Marahil sa panahon ngayon, karamihan ng mga bata o ang ating mga anak ay marami ng alam na English nursery rhymes songs, ngunit paano naman ang mga Tagalog nursery rhymes songs?
Isa nga sa mga pinakamaganda na paraan upang mag-bonding at maglaro kasama ang iyong anak o mga anak ay ang pagkanta ng mga nursery rhymes with matching hand gestures pa nga pa-minsan.
Alamin at ituro ang mga ilang Tagalog nursery rhymes songs na ito sa iyong anak—na nagmula pa noong ikaw rin ay minsa’y naging bata, upang maging bihasa rin ang iyong anak sa kanilang katutubong wika nang matatas at hindi lamang Ingles.
Ako Ay May Lobo
Ito ay isang minahal na klasikong Tagalog nursery rhyme song ng mga Pinoy, kahit na nga ito ay hindi masyadong masayang kanta.
Ang mga liriko at melodya nito ay simple lamang na kaya agad sundin ng iyong anak.
Ikinukuwento nito ang kuwento ng isang bata na nawalan ng isang lobo na lumipad hanggang sa kalangitan.
Sa huli nga ng kanta parang ipinaparating na aral ng kanta ay mas mabuti pang gumastos na lamang sa pagkain kaysa sa materyal na bagay katulad na nga lamang ng lobo.
Tong Tong Tong Pakitong Kitong
Ito ay isang simpleng kanta na may isang taludtod lamang na nakatuon sa kung gaano kahirap hulihin ang mga alimango sa dagat.
Ulo, Balikat, Tuhod, at Paa
Isa rin itong simpleng kanta na may isang taludtod lamang na paulit-ulit upang makabisado ng iyong anak ang parte ng kaniyang katawan, pero sa Tagalog naman at hindi Ingles.
Bahay Kubo
Ito rin ay isa pa sa mga minahal na klasikong Tagalog nursery rhyme song ng mga Pinoy, ang Bahay Kubo.
Ang kantang ito ay ipinapakilala ang ilang mga lokal na mga gulay ng Pinoy tulad na nga lamang singkamas, sigarilyas, bataw, patani, kundol, at marami pang iba.
Magandang ipakita at iparinig itong kantang ito sa iyong anak lalo na’t kung hindi ito mahilig sa gulay, marahil ito pa ang maging daan sa pagkahilig nito sa gulay.
Sampung Mga Daliri
Sampung mga daliri
Kamay at paa
Dalawang mata
Dalawang tainga
Ilong na maganda
Maliliit na ngipin
Masarap kumain
Dilang maliit nagsasabi
Huwag kang magsinungaling!
Larawan mula sa Shutterstock
Pen Pen de Sarapen
Pen pen de sarapen,
de kutsilyo de almasen
Haw, haw de carabao batutin
Sipit namimilipit ginto’t pilak
Namumulaklak sa tabi ng dagat.
Sayang pula tatlong pera
Sayang puti tatlong salapi
Sitsiritsit, Alibangbang
Sitsirtisit, alibangbang
Salaginto at salagubang
Ang babae sa lansangan
Kung gumiri’y parang tandang
Santo Niño sa Pandakan
Putoseko sa tindahan
Kung ayaw mong magpautang
Uubusin ka ng langgam
Mama, mama, namamangka
Pasakayin yaring bata.
Pagdating sa Maynila
Ipagpalit ng manika.
Ale, ale, namamayong
Pasukubin yaring sanggol.
Pagdating sa Malabon
Ipagpalit ng bagoong.
Larawan mula sa Shutterstock
Leron Leron Sinta
Leron, Leron, sinta
Buko ng papaya
Dala dala’y buslo
Sisidlan ng sinta
Pagdating sa dulo’y
Nabali ang sanga,
Kapos kapalaran
Humanap ng iba.
Tong Tong Pakitong Kitong
Tong, tong, tong, tong pakitong-kitong
Alimango sa dagat
malaki at masarap!
Kay hirap hulihin
sapagkat nangangagat.
Tong, tong, tong, tong pakitong-kitong.
Kung Ikaw Ay Masaya
Kung ikaw ay masaya, tumawa ka! (Ha, ha, ha)
Kung ikaw ay masaya, tumawa ka! (Ha, ha, ha)
Kung ikaw ay masaya, buhay mo ay sisigla,
Kung ikaw ay masaya, tumawa ka! (Ha, ha, ha)
Kung ikaw ay masaya, pumalakpak! (palakpak 3x)
Kung ikaw ay masaya, pumalakpak! (palakpak 3x)
Kung ikaw ay masaya, Buhay mo ay sisigla,
Kung ikaw ay masaya, pumalakpak! (palakpak 3x)
Kung ikaw ay masaya, pumadyak ka! (padyak 3x)
Kung ikaw ay masaya, pumadyak ka! (padyak 3x)
Kung ikaw ay masaya buhay mo ay sisigla,
Kung ikaw ay masaya, pumadyak ka! (padyak 3x)
Kung ikaw ay masaya tumawa ka. (tumatawa 3x)
Kung ikaw ay masaya tumawa ka. (tumatawa 3x)
Kung ikaw ay masaya buhay mo ay sisigla,
Kung ikaw ay masaya tumawa ka. (tumatawa 3x)
Larawan mula sa Shutterstock
theAsianparent Philippines
Marami pang ibang kanta at educational videos ang makikita sa theAsianparent Philippines na YouTube Channel na maaari mong ipakita o ituro sa iyong anak.
Tumungo lang sa source link sa baba o pindutin lamang ang clickable link sa itaas, upang mapuntahan ito.
Maaari mo ring puntahan at i-download ang theAsianparent Philippines na website o application sa iyong cellphone o laptop at mag-register, upang maging updated sa mga balita tungkol sa kalusugan, medisina, relasyon sa anak o sa asawa, edukasyon, at iba pa.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!