Hindi biro ang hirap ng pagiging magulang. Lahat ng magulang ay ginagawa ang kanilang makakaya upang masiguradong lumaking ligtas at maayos ang kanilang anak. Ngunit minsan, may mga pangyayaring hindi inaasahan. Tulad ng isang kuwentong kumalat sa social media tungkol sa walong buwang gulang na sanggol, na namatay dahil nakalunok ng takip ng bote.
Paano ito nangyari, at paano makakaiwas ang ibang mga magulang sa ganitong trahedya? Ating alamin.
Paano niya nalunok ang takip ng bote?
Ayon sa ulat, nasa stroller daw ang 8 buwang gulang na sanggol na si Rhea Jane. Binabantayan daw siya ng kaniyang lola habang bumabawi naman ng tulog ang kaniyang ina.
Sa kasamaang palad, mayroon palang takip ng bote ng softdrinks sa loob ng stroller ng sanggol. Ito ay nalunok ni Rhea Jane at bumara sa kaniyang lalamunan.
Agad nagising ang ina ni Rhea nang marinig ang umiiyak na bata. Nagawa nilang tanggalin ang takip, pero huli na pala ang lahat. Namatay ang sanggol dahil nahirapan itong huminga.
Sabi ng lola ng bata, tingin niya na inaabot raw ni Rhea Jane ang takip ng bote. Mayroon raw bote ng softdrinks na nakalagay malapit sa stroller ng bata.
Nag-iisang anak si Rhea Jane, at labis na kinalulungkot ng kaniyang pamilya ang pagpanaw niya.
Panoorin ang video ng ulat dito:
Palaging bantayan ang mga bata
Nakakatakot ang nangyari kay Rhea Jane. Ito ay dahil minsan, malingat ka lang, may masama na palang mangyayari sa iyong anak.
Kaya’t kailangang mag-ingat ng mga magulang at palaging bantayan ang kanilang mga anak, lalong lalo na ang mga maliliit na sanggol.
Heto ang ilang mahahalagang tips pagdating sa pag-aalaga sa bata:
- Siguraduhing walang laruan o bagay sa kanilang hinihigaan o nilalaruan na puwedeng magdulot ng panganib sa kanila. Kasama na rito ang mga kumot, unan, at mga maliliit na laruan.
- Ilayo ang mga kemikal o lason sa mga bata. Ilagay ito sa kung saan hindi nila maaabot.
- Huwag hayaang pagala-gala ang iyong anak sa bahay. Kahit sa tingin mo ligtas siya sa inyong bahay, mabuti pa rin ang mag-ingat.
- Iwasang tumabi sa iyong anak pagtulog. Mas mataas ang tsansa na magkaroon sila ng SIDS, o sudden infant death syndrome.
- Kapag nagpapadede, ingatang huwag mabulunan ang iyong anak.
- Kapag nagpapakain naman, duruging mabuti ang pagkain upang hindi ito bumara sa kanilang lalamunan.
Tandaan, mabuti na ang maging maingat kaysa maging pabaya pagdating sa pag-aalaga ng bata.
Source: The Wau
Basahin: Bagong silang na baby namatay dahil sa usok ng sigarilyo
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!