandaan natin, kahit ano’ng sobra, masama. There are those that cause irritation”, sabi ni Dr. Sempio.
Ayon sa Healthline, ang pagkakalanghap ng sobrang camphor ay maaring maging dahilan pa ng pagkakaroon ng ubo o wheezing isang tao.
Isang mahalagang paalala, hindi dapat sumusobra sa isang kutsara ang inilalagay na camphor solution sa steam inhalation.
-
Maaaring magdulot pa ng paso sa balat ang maling pagsasagawa ng suob.
Maliban sa mga nabanggit na maaring maging masamang epekto ng suob sa bata o matanda, ito ay maari ring magdulot ng peligro sa balat.
Sapagkat ang maling paggawa nito ay maaaring mauwi sa pagkakabanli ng mainit na tubig na maaaring magdulot ng paso. Tulad ng nangyari sa aktres na si Nina Jose na nag-self medicate at ginamit ang suob para malunasan ang kaniyang allergies.
Ang timba ng puno ng mainit na tubig ay ipinatong ng aktres sa isang shaky na mesa. Ang resulta natapon ito sa kaniya. Siya ay nagtamo ng second degree burn sa kaniyang hita, puwit at private area.
“I was so paranoid about my health a little discomfort in my jaw or my tmj or my allergies I thought I could self-medicate and do suob.”
“Suob does wonders don’t get me wrong, but in general, I am a very clumsy person. I was doing suob and the pail of steaming hot water was in a shaky table.
In a matter of minutes, the steaming hot water fell on me in the sofa where I was sitting down. And I was in a shock I did not even stand up right away.
I didn’t even cry right away. It turned out it was a second degree burn in my thighs, butt and some parts of my private area.”
Ito ang pahayag ni Nina tungkol sa aksidente sa suob na naranasan niya.
Kaya naman doble ingat ang kinakailangan kung ikaw ay magsasagawa ng suob lalo na kung ito ay suob sa bata.
-
Paano maiiwasang mabanlian ng mainit na tubig habang nagsusuob.
Para maiwasang aksidenteng matapon ang mainit na tubig na ginagamit sa pag-susuob at maiwasan ang pagkakapaso ay narito ang ilang paalala na dapat tandaan. Mga bawal sa suob:
- Siguraduhing nakapatong sa isang matibay na mesa ang palanggana o bowl na may mainit na tubig na ginagamit pang-suob. Ito ay hindi dapat nagagalaw o basta-basta natutumba.
- Iwasang sumandal sa bowl o palangganang may mainit na tubig.
- Dapat ding iwasan na mapunta ang steam o mainit na usok sa iyon mata. Dapat ang iyong mata ay malayo sa steam o usok at nakapikit sa oras na isinasagawa ang pagsusuob.
- Ilagay sa lugar na hindi maabot ng bata o iyong alagang hayop ang bowl na ginagamit sa pagsusuob.
Water photo created by freepik – www.freepik.com
-
Hindi ipinapayong gawin ang suob sa bata.
Ang numero unang dahilan nito ay ang mataas na tiyansa ng isang bata na mapaso dahil sa mainit na tubig o usok mula sa pagsusuob.
Sapagkat sa ang mga bata ay natural na malilikot ay hindi maiiwasang masagi nila ang bowl na may mainit na tubig na maaaring simulan ng aksidente.
Base sa isang pag-aaral, naitala na karamihan ng mga napapaso sa pagsusuob o steam inhalation ay mga bata.
Imbis na pagsusuob ay ipinapayong paupuin nalang ang isang bata sa isang steamy bathroom. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagbubukas ng hot water sa shower na kung saan maari niyang ma-inhale ang steam mula rito na makakatulong para maibsan ang sintomas ng kaniyang sipon o ubo.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.