Social Amelioration Program FAQS: Narito ang Social Amelioration Program qualification and requirements para sa ating mga Pilipino.
Social Amelioration Program FAQS
Dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine, ay pansamantalang tigil trabaho ang karamihan ng mga Pilipino. Kaya naman upang sila ay mabigyan ng tulong at suporta ay binuo ang Social Amelioration Program. Ito ay ang programang binuo ng gobyerno na naglalayong magbigay ng financial assistance sa mga Pilipinong labis na naapektuhan ng isinasagawang enhanced community quarantine laban sa COVID-19 pandemic. Pinagtibay ito ng Bayanihan to Heal as One Act o Republic Act No. 11469. Ang batas na nagbibigay ng dagdag awtoridad o special powers sa Pangulo ng Pilipinas sa gitna health crisis sa bansa.
Base sa batas ay nararapat na magbigay ang pamahalaan ng emergency subsidy para sa 18 million low income families sa buong bansa. Ang ibibigay na subsidy ay nagkakahalaga ng P5,000-P8,000 kada buwan sa loob ng dalawang buwan. Naka-depende ang komputasyon ng ibibigay na subsidy sa miminum wage rate ng kada rehiyon.
Narito ang komputasyon sa bawat rehiyon base sa inilabas na joint memorandum circular ng programa.
Pero ano nga ba ang Social Amelioration Program qualification o sinu-sino ang eligible na makatanggap sa emergency subsidy na ibinibigay nito.
Social Amelioration Program qualification
Upang maayos na maipatupad ang Social Amelioration Program o SAP ay nakipag-ugnayan ang Department of Social and Welfare Development o DSWD sa mga local government units ng kada rehiyon. At ayon kay DSWD spokesperson Director Irene Dumlao tanging mga low-income families mula sa impormal na sektor sa bansa ang qualified na makatanggap ng emergency cash subsidy na ipinamimigay sa ilalim ng programa.
Ito ay ang pamilyang mas nangangailangan at labis na naapektuhan ng tigil-trabaho na ipinatutupad sa bansa.
“Iyong 18 million families are iyong mga most—those who are in need, iyong mga nangangailangan. So iyon lamang na nahihirapan, iyon lamang nasa informal sector, iyong mga no-work, no-pay.”
Ang pahayag na ito ay mula kay Inter-Agency Task Force (ITAF) Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Pamilyang kwalipikado sa Social Amelioration Program o SAP benefits
Ayon parin sa joint memoramdum circular ng nasabing programa, ang mga pamilya na eligible na makatanggap ng benepisyo ay ang may mga miyembro ng pamilya na nagmumula sa sumusunod na sektor:
- Mga senior citizens na hindi nakakatanggap ng pensyon
- Persons with disability
- Buntis at nagpapasusong ina
- Solo parents
- Overseas Filipinos na napauwi sa bansa dahil sa lockdown
- Indigenous people
- Mga homeless citizens
- Manggagawa na sa ilalim ng no work, no pay scheme
- Magsasaka at mangingisda
- Sub minimum wage earners
- Sari-sari store owners
- Informal economy workers tulad ng public utility drivers, house helper, contractual workers atbp.
Hindi kwalipikadong makatanggap ng SAP benefits
Ayon parin kay Nograles, narito naman ang mga hindi eligible na makatanggap ng benepisyo mula sa Social Amelioration Program ng pamahalaan:
- Mga 4Ps beneficiaries
- Retiradong senior citizens na may natatanggap na buwanang pensiyon mula sa SSS at GSIS
- Non-indigents o ang mga manggawa mula sa pormal na sektor
Paglilinaw niya ang mga 4Ps beneficiaries ay hindi na makakatanggap ng emergency cash subsidy. Ito ay dahil nauna na silang nabigyan nito sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
“Noong ginawa ang calculation na 18 million low income families, hindi na po kasama iyong sa 4Ps kasi nabigyan na po ito ng emergency subsidy [bukod pa sa regular 4Ps cash grant]. Hindi na po sila kasama sa bibigyan ng Social Amelioration Card (SAC) ng LGU,” pahayag ni Nograles.
