Sa bagong pag-aaral, nakita na may bagong uri ng swine flu sa China na ayon sa mga eksperto ay maaaring pagsimulan na naman ng bagong epidemya.
Ano nga ba ito at dapat bang ikabahala?
Bagong swine flu na nakita sa China, maaaring maging sanhi ng pandemic
Kung hindi mo napapansin, halos kalahating taon na tayo sa 2020. Mabilis lang ang bawat pagdaan ng araw ngunit hindi natin maitatanggi na sa loob ng anim na buwan, madami na rin ang nangyari na sumubok sa katatagan ng bawat pilipino. Isa na diyan ang nararanasan nating COVID-19 pandemic na apektado rin ang buong mundo.
Kasalukuyang nasa ilalim ng General Community Quarantine ang Metro Manila hanggang ngayong araw, June 30. Kontrolado pa rin ang bawat galaw ng mga tao dahil sa banta ng COVID-19.
Ngunit hindi pa tapos ang COVID-19 pandemic ay may bagong na namang flu sa China na ayon sa mga eksperto, ito ay maaaring pagsimulan ng bagong epidemya.
Swine flu
Ayon sa pag-aaral na nakalimbag sa Proceedings of the National Academy of Sciences of the United States of the America, ito ay ang bagong diskubreng uri ng Swine Flu sa China na ang pangalan ay G4. Ito ay may kaugnayan sa H1N1 na naging epidemya rin noong 2009.
Ginamit sa pag-aaral ng virus ang mga ferret dahil may pagkakapareho ito sa mga tao. Katulad ng sintomas ng lagnat, pag-ubo at pagbahing.
Ang G4 ay napagalamang delikado at nakakahawa. Maaari itong makahawa sa human cells na dahilan para magkaroon ng seryosong sintomas sa mga ferret.
Ang bagong tuklas na swine flu ay inilarawan ng China’s Center for Disease Control and Prevention na “all the essential hallmarks of being highly adapted to infect humans,”
Sa pag-aaral na ginawa noong 2011 hanggang 2018, kumuha ng nasal swab ang mga researcher sa 30,000 na baboy sa sampung probinsya sa China at ilang veterinary hospital. Dito sila pinayagan na ihiwalay muna ang 179 na kaso ng swine flu virus.
Nakita rin na hindi kayang protektahan ng kahit na anong immunity na nakuha ng mga tao ang G4. Sa blood tests na isinagawa, nasa 10% na ng swine workers ang infected ng nasabing virus.
Ayon kay James Wood ng Cambridge University,
“The work comes as a salutary reminder that we are constantly at risk of new emergence of zoonotic pathogens and that farmed animals, with which humans have greater contact than with wildlife, may act as the source for important pandemic viruses.”
Nagbigay rin sila ng paalala na ang bagong tuklas na pag-aaral ay nagbibigay ng pahayag na maaaring makapasa ng virus ang hayop sa tao.
Paglilinaw naman ng mga reseacher, napatunayan na maaaring mapasa ang virus mula hayop sa tao. Ngunit hindi pa nakikita kung pwede itong mapasa mula tao sa tao.
Paano nahahawa sa COVID-19?
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang COVID-19 ay isang virus na sobrang delikado dahil mabilis itong kumalat. Maaari itong maipasa sa hayop pero sobrang bihira lamang.
Naipapasa ang COVID-19 kapag ang isang taong carrier ng virus ay umubo o bumahing. Ang mga malilit na water droplets na galing dito ay mapapasa sa hindi infected na tao. Dito magsisimula ang pagkakaroon ng exposure.
Sintomas ng COVID-19
Ito ang mga karaniwang sintomas na maaaring makita sa mga matatanda. Sa ibang kaso naman, matatawag silang asymptomatic o walang mararamdamang mga sintomas sa katawan. Ang sintomas ng COVID-19 sa tao ay kadalasang nararamdaman at nakikita pa pagkatapos ng 2-14 days matapos ang exposure sa isang carrier ng virus.
- Dry cough
- Mataas na lagnat
- Panghihina
- Pananakit ng katawan
- Diarrhea
- Pananakit ng ulo
- Pagkawala ng panlasa
- Pananakit ng lalamunan
Narito ang mga seryosong sintomas na kailangang bigyang pansin. Kung sakaling maramdaman ang mga ito, agad na humanap ng medical assistance.
- Hindi makagalaw
- Hindi makapagsalita
- Hirap sa paghinga
- Pananakit ng dibdib
Ang mga taong mataas ang risk factor sa COVID-19 ay ang mga mayroong chronic lung disease. Ang iba pang kaso nito ay:
- Buntis
- 65 years old pataas
- Mga taong may travel history
- Mga taong nag-aalaga ng COVID-19 patients
- May mga medical condition katulad ng liver disease, asthma, renal failure, heart disease, high blood, diabetes
COVID-19 Health protocols
Ayon sa CDC, ang mga taong delikado sa COVID-19 ay kailangan ng matinding pag-iingat sa panahon ngayon. Narito rin ang mga bagay na dapat tandaan at gawin:
- Palaging pagsusuot ng mask
- Iwasan ang mga matataong lugar
- Iwasan ang mag-travel
- Panatilihin ang social distancing
- Palagiang paghuhugas ng kamay
- Iwasan ang paghawak sa mukha
- Maging malinis
Source: