Mga dapat mong malaman tungkol sa batas para sa sustento ng ama sa anak
“Economic abuse [ito], ibig sabihin isa itong uri ng pang-aabuso sa aspetong pinansiyal.” Ito ang mga salitang binitawan ni Atty. Noel Del Prado sa “Usapang de Campanilla” ng DZMM. Ayon sa kanya, maituturing na kasong kriminal ang hindi pagbibigay ng suportang pinansiyal o sustento sa anak.
Paano nga ba nangyari ito at ano ang mahalagang kailangan na malaman ng isang ina sa batas para sa sustento ng ama sa anak?
Ano ang batas para sa sustento ng ama sa anak?
Ito ay tinatawag na Section 5 ng Republic Act 9262.
Ang Section 5 ng Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act ang batas kung saan napapailalim ito.
Bago raw ang RA 9262, kasong sibil lamang ang hindi pagbibigay ng sustento sa anak. Ibig sabihin, kung hindi nakakatanggap ng suportang pinansiyal mula sa ama, maaaring mag-file ng petisyon para dito.
Nang nabuo ang naturang batas, ginawang kasong kriminal ang hindi pagbibigay ng suporta o sustento ng ama sa kanilang mga anak. Ipinapaliwanag din sa RA 9262 kung ano ang iba’t ibang uri ng economic abuse. Isa na diyan ay ang paglabag sa karapatan ng asawa o ng anak. Sakop dito ang mga biological father ng isang bata, kasal man o hindi.
Batas para sa sustento ng ama sa anak | Image from Shutterstock
Anti-Violence Against Women and Children Act: Ano ang kailangangang malaman?
Ngunit, sa kabila ng pangalan na Anti-Violence Against Women and Children Act, ang batas ay hindi laging kumakampi sa mga kababaihan.
Mayroon na rin kasing pangyayari kung saan ang mga kalalakihan ang dumulog sa korte para kumuha ng temporary o permanent na protection order laban sa mga asawa na babae. Karamihan sa mga ito ay mga kaso kung saan may aspeto ng pang-aabuso laban sa mga bata mula sa magulang na babae. Ang pangunahing layunin ng batas ay maprotektahan ang mga bata. Laganap na rin kasi ang pananakit ng mga nanay sa kanilang mga anak.
Idinagdag din ni Atty. Del Prado na hindi lamang mag-asawa ang sakop ng batas na ito. Kasama sa nasasakupan ang mga babae at lalaki na may relasyong sekswal at magkasintahan o nagsasama. Sinasabi sa batas na ang mga tatay, kahit hindi pa man kasal sa nanay ng kanilang mga anak, ay may obligasyong suportahan ang mga anak.
Batas para sa sustento ng ama sa anak | Image from Freepik
Nilinaw din sa programa na may karapatang makatanggap ng suporta ang mga kababaihan kung kasal sila ng lalaki. Kung live-in o magkasintahan lamang, ang mga anak lamang ang may karapatan sa suportang matatanggap mula sa lalaki. Ang mga bata ay may karapatan na matanggap ng suportang pinansiyal, legal man o illegitimate na anak.
Economic abuse ang hindi pagbibigay ng sustento sa anak
Paano masasabi na may kakulangan sa pagbibigay ng sustento sa pamilya? Ano ang batayan para rito? At ano ang dapat naming malaman?
Ayon kay Atty. Noel Del Prado, walang binibigay na halaga ang batas, tanging mga pamantayan lamang. Isa na dito ay ang unang pamantayan ay ang kakayahan ng lalaki na magbigay ng suporta sa kanilang mga anak o pamilya. Sinasabi dito na hindi kailangang ibigay ang buong kinikita ng tatay para pang sustento sa anak. Kinakailangang may maiiwan sa kanya na sapat upang mabuhay.
Pangalawa, ang pangangailangan ng mga may karapatang makatanggap ng suporta.
Batas para sa sustento ng ama sa anak | Image from Shutterstock
Ayon sa abogado at eksperto, mas pino-protektahan ng batas ang mga solo mothers o yung single moms laban sa mga asawang hindi nagbibigay ng sustento.
Ang mga kalalakihan o tatay ng bata na hindi nagbibigay ng sustento sa kanilang anak ay maaaring makulong nang anim na buwan hanggang anim na taon base sa batas na nakasaan sa atin. Sa kabila pa nito ay may multa na mula P100,000 hanggang P300,000 ang maaaring ipataw sa mga ama na patuloy na hindi magbibigay ng suportang pinansiyal sa kanilang mga anak.
Source:
ABS-CBN News
DZMM TeleRadyo
BASAHIN:
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!