Habang ang mga manggagawa naman mula sa pormal na sektor ay napabilang na sa programa ng DOLE na magbibigay ng P5,000 cash assistance. Paglilinaw niya rin tanging mga indigent senior citizens lang ang maaring mapabilang sa Social Amelioration Program o matatandang nakakatanggap lang ng pension mula sa DSWD.
“Ito pong mga senior citizens na may natatanggap nang pension dahil po sa panahon noong sila’y nagtatrabaho pa, excluded na po. Uunahin po natin iyong mga indigent senior citizens na tumatanggap ng social pension sa DSWD.”
Ito ang dagdag pang pahayag ni Nograles. Ayon pa sa kaniya ang pamamahagi ng social amelioration ay kada pamilya at hindi kada family member.
“Kapag isa po sa pamilya ang jeepney driver, at iyong asawa naman po ay labandera, isang Social Amelioration Card lang po para sa pamilya. Hindi po puwedeng dalawa sa isang pamilya”, dagdag pa ni Nograles.
Social Amelioration Program o SAP DSWD requirements
Ayon naman kay DSWD spokesperson Irene Dumlao ang kanilang ahensya sa tulong ng local government units o LGU’s ang tutukoy kung sino ang makakatanggap ng benepisyo mula sa programa. At gagawin nila ito sa pamamagitan ng house-to-house basis na kung saan ang puno ng pamilya ang mag-fifillup ng detalye na kailangan sa SAP form.
“Social amelioration cards (SAC) will be distributed to identified families in need, in coordination with LGUs.”
“Ang puno ng pamilya ang siyang magsusulat ng kanilang impormasyon na hinihingi sa dokumento at nakasulat sa malaking letra.”
Ito ang paliwanag ni Dumlao. Ang nasabing form ay ipapasa sa LGU na kung saan ang isang kopya ay iiwan sa beneficiary ng programa.
Samantala, maliban sa pinirmahang form ay may mga SAP DSWD requirements rin na kailangang ihanda ang mga nagnanais na makasama sa programa. Ito ay ang patunay na sila nga ay nabibilang sa Social Amelioration Program qualification na itinalaga rito.
Mga dokumentong kailangang ihanda
Ito ay ang mga sumusunod:
- Senior citizens – Senior Citizen’s ID
- Persons with disability – PWD ID, o Certificate of Separation from or Suspension of Work
- Pregnant women and lactating women – valid ID, Certification mula sa Rural Health Unit (RHU), o Birth Certificate of Child (if available);
- Solo parents – Solo parent’s ID, o Certificate of Employment or Separation from or Suspension of Work;
- Overseas Filipinos (OFWs) in distress o napauwi dahil sa COVID-19 health crisis mula noong January 2020 – Valid Passport Bio Page, at kopya ng kahit ano sa sumusunod: Passport arrival stamp, proof of departure ticket, Overseas Employment Certificate o Employment Contract.
- Mga underprivileged sector, homeless families, indigent indigenous peoples, at iba pang vulnerable groups – certificate of indigency na mula sa barangay o kaya naman ay mula sa CSWDO/MSWDO/PSWDO kung saan sila nakatira. Certification mula sa NCIP o tribal chieftain/council of elders na nagpapatunay ng pagkakabilang sa grupo ng Indigenous Peoples o IPs
Distribusyon ng SAP benefits
Ayon parin kay Dumlao ay nagsimula ng mag-distribute ng emergency cash subsidy sa mga beneficiaries ng 4Ps noon pang April 3. Habang sinimulan naman ang pagbibigay ng cash subsidy sa mga hindi 4Ps beneficiary noong April 5 sa Parañaque City at Maynila.
Nakiusap naman siya sa mga Pilipino na habaan ang pasensya sa pag-aantay na makarating sa kanilang lugar ang benepisyo.
“Tayo ay nakapag-roll out na. Hinihingi lang natin ang understanding ng ating mga kababayan because milyon ang ating pinagsisilbihan,” pahayag ni Dumlao.
Pero dagdag pa niya sa loob ng dalawang buwan ay madidistribute na ito sa kanila.
“The assistance will be distributed this April and in May. DSWD will employ different modes of payment applicable to the situation that will ensure expeditious benefit distribution.”
Ito ang dagdag pang pahayag ni Dumlao.
Source:
Manila Bulletin, GMA News, Inquirer, Official Gazette of the PH, PNA,
Enhanced community quarantine, extended hanggang April 30
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!