Dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine at walang masakyan, tatay naglakad dala ang patay na anak mula Pasig hanggang Makati.
Tatay naglakad dala ang patay na anak
Walang nagawa ang nagdadalahamting ama na si Rodel Canas, 23-anyos kung hindi lumakad mula Pasig hanggang Makati para maiuwi lang ang bangkay ng kaniyang patay na anak.
Ayon sa mga report, March 11 ng dalhin ni Rodel ang kaniyang misis sa Rizal Medical Center sa Pasig upang doon manganak. Ang kaniyang misis nagsilang ng isang premature na sanggol na lalaki at kalaunang na-diagnosed na may congenital heart disease. Kaya naman upang matutukan ang kaniyang kondisyon ang sanggol ay na-confine sa ospital. Ngunit makalipas ang 32 araw, April 13, nasawi ang sanggol.
Base sa report na nagmula sa ospital, ang sanggol ay nasawi sa sakit na hospital-acquired pneumonia na nag-resulta sa severe sepsis na kaniyang kinamatay.
Ngunit maliban sa maagang paglisan ng kaniyang sanggol, naging isang malaking dagok rin para kay Rodel ang hospital bill na kailangan nilang bayaran. Ito ay umabot ng P245,000 na pinagsamang gastos ng panganganak ng kaniyang asawa at pagkaka-confine ng kaniyang sanggol. Pero dahil sa isang construction worker lang si Rodel ay wala itong kakayahang magbayad ng ganoong kalaking bill. Kaya naman pinauwi nalang ng ospital si Rodel kasama ang bangkay ng kaniyang anak.
Bangkay ng sanggol isinilid lang sa loob ng karton
Ang patay na katawan ng sanggol ay nilagay lang sa loob ng isang karton na sinelyuhan ng packaging tape. Walang nagawa ang ama kung hindi dalhin ang kaniyang anak pauwi sa ganitong kondisyon. Dagdag pa ang naging pahirap ng ipinatutupad na enhanced community quarantine sa Luzon. Dahil rito ay walang masakyan na pampublikong transportasyon si Rodel. Kaya naman mula Pasig City ay nilakad niya hanggang Brgy. East Rembo Makati City, ang lugar kung saan nakatira ang kaniyang pamilya.
Kinabukasan ay lumapit at humingi ng tulong si Rodel sa chairman ng kanilang barangay. Dito ay nabigyan siya ng certificate of indigency na kaniyang kailangang maipakita sa ospital upang ma-settle na ang kaniyang barayin.
Una ng naisip ni Rodel na ilibing nalang sa inuupahang bakanteng lote sa kanilang bakuran ang kaniyang namatay na sanggol. Ngunit hindi ito hinayaang mangyari ni Brgy. East Rembo Chairman Thelma Ramirez. Tinulungan niya si Rodel na mabigyan ng maayos na libing ang kaniyang anak at ito ay ipina-cremate nila. Labis-labis naman ang pasasalamat ng nagdadalamhating ama sa naging agarang aksyon ng kanilang kapitana.
Tulong ng gobyerno sa mga nangangailagan – AICS
Sa kaso ni Rodel ay may nakalaan na tulong na ibinibigay ang gobyerno. Ito ay ang programang AICS o Aid to Individual in Crisis Situation.
Ang programa ay ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa pakikipagtulungan sa mga local government units sa buong bansa.
Sa pamamagitan ng programa ay maaring matulungan ang isang Pilipino na dumaraan sa isang “crisis situation”.
“When we say ‘in crisis,’ these are events that cause shock or trauma, producing mental, psychological, and physical distress to a person”.
Ito ang pahayag ni dating DSWD Undersecretary for Operations and Protective Programs Hope V. Hervilla tungkol sa programa.
“If may crisis na ganoon at hindi sila maka-cope, these people or individuals could sometimes feel helpless. Maaari ding magkakaroon sila ng dysfunction”, dagdag pa ni Hervilla.
AICS o Aid to Individual in Crisis Situation
Sa pamamagitan ng AICS ay maaring mapagaan ang alalahanin ng mga Pilipino. Basta kanilang mapapatunayan na sila ay indigent o karapat-dapat na tumanggap ng tulong mula sa programang ito.
Ayon sa Memorandum Circular na inilabas ng DSWD tungkol sa AICS nitong 2019, narito ang mga uri ng assistance na maaring maitulong ng programa sa bawat indigent na Pilipino.
Financial o material assistance
- Transportation assistance o pagbabayad sa kanilang gastos pauwi sa probinsya upang doon na tumira. O kaya naman ay upang bisitahin ang kaanak sa gitna ng emergency situation.
- Medical assistance na tutulong sa hospitalization expenses o kaya naman ay pambili ng gamot. Para sa mas malalaking kaso ay maaring makipag-ugnayan ang DSWD sa PhilHealth para sa coverage.
- Burial assistance o ang pagsagot sa funeral cost at iba pang related expenses sa pagpapalibing ng isang kaanak.
- Food assistance o ang pagbibigay ng food packs o food allowance sa mga pamilyang nangangailangan sa oras ng krisis sa kanilang buhay. Tulad na kung sila ay naospital at walang pambili ng pagkain habang nagpapagamot.
- Educational assistance o ang pagbibigay ng tulong sa pag-aaral ng isang indigent na estudyante. Ito ay maaring sa pamamagtian ng tulong sa kaniyang tuition fee, school supplies, o transportation allowance.
- Cash assistance sa iba pang support services tulad ng tulong sa mga napauwing OFW, biktima ng sekswal na pang-aabuso at iba pa.
Psychological intervention o referral sa iba pang government services
Ang AICS ay maari ring makatulong sa isang indibidwal sa pamamagitan ng psychosocial intervention. O ang pagtulong upang maibsan ang impact ng stress sa isang Pilipino sa oras ng krisis. Ito ay maaring sa pamamagitan ng cognitive o behavioral therapy. At kung sakaling hindi saklaw ng programa ang problemang kinakaharap maari ring magbigay ito ng referral para sa iba pang government services sa oras na ito ay kinakailangan.
Para makakuha ng benepisyo mula sa AICS ay kailangan lang makipag-ugnayan sa inyong barangay. Sila ang gagawa ng unang hakbang upang maiabot ang tulong na ito sa bawat Pilipino.
Source:
DSWD, Relief Web, Tribune PH
BASAHIN:
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!